Babae Ka

Ur_A_Gurl

Hindi biro ang pagpasok sa pag-aasawa. Lalu na at nagka-anak kayo ng wala pang kasal. Ikaw na rin ang nagsabi na magmula ng dumating sa inyo yung bata, nagbago na sya at hindi man lang sinubukang hawakan ang mga magiging responsibilidad nya bilang Ama sa magiging anak nyo at bilang asawa na magiging katuwang mo sana sa pinapangarap mong pamilyang buo.

Nahuli mo na rin na meron syang iba habang nagdadalan-tao ka. Hindi pa nakuntento at inulit pa. Sorry na lang ba ang katapat nung tapos balik na ulit sa dati? Nilunok mo lahat ng mga dahilan para hindi mauwi sa wala ang sinimulan nyo. Pero magmula sa puntong iyon ay ikaw na lang ang nagdadala ng pamilyang buo na pinapangarap mo.

Lumipas pa ang apat na taon at nanatili ang ganung sitwasyon nyo. Actually bilib ako sa tibay ng pagbubulag-bulagan mo para abutin ng ganyang katagal na uri ng relasyong meron kayo. Pupuntahan ka lang kapag kailangan nya maglabas ng init ng katawan. Pupuntahan ka lang kapag meron siyang kailangan. At pupuntahan ka lang kapag meron siyang tira-tirang oras o kapag naisipan lang.

Mas importante pa nga sa kanya ang pagdodota kaysa maglaan ng oras para makasama ka. Mas importante pa sa kanya ang pag-uwi agad sa kanila kaysa maglaan ng oras para makalaro ang Anak nya. At higit sa lahat, mas importante pa sa kanya ang sasabihin ng Nanay nya kaysa tumayo sa sarili nyang mga paa at panindigan ang mga desisyong makakabuti para sa’yo at sa bata.

Sa kabila ng lahat ng yan may lakas pa sya ng loob na sabihing “Mabuti nga ako at hindi ko kayo iniwan, hindi tulad ng iba diyan”. Anak ng pitumput-pitong puting tupa! Utang na loob mo pa pala ang hindi nya pinanagutan ang responsibilidad nya habang nandyan lang sya na parang walang nangyari at ganun lang kadali ang lahat. Mas torture nga yung pagpapamukhang tanga nya sa’yo dahil hindi nya nga kayo iniwan, harap-harapan naman nya ipakita kung gaano kababaw ang halaga Mo at ng Anak nyo sa kanya.

Parang laruan lang ba na aasikasuhin lang kapag naisipan? Parausan lang ba bilang pantugon sa tawag ng laman? Hindi ka nabubuhay para maging ganyan lang ang papel mo sa mundo. At ang masakit pa sa lahat, ang dali nyang magtext sa’yo na ayaw na nya kayo makitang mag-ina at maghiwalay na kayo ng ganun ganun lang. Tapos sabay kuha ng lahat ng gamit nya sa inyo at hindi na nagparamdam pa.

Maraming beses mo na nasubok. Sa mga maliliit na bagay ay hindi mo na maasahan, paano pa kaya sa mga seryosong pagdedesisyon at malalaking responsibilidad?

Sa mga naging sitwasyon at pagkakataon na binigay sa inyo ng panahon, masasabing hindi nga ganun kadali ang lahat pero hindi din naman ganun kahirap para manatili kang nakatayo at may iniingatang dignidad.

Para sa pinanghahawakan mong idelohiyang buo ang pamilya. Hindi yun nalilimit sa pagiging kumpleto ng magulang at mga anak. May asawa ka nga at may ama na matuturing ang anak nyo, masaya ka ba sa magiging pagsasama nyo? Di ba nga ilang beses mo na isinantabi ang kasiyahan mo para bigyang daan ang pagiging buo nyo? Pero ilang beses na rin nya sinayang ang pagkakataong ibinigay mo kahit na ibinaba mo na ang sarili mo para lang masabing buo kayo.

Sa ngayon ay napaka-aga pa para maintindihan ng anak mo ang sitwasyong pinagdadaanan nyo. Sa tuwing tinatanong ka ng bata tungkol sa tatay nya, hindi ko pa man nararanasan ang maging Ina ay sigurado naman ako na dumudurog yun ng puso mo. Sa sitwasyon na yan ay magpakatatag ka at ikaw ang dapat na magdala ng sitwasyon at hindi ka dapat padadala sa emosyon. Hindi mo na kailangan pang ibaba pa ulit ang sarili mo para lang sa takot mong walang kalalakihang ama yung bata.

