Ako Si Matanong

Salamat Kuya Google sa background ^_^

Salamat Kuya Google sa background ^_^

Yebah! Tapos na ang tag-ulan dito sa bansa namin. Dalawang araw nang umiiral ang tag-araw at sa wakas ay makakatuyo na ulit ng maayos ng mga sinampay. Nung nakaraang linggo kasi ay nagkaabutan sa sampayan yung dalawang linggong labahin namin dahil sa walang humpay na pag-uulan. Pero sa kabilang bahagi ng mundo ay nakabuti naman para sa mga bukirin na natamnan na ng palay. At sa anihan ay may gugulangan nanaman ang mga negosyanteng mapagsamantala. Ayun lang.

Kahapon ay nagkaroon ako ng malayang oras para maggala at magbabad sa mundo ng kasaputan (world wide web). Oo mga Ate at Kuya, nag-internet ako to the max kahit na nasa work ako. Ahihi! Huwag niyo ako isusumbong ha. Maaga ko kasi natapos yung workload ko kaya kunwaring busy mode na lang ang peg hanggang sa matapos ang oras ng trabaho.

Sa kabilang side ng bangs ko ay nalungkot ako. Dahil yung mga nabisita kong blog site ay kapareho ko na parang alien lang na bumababa sa Earth na nangyayari lang once a year o kung kelan lang nila gusto. Marahil ay may mas inuuna pang mga bagay bagay sa tunay na mundo. Mas kinukunsumo ng reyalidad yung oras kaysa sa magpaskil ng mga opinyon, pananaw at mga kuro-kuro. Meron din naman mga masisipag magpaskil at sila yung mga mayayaman. Mayayaman sa bakanteng oras o kaya naman ay propesyon nila ang pagsusulat sa elektronikong mundo. Kainggit lang kasi dahil sa dalang ko na magsulat, tila napupurol na rin yung likot ng pag-uutak ko para makapagbahagi ng kung anu-anong meron ako.

May matutunan man yung nakabasa o wala. Nakapagbigay man ng ngiti at tuwa. Nakasira man ng araw yung pagbisita sa bahay ko o naging dahilan pa ng pag-aaway nyo ng kasintahan mo, hindi na siguro importante yun. Parang bonus na lang kapag makatanggap ka ng mga positibong komento. At kapulutan ng espasyo para pagbutihin pa kung sakali naman na may komentong negatibo. Dahil ang pinakamasarap na bahagi ay yung maipahayag mo ang sarili sa paraan ng pagtutugma ng mga salitang sa tingin mo ay naaakma sa emosyon at panahon. Malalim o mababaw man ang pakahulugan ng iba, Ohryt! Rock en roll to the world! Woah!

Meron din naman yung mga pagkakataon na ang yaman mo sa oras at gustong-gusto mo magsulat. Pero ayaw ka naman dalawin ng mga mabubuting espirito para bigyan ng malikot na kaisipan para maipahayag ang sarili. Kainis lang ano? Parang pananakop lang ng mga epal sa telebisyon na kahit na saang istasyon at anong oras ay nilalaman sila ng patalastas.

“Kami ang Pabebeng Epal at wala kayong pake kung pa-epal kami sa mga video namin. Kaya huwag kayo mangenge-alam dahil kahit sino man kayo, walang makakapigil sa amin.”

Pero hindi man tama ang mag-isip ng masama sa kapwa, hindi mo maalis yung ideyang baka galing na sa kaban ng bayan yung ginagastos ng mga Pabebeng Epal sa maagang pangangampanya nila. Haaay life, ano na ba itong nangyayari sa mundo?

