Korean Food

Nakakainggit naman ang maulang umaga. Parang emosyonal lang na may pinagdadaanan na patuloy lang sa pagluha. At sa pagsapit ng pagtila, okay na ang lahat na parang walang nangyari. Maaliwalas na ulit ang kalangitan ang buong giliw na naman na nakangiti si Haring Araw.

Nakakarelate? Chura neto! Ang aga-aga eh. Ahaha!

Hindi naman sa nakakarelate. Yan lang naman kasi ang naunang pumasok sa emosyon ko nang makita ko ang kapaligiran sa harap ng mumunting menshon namin. Malakas kasi ang ulan kaninang umaga nang magising ako. Pagkatapos ko magpasalamat sa Itaas e bumangon na ako at tumambay sa may pintuan habang nakatanaw sa maulang kapaligiran. Inusisa ko din ang makulimlim na kaulapan at kinumusta ang mga halamang masayang masayang naliliguan ng tubig sa tapat ng bubungan.

At pagkatapos nun, naramdaman ko na ang pag-aaway ng mga alaga ko s tiyan. Ayun lang 🙂

Habang nag-aalmusal ako ng miswang walang patola…

Ahihi! Hindi na kasi nakadaan sa palengke para bumili. Kaya ang naging pakner ay isang latang sardinas. Konting gisa, timpla ng pampalasa, kulo at tapos na. Solved na ang almusal sa maulang umaga. Dapat nga may dahon pa yun ng malunggay kaya lang dahil nga sa maulan ay tinamad na kumuha. Kahit na nasa tabi lang ng bahay yung pagkukuhaan.

At balik tayo sa sinasabi ko.

…Hindi ko maiwasan isipin yung makiramdam na sobrang gulong-gulo ng pag-uutak dahil sa mga desisyong ang hirap piliin. Kung puso ba o ang utak ang susundin? Kahit na sinasabi ng puso na pagmamahal ang dapat na paghariin pero sinasabi naman ng utak na hindi dapat dahil mas dapat na unahin ang sariling kaligayahan, pamilya at ang mga kaibigan. Alam mo yung pakiramdam na gusto mong mawala na lang dahil hindi mo na alam kung ano at sino ang pakikinggan dahil sa kalituhan. Pero bigla ko rin naisip na wala naman pala akong ganung pinagdadaanan kaya hindi ko yun dapat na pinuproblema. Wala lang, nasagi lang sa isipan.

Sa dami ng masasayang bagay sa mundo, sa dami ng mga dahilang pwedeng magpasaya sa’yo, sa dami ng taong hindi pa naliligo dahil nilalamig. Hindi dapat nagiging choice ang pagiging malungkot dahil walang maidudulot na maganda sa iyo, sa akin, sa kanila, sa ekomomiya at sa pagbuti ng kalagayan ng Kalikasan.

Likas na sa atin ang pagiging masaya. Kaya ng pagiging malungkot ay choice mo kung kelan mo gugustuhin. Kahit na may mga hindi kagandahang pinagdadaanan ka sa buhay, hindi dahilan yun para magtampisaw ka sa kalungkutan. Kahit na pumanaw na ng di inaasahan yung kapitbahay mong masama ang ugali, kailangan positibo pa rin ang pagtingin mo sa sitwasyon dahil ang lahat ng mga nangyayari ay may dahilan.

At palaging tandaan. Nakakapangit at nakakatanda ang pagiging malungkot. Nakaka-halina ng mga mandurukot at riding-in-tandem. Nakakahalina din ng mga taong mahilig mangutang. Kapag malungkot ka ay malalapit ka rin sa masasamang barkada at masasamang bisyo. Nakakasira ng relasyon at higit sa lahat ay nakakapag-paiksi din ng buhay.

Kaya ikaw, bibigyan mo pa ba ng puwang ang mga walang katuturan na kalungkutan? Sa kahit ano namang pagsubok ng buhay ay pwedeng pwede mo laktawan yung lungkot-lungkutan na part. Dun ka na agad sa move-on na bahagi. Dahil sa mundong puno ng ligalig at pighati, ang pagiging positibo ay magsisimula sa simpleng pag-ngiti.

Masayang maulang umaga sa inyo!

Advertisements

Gatas ba o Tsokolate?

Kadalasan nagiging masaya tayo kapag nakakamit natin ang mga bagay na gusto natin. Maging materyal na bagay man yan o hindi.Kapag may mga inaasahan tayo na natutupad at kapag may mga bagay na nagaganap ng naaayon sa kagustuhan natin. Likas na sa tao ang hindi maubusan ng gusto. Ang mga gusto na yan ang isang malaking aspeto kung bakit patuloy tayo na naghahangad, nangangarap at nagpupursige.

Pero hanggang kelan? Hanggang saan? Sadya nga bang hindi kayang punuin ng mga nakakamit natin ang buslo natin ng kasiyahan? O talagang ipinanganak tayo dito sa mundo na hindi marunong makuntento. Ang dami kasing gusto. At kapag nakamit na yung gusto, meron nanamang panibago.

Noong nagsimula ka palang kumita ng pera, maliit pa ang sahod noon. Maaaring kapos pero napagkakasya kahit nakasabay pa ang napakaraming gusto. Pero ngayong malaki na ang kinikita mo, nakikita mo pa rin ang sarili mo sa kaparehong sitwasyon. Ang dami pa ring gusto at nasasabi mo pa rin na kulang. Simple lang naman, alipin ka kasi ng pagsabay ng istilo ng pamumuhay mo sa pag-unlad ng kinikita mo. Sa punto sigurong yan ay makakapag-isip ka na kung ano ba ang iyong mga kailangan kumpara sa mga luho lang.

Naalala ko tuloy yung isang bata na nag-aaral na sa elementarya. Nagtungo sila ng mall ng kanyang Ina pagkatapos ng unang araw sa iskwela upang mamili ng mga gamit pampaaralan. Napadaan sila sa bilihan ng sapatos at nagturo yung bata. Pagkatapos ng maiksing pag-uusap ay nilisan nila ang bilihan ng sapatos. Hindi sila bumili dahil maayos pa naman yung sapatos na ginagamit nung bata pampasok sa iskwela.

Ito ba ang simpleng paglalarawan ng tinatawag na “kuntento”? Sabi nga di ba na hindi magiging masaya ang isang tao kapag hindi nya natutunang makuntento. Ang pagiging kuntento ay hindi nalalayo sa pagiging payapa. Na kapag nasa kaayusan ang lahat, ito ay nagdudulot ng sayang hindi pansamantala. Pero sa tingin ko, matatawag kong masaya yung bata kapag nabili yung sapatos na gusto nya.

Sana nilikha na lang ang kasiyahan ng tao na nakalagay sa garapon. Na kapag nauubos na ang laman, alam mo kung hanggang saan ang dapat mong punuin. Na nabibili lang sa supermarket kada galon at natitingi sa tindahan ng pakonti-konti. At pwede kang mag-ipon ng kasiyahan kapag bubuhos na ito sa panahong nakatakda kagaya ng ulan.

Pero ano nga ba talaga ang mas matimbang, pagiging kuntento (contentment) o ang kasiyahan (happiness)?