Sa tingin ko at hindi rin matutuwa yung Anak mo kapag nalaman nya pagdating ng panahon kung ano ang hirap ang pasakit na dinanas mo alang-alang sa kanya para lang masabing meron syang Ama. Nakakatakot lang isipin na kung kamumulatan nya na ganun lang pala kababaw ang pagpapahalaga sa pamilya para masabing buo, baka yun na rin ang maging pamantayan nya kapag sya na ang papasok sa pag-aasawa. Siyempre sino ba namang magulang na gugustuhin din madanas ng anak nya yung hirap na pinagdaanan nya noon.

Kailangan mo na rin sigurong basagin ang katahimikan mo sa mga magulang mo. Sa kabila ng pag-iingat mo na hindi magbago ang magandang pagtingin nila sa Ama ng anak mo, ikaw na itong lumalabas na nagkukulang at dahilan ng lahat ng pagkakauwi nyo sa hiwalayan. Hindi naman siguro kalabisan kung ipapaliwanag mo ang sarili mo sa kanila para mas maintindihan ka nila at hindi ka maging masama sa paningin nila.

Para sa akin mas magiging masaya kayong Mag-ina na kayo lang dalawa kaysa sa sinasabi mong buo kasama ang tatay nya. Ang pagiging Ama kasi ay hindi lang dapat sa pangalan. Pundasyon nga ng tahanan ika nga kaya dapat ay responsable at alam pangalagaan, pahalagahan, protektahan at mahalin ang pamilyang kanyang pamumunuan. At ang alam ko sa pagiging asawa ay isang katuwang at hindi para palamuti o pandagdag miyembro lang.

Hindi dahil sa walang pundasyon ay hindi na matatawag na pamilya. At hindi rin yun dahilan para gumuho ka at masira. Paliwanagin mo ang pagiging ilaw mo para hindi kayo mawala ng anak mo sa tamang daan. Maraming nagmamahal at naniniwala sa’yo kaya hindi mo yan dapat sukuan.

Sa ngayon na kasing gulo ng BBL agreement ang pag-uutak mo, kailangan mo munang kumalma para makapag-isip ng maayos. Hindi mo kailangan madaliin ang pagdedesisyon dahil alam kong hindi ganun kadali sa’yo ang sitwasyon. Dalawang bagay lang naman ang pinagpipilian. Ang magka-ayos kayo ng Ama ng bata para sa pinapangarap mong buong pamilya at may kakalakihan siyang Tatay. O ang magpatuloy kayong dalawa ng anak mo ng walang kailangan pagtiisan at mga kakulangang kailangang iintindihin.

Sa huli, ikaw at ikaw pa rin ang may kalayaan at karapatang magpasya. Kahit na makailang ulit pa magtambling ang mga taong nagmamahal at nagmamalasakit, ikaw pa rin ang magdedesisyon sa huli. Pero sana huwag na huwag mong kakalimutang iprayoridad ang kasiyahan at seguridad ninyong mag-ina.

Alam naman natin na gagawin ng isang mabuting Ina ang lahat para sa kanyang Anak pero hindi ka dapat nabubuhay sa pagtitiis at pagpaparaya para lang sa iisang dahilan. Kailangan mo din magtira ng para sa sarili mo. Baka kasi kapag ubos ka na, hindi mo na maipagpapatuloy pa ang pagsasakripisyo para sa dahilang ayaw mong lumaki ang Anak mo ng walang Ama. Kapag nagkaganun, ang lahat ay mauuwi din sa wala.

Walang kahit na anong dahilan sa mundo ang pwedeng magdikta para itigil mo ang pagpapahalaga sa sarili dahil Babae ka.

~ ~ ~ ~ ~ ~ ~ ~ ~ ~ ♥ ♥ ♥ ♥ ~ ~ ~ ~ ~ ~ ~ ~ ~ ~

Ang inyong nabasa sa itaas ay inilahok sa Ispesyal na Patimpalak ng Saranggola Blog Awards na may temang Pagbibigay Payo sa Pag-ibig.

