Ako Pa Rin Si Ikaw

Hey there! Diwangtanglaw here musing!

It’s been a while since my last post here. Reality is consuming my precious time too much. After a few busy work projects, i’ve been occupied by series of celebration and occasions. Huh?!

Ay! Teka! Teka! Naligaw yata ako. Bahay ko na pala ito ^_^. Kagagaling ko kasi ulit kay Sis Ren kaya siguro ganito ang bungad ko. Totoong matagal-tagal na nga rin mula nung huling paskil ko. Ang dami ko na nga napalampas. Ang dami ko rin nakaligtaan. Ang daming mga akda na hindi na naituloy at hindi na naipaskil.

Lumipas na ang mga graduation na aking dinaluhan at ngayon ay pasukan nanaman. Nailigo ko na ang pakiramdam ng pagbabalik-tanaw sa nakaraan na parang ako lang yung dating kinder na umaakyat ng stage. Tapos heto naman ngayon na puro estudyante na ang mga nakakasakayan ko (na parang ako lang din dati) sa mga umagang patungo ako ng trabaho.

Natapos na ang tag-araw at simula nanaman na ulit ng panahon ng pagtatanim ng palay. Ang panahon dito sa amin sa buong maghapon at binubuo na ng dalawang klima – tag-araw sa umaga at tag-ulan naman sa hapon at gabi.  Tsk tsk tsk! Sira na nga talaga ang panahon. At patuloy pa itong nasira dahil din sa ating kapabayaan.

Nakita ko na rin yung nawawalang nailcutter sa bahay at nakapaggupit na ako ng kuko sa kamay at paa kahapon. Yun nga lang at wala ako sa mood na maglagay ng kulay at kolorete sa kuko kaya hanggang gupit lang ang pinakamahalagang accomplishment ko kahapon. Pero impernes, kahapon din ay nagawa ko ulit yung isang pinakapaborito kong gawin nung elementary ako.Ang magpapak at magpalaman ng condense milk sa tinapay. At marahan pang dumadaloy sa mga daliri ko yung gatas habang nilalantakan ang walang kalaban-laban na pandesal at loaf bread. “Finger lickin good” ika nga. Ahihi!

Sa susunod na magkaroon ulit ng malayang oras at ma-areglo namin ni Inang kalikasan ang schedule ng pagtangis ng ulap, alam na! kakarerin ko naman ang paliligo sa ulan. Gagawin ko rin sana yun kahapon kaya lang mas pinili ko ang yumakap sa unan at managinip habang kontodo emote ang kaulapan. At pagkagising, palong-palo ang merienda kong noodles na maanghang na niluto ng Nanay kong hindi pa rin mapakali hanggang ngayon dahil hindi nya napanuod ang ending ng The Legal Wife.

Pero sa dami na ng mga nangyari itong nakaraan, wala pa rin hihigit sa mga bagong bagay na natutunan. May mga pagkakataon talaga sa buhay na nakakasakit tayo at nasasaktan. Hindi man pisikal, mas iindahin mo yung “aray” kapag emosyon o damdamin na yung natatamaan. Pero sa kahit na anu pa man ang dahilan, hindi kailangan ng pride para manumbalik ang dating pakikitungo at pagsasamahan. Ganun lang kasi talaga. May kailangang magwakas para makapagsimula. Kailangan muna ng mali bago mo itama. Kailangan mo ang pagluha para mas maintindihan ang emosyong akala mo ay kabisado mo na. At kahit na ano pa man ang pagdaanan. Pagkatapos ng emosyong masalimuot at makalat, ang pagmamahal at pagpapahalaga pa rin ang nananatiling dahilan para hilumin ang lahat.

Magandang Umaga sa inyong lahat! ^_^

Advertisements

Nakakahong Panahon

Masalimuot at maalinsangan. Ganyan na ang lagi kong nararamdaman. Sa araw-araw na pag-ikot ng mundo, pareparehong kwento ang nakakaulayaw ko. Magkakaiba nga lang ng pahina na paulit-ulit na binubuklat. Ano nga ba ang bago? Ano nga ba ang uso? Wala naman kasi permanente dito sa mundo maliban sa pagbabago. Kaya kung hindi ka makasakay, siguradong maiiwan ka sa byahe mo.

Teka, nakatulog na yata ako. Di ko napansin lumalaki na pala ang tanim ko. Kailangan na ng sapat na lugar at sapat na panahon. Hindi na ito ang dating yugto sa sirkulasyon. Kailangan ng lumabas at kailangan na umahon. Yun nga lang maliit na pala ang kahon. Kailangan na ng mas malawak na imahinasyon para hindi nakukulong ang laya sa nakakahong panahon.

Paano? Saan at kailan? Hindi naman dapat madaliin para maumpisaan. Dahil katulad ng tubig sa batis, kusa yang dumadaloy. Tadhana ang magsasabi kung paano mo ihuhubog. Tadhana ang magdidikta kung paano mo lilinangin at tadhana pa rin ang magpapasya kung ano ang nasa dako pa roon. Ang kailangan lang gampanan, hayaan mong tangayin ka sa ulap ng kalayaan. Walang ibang iniisip, walang pagkundangan.

Hindi nalilimitahan ang kaisipan. Walang pwedeng magpasya sa ating mga sarili kundi tayo lang. Kaya kung ano man ang kahihinatnan, ngumiti at magsaya. Harapin ang mga pagbabagong darating tulad ng isang bagong umaga.