Mano Po at Opo

Mano Po at Opo
by: Diwangtanglaw

Ala-alang pinukaw
Lipas na mga araw
Tara’t magbalik-tanaw.

Asal na nararapat
Musmos ng naimulat
Kaugaliang sapat.

Pagmanong nananabik
Ay may yakap na balik
Samahan pa ng halik.

Dala-dala mo ba Po?
Dayalogong malago’
Tugon mula sa puso.

Opo ay tangan din ba?
Paggalang na napuna
Sagot na may halina.

At ngayon ako naman
Paslit ay tuturuan
Maging isang huwaran.

Kahit tumanda na’ko
Taglay ko pa rin ito
Dahil nga Pinoy Ako.

♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥

Ang “Diona” sa itaas ay aking entry sa Saranggola Blog Awards 2015 para sa kategoryang Pagsulat ng Tula na tumatalakay sa pagka-Pilipino; buhay at gawi o maging pang araw-araw na buhay ng mga Pilipino.

sba_logo

At ciempre, ang Taos-pusong Pasasalamat sa mga Sponsors sa ibaba.

lionhearthv       dailypediataragisRCST

dmci_homes

Advertisements

Ako Nga Pala Si…

Tubig! Mineral! Yan ang madalas mong maririnig.
Meron din akong samut-sari na sa gutom ay pamatid.
Mainit-init na iingatan upang hindi matabig.
Mga kutkutin at panalubong na sa’yo’y aking ihahatid.

May balut ay may penoy kahit na sa tanghali.
Kahit na anong oras ay may mainit na mani.
Itlog ng pugo ba ang sa’yo’y magpapangiti?
O chicharong may suka ang dadampi sa iyong mga labi.

Taga-mabalacat nga pala ako kung iyong mamarapatin.
Sa gitna ng bayang ito ako ay dapat mong bisitahin.
Dahil ang paglalakbay mo ay walang itulak-kabigin.
Ikagagalak ko ang ikaw ay maging panauhin.

Kahit anong load ay meron na dito sa akin.
Jollibee o donut? ika’y aking pakakainin.
May mga prutas din ako na pwede mong pakyawin.
Pati mga dvd at mp3 ay isama mo na rin.

Humigit kumulang dalawang-daan, bus na aking nakakasalamuha.
Sa isang maghapon magdamag sa pagdating sila’y walang sawa.
Samut-saring mga mukha ang aking nakakadaupa.
Kahit anong estado sa buhay mula matanda hanggang bata.

Kaylangan mo ba ng pahinga o pagtulog ng mahimbing?
Sa malalamig na silid na kulay pula ang dingding.
Kahit anong oras ay pwede mo akong marating.
Basta huwag ka lang maingay at baka may magising.

Dagupan, Baguio o Abra, naku malayo pa!
Habang kasama mo ako isipin ang lahat ng dala-dala.
Maraming oras pa na byahe ang bubunuin mo sa kalsada.
Kaya umihi ka na bago magpatuloy sa paglarga.

Hindi man ako pasyalan o isang pang turistang destinasyon.
Ang pag-aasikaso ko ay sa’yo lagi nakatuon.
Ako’y kaagapay mo kapag sa Norte ka paroroon.
Ako nga pala si Dau, Isang stop-over sa gitnang luzon.

~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~

Ang tulang nasa itaas ay kalahok sa ikaapat na Saranggola Blog Awards na may temang “Lakbay”