Sana po ay pasok sa pamantayan kasi pers taym ko gumawa ng ganito. Nakakadala pala ng emosyon. ^_^

 

Ako Pa Rin Si Ikaw

Hey there! Diwangtanglaw here musing!

It’s been a while since my last post here. Reality is consuming my precious time too much. After a few busy work projects, i’ve been occupied by series of celebration and occasions. Huh?!

Ay! Teka! Teka! Naligaw yata ako. Bahay ko na pala ito ^_^. Kagagaling ko kasi ulit kay Sis Ren kaya siguro ganito ang bungad ko. Totoong matagal-tagal na nga rin mula nung huling paskil ko. Ang dami ko na nga napalampas. Ang dami ko rin nakaligtaan. Ang daming mga akda na hindi na naituloy at hindi na naipaskil.

Lumipas na ang mga graduation na aking dinaluhan at ngayon ay pasukan nanaman. Nailigo ko na ang pakiramdam ng pagbabalik-tanaw sa nakaraan na parang ako lang yung dating kinder na umaakyat ng stage. Tapos heto naman ngayon na puro estudyante na ang mga nakakasakayan ko (na parang ako lang din dati) sa mga umagang patungo ako ng trabaho.

Natapos na ang tag-araw at simula nanaman na ulit ng panahon ng pagtatanim ng palay. Ang panahon dito sa amin sa buong maghapon at binubuo na ng dalawang klima – tag-araw sa umaga at tag-ulan naman sa hapon at gabi.  Tsk tsk tsk! Sira na nga talaga ang panahon. At patuloy pa itong nasira dahil din sa ating kapabayaan.

Nakita ko na rin yung nawawalang nailcutter sa bahay at nakapaggupit na ako ng kuko sa kamay at paa kahapon. Yun nga lang at wala ako sa mood na maglagay ng kulay at kolorete sa kuko kaya hanggang gupit lang ang pinakamahalagang accomplishment ko kahapon. Pero impernes, kahapon din ay nagawa ko ulit yung isang pinakapaborito kong gawin nung elementary ako.Ang magpapak at magpalaman ng condense milk sa tinapay. At marahan pang dumadaloy sa mga daliri ko yung gatas habang nilalantakan ang walang kalaban-laban na pandesal at loaf bread. “Finger lickin good” ika nga. Ahihi!

Sa susunod na magkaroon ulit ng malayang oras at ma-areglo namin ni Inang kalikasan ang schedule ng pagtangis ng ulap, alam na! kakarerin ko naman ang paliligo sa ulan. Gagawin ko rin sana yun kahapon kaya lang mas pinili ko ang yumakap sa unan at managinip habang kontodo emote ang kaulapan. At pagkagising, palong-palo ang merienda kong noodles na maanghang na niluto ng Nanay kong hindi pa rin mapakali hanggang ngayon dahil hindi nya napanuod ang ending ng The Legal Wife.

Pero sa dami na ng mga nangyari itong nakaraan, wala pa rin hihigit sa mga bagong bagay na natutunan. May mga pagkakataon talaga sa buhay na nakakasakit tayo at nasasaktan. Hindi man pisikal, mas iindahin mo yung “aray” kapag emosyon o damdamin na yung natatamaan. Pero sa kahit na anu pa man ang dahilan, hindi kailangan ng pride para manumbalik ang dating pakikitungo at pagsasamahan. Ganun lang kasi talaga. May kailangang magwakas para makapagsimula. Kailangan muna ng mali bago mo itama. Kailangan mo ang pagluha para mas maintindihan ang emosyong akala mo ay kabisado mo na. At kahit na ano pa man ang pagdaanan. Pagkatapos ng emosyong masalimuot at makalat, ang pagmamahal at pagpapahalaga pa rin ang nananatiling dahilan para hilumin ang lahat.

Magandang Umaga sa inyong lahat! ^_^

Panahon ng Pag-ibig

Ang dami ko nakasalubong mula kaninang umaga na may mga dalang bulaklak at kung anu-anong pangregalo para sa iniirog nila. Ang dami ko na rin nakitang pares-pares na magkakasama. Sigurado ako mas marami pa yan bukas. At sigurado akong mabenta nanaman ang condom sa 7/11, watson at supermarket. Ahaha!

