Notebook ng Tadhana

Nakasulat na nga ba ang mga kapalaran at mga mangyayari sa atin sa notebook ng tadhana? Kung yayaman ba tayo at makakapagpatayo ng bahay sa tabi ng dagat? Kung mapapangasawa ba natin yung kababata natin na hanggang ngayon ay may puwang pa rin sa bahagi ng ating pagkatao? O mananatili na lang tayong mahirap habang nabubuhay? Kung ganun e kawangis na tayo ng mga libro na natapos nang ilimbag. Kailangan na lang basahin ang bawat pahina para malaman ang kahantungan.

Madalas nababanggit ang kawalan ng pag-asa kapag dumarating tayo sa puntong sobra tayong nalugmok sa negatibong pananaw sa buhay. Mga panghihinayang at pagsisisi na siyang magkukumbinsi sa’yo na humanap ng mapagbabalingan. Dahil sa ganito, dahil sa ganyan at kung anu-ano pang sanlibo’t-isang kadahilanan. Sa dami ng itinuturong responsable sa kinahinatnan, isa lang naman ang dapat na pag-ukulan – ang sarili. Dahil wala namang ibang may kasalanan sa lahat ng mga nangyari, maganda man o hindi – kundi ang sarili.

Kung hanggang ngayon ay wala ka pang trabaho, kasi pinayagan mo yan na mangyari sayo. Kung ikaw ay studyante na anim na taon na sa kolehiyo, kasi mas pinili mong ienjoy ang mga barkada mo. Kung hanggang ngayon ay wala ka pang boyfriend o girlfriend kasi masyado kang pihikan. At kung bakit ka nakapag-asawa ng hindi mo naman gusto, kasi nga ginawa mo ang desisyon mo noon ng hindi na nagtimbang at bago magpasya.

Kahit na ano ang kalagyan nating sitwasyon, may magagawa tayo palagi para maging maayos ang kahinatnan. Kung hindi man umaayon sa ating kagustuhan, hindi naman tayo naiiwan na wala ng desisyon na pagpipilian. Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa ika nga. Hindi yan parang bunga ng prutas na hihintayin mo na lang mahulog para mapasayo. Pwede mo naman sungkitin, akyatin, batuhin ng tsinelas o gamitan ng 12 feet na multi-purpose ladder na aluminun. Kahit na ano pa mang pamamaraan ang piliin mo, ikaw at ikaw pa rin ang gagawa nun para sa kagustuhang resulta. Kaya kahit na gaano pa kahirap yang napiling paraan, sulit na sulit yan dahil iyong pinaghirapan. At di ba, sa huli magiging okay din ang lahat. Kaya kung hindi pa okay, hindi pa yun ang huli.

May kapangyarihan tayo na baguhin ang mga sitwasyon natin. Tayo ang mga pintor sa mga buhay nating obra-maestra. Mga dibuhong mga kamay natin ang nagmamanipula at mga desisyon natin ang magtuturo kung saan ba tayo papunta. Kahit na makailang ulit na magsimula at matapos ang mga kabanata, tayo pa rin ang pangunahing karakter at bida. Tayo ang matututo sa bawat pait at tamis, lungkot at saya. Kalakip ang gabay at pagmamahal ng Poong lumikha, tayo ang nag-uukit ng bawat letrang masusulat sa notebook ng tadhana.

Advertisements

Ang buhol-buhol na tali ng storya, makakalag pa ba?

Hay sa wakas, nakasagap din. Busy kasi sa kanya-kanyang larangan kaya hirap maglaan ng oras kahit sa simpleng pangungumusta. Ano nga ba ang bago? Ano na ang balita? Sa layo na ng nagala at narating, pwede ba natin ulit balikan para pagkwentuhan at isa-isahin?

 

Ilan na nga ba ulit ang naibahagi mo? Isa, dalawa, hindi ko na maalala. Sa konti na nga lang na naibigay hindi pa maalala lahat. Tsk, tsk, tsk! Nakakawalang gana. O sige heto na meron na akong isa. Nakikiuso ba?

 

Haaaay! Nakanampucha! Uso nga! Ang parehong north ng dalawang magnet nagawang ipagdikit. Hindi na bago sa pandinig pero nakakabigla. Nakakabigla pero konti lang naman dahil sa likaw ng bitukang taglay e hindi nga malabong mangyari ang mga nangyayari sa ngayon.

 

Ano pa bang iba? Siempre naman likas na yung may nakasabit, may nanunungkit, may manik-luhod na nagsusumamo at may bigla na lang nangyari. Ang dami ano pero natural na lang yan kapag nakapiring kang lumalakad sa isang malawak na daan. Mabuti pa nga ang bulag ang lakas makiramdam hindi tulad ng ilan na nakakakita naman e para pang sinasadyang nagbubulag-bulagan.

 

Kung sabagay, nasubukan ko na isuot ang paa ko sa sapatos ng iba kaya kahit na hindi pa ako napupunta, alam ko na storya. Pero mas masaya siguro kung ako mismo ang nandun. Malamang nagdidiwang akong nananamantala ng sitwasyon. *Hooray!*

 

Pero kahit na ganun, likas na nga talaga ang mag-alala at maligalig para sa iba. Ganun naman talaga di ba kapag nagmamalasakit ka. Kahit na matigas ang ulo ng pinahahalagahan mo, tuloy pa rin ang paglawak ng pang-unawa kahit na hindi naman. Haaay! Sarap talaga ng nakikita mo lahat.

 

Ano ang aral? Ang lahat ng bagay ay lumilipas. Kahit na ang pag-ibig na wagas ay kumukupas. Kaya ang buhol-buhol na tali ng storya, hindi na kinakalag kundi pinuputol na. Maaaring tayo nga ang responsable sa bawat bagay na ginagawa natin pero sa huli, masama man ito o mabuti, ang lahat ng ito ay buong-buo natin aanihin.