Kaya sa lahat ng mga manunulat – baguhan man o hindi, propesyonal man o nakikigaya lang, nakahiligan, pinagkakakitaan, pampalipas-oras o kahit na ano pa man ang dahilan ng pagiging manunulat mo. Ipagpatuloy mo lang kahit na mas nauukupa na ng tunay na mundo ang oras mo. Ipagpatuloy mo lang kahit na wala ka ng pera. Ipagpatuloy mo lang kahit na hindi na kayo nag-uusap ng tatlong araw ng boyfriend/girlfriend mo. Ipagpatuloy mo lang kahit na may bagong shih-tzu yung kapitbahay mo. Ipagpatuloy mo lang kahit na ikaw na lang ang nakakaintindi sa mga isinusulat mo. Malay ba namin kung may malalim kang pinaghuhugutan. Dahil higit-kailan man, walang pwedeng maitumbas na saya sa layang maipahayag mo ang iyong sarili ng walang alinlangan at hindi ibinase sa pamantayan ng iba.

Advertisements

Unang Tampisaw

Marahang nararamdaman na talaga ang pagsapit ng tag-araw. Maalinsangan na nga dito sa amin kapag tanghali hanggang sa paglubog ni Haring Araw. Kabilaan na nga ulit ang nagtitinda ng halo-halo at kumikitang kabuhayan nanaman ang “ice for sale” na tigatlong-piso. At dahil nabanggit na rin ang halo-halo, gusto ko lang ipaalam sa sambayanan na yan ang paborito ko ngayong merienda sa hapon. Ganun? Kailangan ipangalandakan? Ahihi! Kalma, Maghalo-halo ka rin para makarelate ka. Ahaha!

Siguradong handang-handa na rin ang mga mahihilig magtampisaw sa tubig. Naplano na ng mainam ang mga destinasyon at ang mga gamit, pagkain, sasakyan, inumin, barkada, sarili, at kung anu-ano pa na kailangang dalhin. Pero magpapahuli ba ako? Ciempre naman hindi kasi nauna na kami nung February pa. Ahaha! Ang destinasyon… Poracay sa Porac, Pampanga.

SAM_0440 [640x480]

SAM_0441 [640x480]

SAM_0449 [640x480]

SAM_0442 [640x480]

Halos ganyan sa larawan sa itaas ang kabuuan ng byahe papunta sa lugar. Naisip ko tuloy na mangungubat kami o kaya naman ay magquaquarry at hindi magsiswimming.

SAM_0443 [640x480]

Isa sa nakaagaw pansin sa amin ay ang taniman ng Dragon Fruit. Totoo kaya na kapag nahinog ang bunga nyan ay magiging dragon?

SAM_0444 [640x480]

SAM_0454 [640x480]

Hindi pa rin talaga ako nakukumbinsi. Mukhang mali yata ang grupong nasamahan ko.

SAM_0455 [640x480]

Pero nung natanaw na namin ito, nagkaroon na ng liwanag ang buhay. ^_^

SAM_0456 [640x480]

SAM_0457 [640x480]

SAM_0458 [640x480]

SAM_0459 [640x480]

SAM_0460 [640x480]

SAM_0461 [640x480]

SAM_0467 [640x480]

SAM_0481 [640x480]

SAM_0487 [640x480]

SAM_0509 [640x480]

SAM_0516 [640x480]

SAM_0529 [640x480]

SAM_0538 [640x480]

SAM_0535 [640x480]

Eto ang wagas na salarin. Bakit ba kasi may hugis-puso na damo dito? Kasura na maging emosyonal ang alindog ko. Ahaha! Nga pala baka may maghanap. Minarapat kong hindi ipaskil ang mga larawang may pagkakakilanlan. Gusto ko kasi manatiling pribado ang aking kagandahan. Ahaha!

Sa dami ng pwedeng gawin para ma-enjoy ang lugar ay hindi ko na yun masyadong napagtuunan ng pansin. Hindi ko nga namalayan na natapos ang dalawang araw ko ng ganun-ganun na lang. At sa tingin ko at hindi ko na rin ibibida yung lugar para puntahan ng iba dahil hindi ko nakikita ang sarili ko na babalik ako sa ikalawang pagkakataon. Kasi naman, meron akong emosyonal na pinagdadaanan habang nandun ako. Ahaha! Bitter lang! Ang puso nga naman kapag nag-inarte.