Panahon nanaman ng pag-ibig sabi nga ng Rivermaya pero panapanahon nga ba talaga yan? May tamang tiyempo ba? May tamang diskarte ba? At may tamang tao ba? Pwedeng oo pwedeng hindi. Ang pag-ibig kasi ay hindi hinihintay. Ito ay inaagaw para may thrill. Toinks! Para siguro sa mga desperado at desperada. Pero ang pag-ibig ay hindi rin tulad ng prutas na pinapahinog ng pilit. Hinahayaang ito gumulang sa puno at aanihin sa tamang panahon.

Sadyang napakahiwaga ng pag-ibig. Ang dami-daming matutuklasan. Diyan mo rin masusukat at samut-saring uri ng pagkatao. Diba diyan mo nalalaman kung totoo ang isang tao sa relasyon o baka tikim lang ang intensiyon. Okay na okay ang pagsasama pero nung nadelay na, ang dami nang dahilan. Putik! Ang sarap putulin yung bahag na buntot ng mga ganun.

Nang dahil din sa pag-ibig e meron tayong kanya-kanyang version ng katangahan. Aminin! Na kahit na alam mo na nagmumukha ka ng tanga e hindi mo pinapansin dahil dun ka nagiging masaya. Pero di ba wala naman ibang gamot sa katangahan kundi pagkukusa. Hindi naman kasi tungkol ang pag-ibig sa paghahanap ng tamang tao kundi sa pagbuo ng tamang relasyon. Hindi rin yun kung gaano karaming pagmamahal meron ka kundi kung paano ka magmahal hanggang sa huli.

Valentines Day na nga bukas e single ka pa rin. Huwag na magpakawindang sa kaiisip ng kung anu-ano para lang masabing hindi ka napag-iiwanan ng panahon. Tandaan na ang pagiging SINGLE ay oportunidad para matikman ka ng iba. Panalo! Pero sa mga pumapag-ibig na single, huwag umasa ng bonggang-bongga. Mas mainam pa rin ang masurpresa kaya sa mabigo sa kaaasa.

At naniniwala ka ba sa ikalawang pagkakataon? Susme! Ang tanda-tanda mo na naniniwala ka pa dun. Ahaha! Sabi nga nila e mas matamis ang pag-ibig sa ikalawang pagkakataon. Ganun ba yun? Parang flower base na nagboom boloom boom boom boloom boom bass tapos binuo na lang ng mighty bond. Sa tingin mo maganda pa rin yun? Marahil ang ikalawang pagkakataon ay nandiyan para hindi ibalik yung dati kundi para tapusin ang mga bagay bagay ng maayos at pagkatapos ay magpatuloy na sa kanya-kanyang buhay. Sapat na ang naranasan, pansinin mo na yung mga bagay na dapat na matutunan.

Pero di ba ang sakit ng pagpapaalam na hindi pa naririnig ng tenga mo pero alam na ng puso mo. Aanhin mo nga naman ang pagmamahal na wagas kung pag nagsama naman kayo e wala kayong pambili ng bigas. Makakain ba ang pag-ibig? Huwag mapusok. Huwag aastang parang alam mo at kaya mo na lahat. Sasabihing pangangatawanan ang naging desisyon tapos uuwi-uwi ng bahay pagkatapos ng ilang buwan ang payat-payat na. Haaaay! Kamot-ulo!

Hindi na importante kung mababaw ang dahilan kung bakit ka na nagmahal. E ano ngayon? Kasi ang mas mahalaga ay gagawin mong malalim yung dahilan kung bakit kayo magtatagal. Mas masarap kasi alagaan ang relasyon na kahit alam ninyo na hindi perpekto, ramdam naman ng isa’t-isa ang pagiging kuntento. Tandaan din na bahagi ng relasyon ang mga di pagkakaunawaan kaya sa mga panahon ng world war III, putulin at tapusin ang pride, hindi ang relasyon.

Parang sa pag-aasawa lang, hindi yun tulad ng kaning mainit na kapag isinubo at napaso ay iluluwa na lang ng basta-basta. Tapos palalamigin at isusubo ulit tapos iluluwa ulit kapag naisip mong kadiri yung ginawa mo. Eew! Huwag pumasok sa isang relasyon kung hindi mo naman alam ang salitang limitasyon. Kung bakit? Ewan ko. Baka kasi magbitaw ka ng mga permanenteng desisyon kahit na ang mararamdaman mo ay pansamantalang emosyon. Mahirap panghawakan ang mga salita lalu na kung hindi nagkakatugma ang sinasabi sa mga ginagawa. Kaya okay na rin ang maging single. Kaysa naman sa “in a relationship” ka nga, kabit naman pala. Kaya kung magiging kabit ka, siguraduhin mong maganda ka, kung si Anne Curtis nga di umubra, ikaw pa kaya (napanood mo din ba yun?).

