Ibalik

Ibalik mo ako sa mga araw na maaga akong gumigising na mag-isa.
Nakikialam sa mga gawain at pagluluto ng aking Ina.
Hinihintay ang bukang-liwayway para mapadaan si Kuya.
Bitbit ang gatas ng kalabaw para makapag-almusal na.

Ibalik mo ako sa mga araw na sa konting ulan ay labis na ang saya.
Malayang tumatakbo at naglalaro sa malawak na damuhang basa.
Titigil lang kapag nagsawa o kaya’y nilalamig na.
Inaasahan ang sermon ng Magulang kapag nakauwi na.

Ibalik mo ako sa mga araw na ang kalsada sa amin ay lupa at bato.
Alikabok ang malalanghap sa pagdaan ng sasakyang matulin ang takbo.
Namumuti ang lahat ng dahon ng mga puno, halaman at damo.
Makakapagsulat ka sa mga bintana ng salitang kahit na ano.

Ibalik mo ako sa mga araw na ang tubig na inumin ay iniigib pa.
Nung ang sinasalok sa may ilog para ipangluto ay malinaw pa.
Hindi kailangan isipin ang pangbanlaw sa mga nilalaba.
Dahil malayang umaagos ang tubig kahit bawat oras ay maligo ka.

Ibalik mo ako sa mga araw na hindi kailangan ng pera para mabuhay.
Dahil sapat ang mga tanim na makakain lalu na sa likod-bahay.
Ikaw ang mamimili ng magugustuhan na prutas at gulay.
Hindi kukulangin kahit ilang ulit pa humingi ang kapitbahay.

Ibalik mo ako sa mga araw na ang buhay ng tao ay simple lang.
Na lumilipas lang ang maghapon na parang naglilibang.
Nung panatag pa ang bawat damdamin at hindi naiilang.
Na kahit ang simpleng ngiti ay totoong kumikinang.

Advertisements

Oras

Isa sa pinakamahalagang aspeto ng panahon. Talaga namang panghihinayangan mo kapag nasayang. Hindi mo na rin pwedeng ibalik kapag lumipas na. Kung iisipin ang daya ano? Pero nasa pamantayan kasi ng tadhana kaya kahit na sino, hindi ito kayang dayain.

Ang sarap ng pakiramdam kapag pinaglalaanan ka ng oras. Sa punto kasing yun e nararamdaman mo ang pagbibigay nila ng importansya. Kahit na konting panahon lang ang maiukol, ang sarap ng pakiramdam. Kaya sa lahat ng pagkakataon hangga’t makakaya, ilaan mo ng mabuti ang mga panahong meron ka sa mga taong importante sayo.

Balikan ang mga taong malalapit sayo. Ang mga taong importante sayo. Ang mga mahal mo sa buhay at ang mga taong nakasama mo sa mga munting saglit na nagtagpo ang mga landas nyo. Lahat sila, nakapaloob sa nakaraan pero karugtong silang lahat ng mga nasa kasalukuyan at sa mga darating pa.

Eto nga at bigla ko naalala. May isang taong malapit sa akin. Hindi naman kami palarin na magkaroon ng sapat na oras para sa mga pag-uusap, tawanan kulitan at kung anu-ano pang mga simple at kumplikadong bagay na pwede namin pagsaluhan. Ang solusyon para daw lahat ng oras nya e nasa akin, binigyan nya ako ng relo.

Nakakatuwa man, sa simpleng bagay na yun ay nagawan nya ng remedyo ang mahirap na paghagilap sa pagkakataong magkaroon ng oras na sapat para sa isa’t isa. Hindi man maitumbas sa mga pagkakataong magkasama kami, kahit na papaano ay nasa akin ang oras nya, palagi.

November 16, 2008: Tsk, tsk tsk! sira na yung relo.

Pero kahit na hindi na ‘to gumagana, itatago ko pa rin ‘to bilang alaala kahit na nag-asawa ka na pala. *sigh*