Pero ang pinapangarap ko na bakasyon sa tag-araw ay marating ang Bora. Oo, kahit na nilalamon na ito ng komersyalismo, ninanais ko pa rin itong marating balang araw. Hmmmm… basta libre. Ahaha! Tapos dun ako tutuloy sa bagong vacation house ni sis Ren. At libre din. Abuso na! Ahahah! Cencia na Sis Ren ha, napagkatuwaan lang. ^_^ O di ba? Hindi naman masama ang mangarap dahil isa din yan na magpahanggang sa ngayon ay libre pa rin pero sa ngayon ay hanggang dito na lang muna ako sa abot ng kayamanan ko. Basta ang importante e hindi ako nakakalimot makipagbonding kay Inang kalikasan. Maging malayo man yan o malapit, basta na-eenjoy ay hinding-hindi ko yan ipagpapalit kahit na sa ube keso flavored ice cream. Ah teka? Ice cream ba? Mmmmm… Ah sa bagong android phone na lang. Hinding-hindi ko yan ipagpapalit sa bagong android phone. ^_^ Ehehe! Nahirapan ako magdesisyon.

Hindi man natuloy ang Putipot Island adventure na binalak namin nuong mga nakalipas na siglo, sigurado naman ako na marami pa ang pagkakataon. Ganyan naman kasi talaga kapag pinagpaplanuhan ng maaga. Madalas ay hindi natutuloy. Mas nagiging masaya pa nga yung bigla na lang nagkayayaan tapos hayun na! Nakikita mo na lang ang sarili na nag-eenjoy kasama ang mga kabarkada. Para lang yan na nagkayayaan na magfoodtrip after office hours tapos sa hindi malamang dahilan at nasa bar na. O di ba, paminsan-minsan ay masubok din umuwi ng umaga. Kahit na masakit ang ulo at kulang ng pahinga, hindi naman mapapalitan yung naidulot na saya. Pero ciempre huwag kakalimutan na ingatan ang sarili para walang maging problema at walang mag-aalala.

At huwag din kakaligtaang samantalahin ang mga paboritong prutas ngayong tag-araw ha. Nangangamba nanaman ako sa mga bungang-araw ko na idudulot ng walang humpay na pagkain ko ng mangga. Okay lang yan! Minsan lang naman sa isang taon. ^_^ Oo nga pala, nitong mga nakaraang-araw ay gustong gusto ko din kainin ang chico at mabolo. At dapat ba ulit ipangalandakan? Ahaha! Subukan mo din para ulit makarelate dahil ngayong tag-araw lang masarap ang mga prutas na yan.

Many thanks kuya Google sa larawan ^_^

Many thanks kuya Google sa larawan ^_^

Maligayang tag-araw sa inyo!

Pangtantos

Mapagpalayang araw sa inyo mga Netizens! Grabe na talaga ang init ng panahon ngayon ano? Kulang na kulang ang kinseng baso ng tubig para pawiin ang uhaw ng aking maalindog na katawan. Ahihi! Epekto lang po ng sarap ng halo-halo sa chowking. Pamawi ng init kahit papaano. Gaya nga ng sabi ni Mamaru, baka isang araw e makita mo na si Taning dyan sa kanto na palakad-lakad at naghahanap ng ice water. Ahahaha!

Nga pala, batid mo na ba ang isang umagang parating? Ang umagang pinaghahandaan ng mga buwaya at ulupong ay este mga ganid at gahaman na nagkatawang lupa at nakikisalamuha sa atin. Ey diwa ang pait! Ehehe! hindi naman po nilalahat pero karamihan eh. Puro balat-kayo kasi.

Isang kilalang poging pulitiko na nakasakay sa truck na may malalaking speaker sa likod. Tama yung nabasa mo, pogi naman kasi talaga. Hihihi. Malakas ang tugstugan. Pakaway-kaway sa lahat ng nasa tabi ng kalsada. Kasunod ang iba pang sasakyan na may mga posters at tarpaulin. Mapapadaan sa pila ng mga traysikel drayber at kakaway.