Pero bakit nga ba kailangan pa makilala ang taong magpapatibok ng puso mo kung di naman pala siya laan para sayo? Nah! Ang hirap naman sagutin. Parang ulan kasi ang pag-ibig. Minsan marahan, minsan mabilis. At ang pinaka-espesyal dun, kagaya ng pag-ibig, nararamdaman mo ang ulan pero hindi mo kayang pigilan. Lahat ng tao nagmamahal, nagbabago at nasasaktan. Hindi kailangan ang padalus-dalos na pagpapasya kapag pag-ibig na ang usapan. Isipin muna kung may masasaktan sa mga bagay na gagawin. Tandaan na ang salitang “sorry” ay nagpapahupa lang ng galit at hindi nagtatama ng mali.

Ang pag-ibig talaga parang klima. Ang daming panahon. Kaya kung gusto mo itong naintindihan at matagalan, huwag na huwag ka magsusuot ng sando sa panahon ng taglamig. Hindi mo masasabi kung anong panahon ito darating sa’yo pero isa lang naman ang sigurado…

Ikaw mismo ang makakapagsabi kung handa ka na para dito.

Sirkulong Pangkabuhayan

Nagtatrabaho nga ba tayo para mabuhay o nabubuhay tayo para magtrabaho? Malaki ang kaibahan ano pero madalas hindi na napupuna. Kasi sa araw-araw na pag-ikot ng mundo, di na natin namamalayan na alipin na tayo ng mga pinapasukan natin trabaho. Sa mga samut-saring yugto ng ating buhay, mas matimbang na ang trabaho. Puro trabaho, trabaho, trabaho.

Okay ano nga ba ang rason? Siyempre Nagtatrabaho tayo para mabuhay dahil dyan natin kinukuha ang pinanggagastos natin para sa pangangailangang pang-araw-araw. Papasok ka sa umaga, gagawin ang mga responsibilidad na nakalaan sayo. Kakain kapag oras na ng pananghalian. Sakto din sa oras ang merienda at uuwi na kapag oras na ng uwian. Ang sarap diba? Ang gaan ng araw-araw mo tapos weekend pa ang day-off. Makakasama mo pa family mo sa araw ng Sabado o Linggo. Pero hindi maiwasan ang maextend ng konti kapag medyo madami ang workload. Okay lang yun! part talaga yun kapag naghahanapbuhay ka na.

Kelan mo masasabing nabubuhay ka na lang para magtrabaho? Kapag mas inuuna mo pa ang trabaho kahit na malipasan ka na ng gutom. Ang pananghalian mo nagagawa mo ng ng alas kwatro. Sa opisina ka na rin kumakain at madalas, mabilisan pa. Hindi mo na alam ang pakiramdam ng masarap na coffee break. Madalas mo na rin sabihin sa pagkain na “mamaya na muna” o kaya naman “tapusin ko na muna ito”. Hindi mo ba alam na konting buwan pa sa ganyang nakasanayan mo e kailangan mo na ng gamutan para sa ulcer? Mabuti sana kung yung mga pagkakataon pinalipas mo ang gutom mo para sa trabaho e makasapat yung halaga na ibabayad para mabalik sa dati ang buti ng kalusugan mo. Tao po tayo hindi makina.

Eto pa ang mas masaya. Madalas ay trabaho ang dahilan kung bakit tayo napupunta ng ibat-ibang lugar. Dun palang e madami na tayo agad naisasakripisyo. At kapag nilamon ka na ng sistem ang hanapbuhay, sa lahat ng desisyon mo sa buhay ay mas matimbang na ang trabaho. Siyempre naman importante sa atin ang trabaho pero kung dyan at dyan na lang umiikot ang mundo mo. Toinks! Paano na ang mga bagay na mas mahalaga sayo. Ang pamilya, kaibigan, kamag-anak at sarili. Kung swerte ka pang nadestino sa malayo at may mga okasyon sa inyo. Ilang beses mo na kaya naidahilan ang trabaho kaya hindi ka nakadalo? Ilang beses mo na kaya pinanghinayangan ang mga napalampas na birthday. Ang mga anniversaries, kasal, binyag, pasko at bagong taon. Ang sakit ano?

Ang mga panahong napalampas mo ay hindi na maibabalik pa. Baka isang araw magsisi ka dahil ang mga mahal mo sa buhay na dapat kasama mo pa sa mga okasyon na yan ay hindi mo na makakasama pa. Oo, importante sa atin ang trabaho dahil yan ang pinanggagalingan ng ikabubuhay natin pero subukin mo rin timbangin. Ang paglalaan mo ba ng sobrang panahon sa trabaho e makakapuno sa mga naging kakulangan mo sa oras para sa pamilya? Ang pagsisikap mo ba sa pagkamit ng mas mataas na posisyon para sa mas malaking kita ay sapat ba na pumuno sa mga okasyong dapat ay kasama ka ng mga mahal mo sa buhay? Ang mga overtime, holiday pay at night differential ay sapat ba na makapagpabuti sayo para sa mga problemang pangkalusugan na nakuha mo sa mga yun?

Hindi tayo nabubuhay para maghanapbuhay. May mas mahalaga pa tayong gampanin kaysa sa pag-uubos ng oras para sa trabaho. Kahit na gaano ka pa kagaling sa larangan na tinahak mo kung alipin ka naman na nito, mauuwi rin sa wala ang mga pinagpapaguran mo. Naisip mo na ba na kapag nawala ka ngayon sa kumpanyang pinapasukan mo, bukas makalawa e makakahanap na sila ng pwedeng pumalit sayo.

Ang buhol-buhol na tali ng storya, makakalag pa ba?

Hay sa wakas, nakasagap din. Busy kasi sa kanya-kanyang larangan kaya hirap maglaan ng oras kahit sa simpleng pangungumusta. Ano nga ba ang bago? Ano na ang balita? Sa layo na ng nagala at narating, pwede ba natin ulit balikan para pagkwentuhan at isa-isahin?

 

Ilan na nga ba ulit ang naibahagi mo? Isa, dalawa, hindi ko na maalala. Sa konti na nga lang na naibigay hindi pa maalala lahat. Tsk, tsk, tsk! Nakakawalang gana. O sige heto na meron na akong isa. Nakikiuso ba?

 

Haaaay! Nakanampucha! Uso nga! Ang parehong north ng dalawang magnet nagawang ipagdikit. Hindi na bago sa pandinig pero nakakabigla. Nakakabigla pero konti lang naman dahil sa likaw ng bitukang taglay e hindi nga malabong mangyari ang mga nangyayari sa ngayon.

 

Ano pa bang iba? Siempre naman likas na yung may nakasabit, may nanunungkit, may manik-luhod na nagsusumamo at may bigla na lang nangyari. Ang dami ano pero natural na lang yan kapag nakapiring kang lumalakad sa isang malawak na daan. Mabuti pa nga ang bulag ang lakas makiramdam hindi tulad ng ilan na nakakakita naman e para pang sinasadyang nagbubulag-bulagan.

 

Kung sabagay, nasubukan ko na isuot ang paa ko sa sapatos ng iba kaya kahit na hindi pa ako napupunta, alam ko na storya. Pero mas masaya siguro kung ako mismo ang nandun. Malamang nagdidiwang akong nananamantala ng sitwasyon. *Hooray!*

 

Pero kahit na ganun, likas na nga talaga ang mag-alala at maligalig para sa iba. Ganun naman talaga di ba kapag nagmamalasakit ka. Kahit na matigas ang ulo ng pinahahalagahan mo, tuloy pa rin ang paglawak ng pang-unawa kahit na hindi naman. Haaay! Sarap talaga ng nakikita mo lahat.

 

Ano ang aral? Ang lahat ng bagay ay lumilipas. Kahit na ang pag-ibig na wagas ay kumukupas. Kaya ang buhol-buhol na tali ng storya, hindi na kinakalag kundi pinuputol na. Maaaring tayo nga ang responsable sa bawat bagay na ginagawa natin pero sa huli, masama man ito o mabuti, ang lahat ng ito ay buong-buo natin aanihin.