Driver1: Oist pare! Pare! (sabay kakaway sa poging politiko)
Poging Politiko: Hi! Kumusta kayo dyan? (Sabay kaway din at tapon ng ilang piraso ng sunvisor)
Driver1: Uy salamat pare! (sabay sasalo sa ihinagis ng pulitiko)
Poging Politiko: Huwag nyo kalimutan, number ** sa halalan ha.
(sinadyang itago ang numero para safe)
(At makakalampas na ang sasakyan ng politiko)
Driver2: Magkakilala kayo nun?
Driver3: Kung magbatian kayo parang magkapitbahay lang ah!
Driver1: Oo pare. Close kami nun eh. Ehehe!

Pagkatapos ko yun masaksihan, napailing lang ako at nangisi. Ang amu-amo kasi ng mga yan kapag may kailangan lang. Kaya siguro hindi ko mapabulaklak yung orchid na nabili ko dahil sa mga ganyan. Ang tagal tagal na yun puro bagong dahon lang ang nagsisi-usbong. O baka kailangan lang kasi na iwaglit na muna ang mga pansariling hangarin para sa katuparan ng iisang kagustuhan natin. May mabibilhan pa kaya ng pagkakaisa para ang nais nating mangyari ay marating? Kung oo ang sagot baka pwedeng pakituro kung saan kasi kung ano man ang kahihinatnat ng umagang parating, sama-sama pa rin natin yun aanihin.

Maraming beses na rin napatunayan na nakasanayan na natin ang pagsisiraan. May mas gagasgas pa ba sa mga katagang “ito ay para sa pagbabago”? Pero ito na rin siguro ang panahon para bumawi. Kaya ikaw, kayo, sila na matagal nang walang pakialam, kayo pa itong mga malalakas magkumento at magreklamo pero sinasayang nyo naman ang puntos na pwede nyong ibigay para sa pagbabago. Hindi lang naman kasi ako at ikaw dahil pati sila ay dapat na magpakita ng malasakit sa bayan. Mas masarap sa pakiramdam kung mamamayani ang pagiging isang lahi habang mga matatamis na ngiti ang namumutawi sa ating mga labi. Kasabay ng paghilom ng mga
malalalim na sugat ang pagkakaroon ng pagkakataon para mamulat. Hinding-hindi tayo mabubuo kung walang isang diwa na maghahari.

Pare-pareho lang naman tayo na may kakayahan na gumawa ng kaibahan. Magandang pagkakataon na rin ito para masimulan. Sumama ka sa pagsalubong sa bagong umaga ha dahil tayo-tayo din ang gagawa ng mga lunas. Tatayo tayo sa ating mga sariling paa dala-dala ang ating mga panulat. Sabay-sabay tayong pipili ng mga mamumuno nang nakamulat. Alisin sa isipan ang pagkalito at bagtasin ang daanan kahit na liko-liko. Huwag mabulag sa mga materyal na alok para maligaw, basta hanapin lang ang sarili dahil yun lang ikaw – ang gagawa ng desisyon para katiwasayan ay lumitaw.

Haaay! Ewan ko ba? Pakiramdam ko mas naging kapakipakinabang pa sana ang oras ko kung ginugol ko sa pangungumusta ko sa mga kapamilyang nasa malayo kaysa sa mga pulitikong malapot pa sa maitim na langis ng sasakyan ang mga pag-uutak para lang maka-upo sa pwesto. Kasi kahit gaano ka pa katalino pumili kung wala naman pagpipilian, hindi pa rin nyan mababago ang kahihinatnat ng mga maralitang pilipino at ng sambayanan.

Paunawa: Malayang pahayag at personal na opinyon lang ha. Hindi ito ikinatha para bumatikos sa kung kanino man.