Sisibat o hindi sisibat

Dalawa lang naman ang pagpipilian pero ang hirap pagtantuhin kung ano ang magiging desisyon. Sa dami kasi ng dapat na iprepara at ikonsidera e talaga namang paglalaanan mo ng sapat na panahon para magdesisyon sa pag-aabroad.

Kelan nga ba ang tamang panahon para dito? Kung isa kang fresh graduate na nagkaroon ng oportunidad, huwag na magdalawang isip parekoy. Mas applicable kasi ito sa mga single at bata pa. No worries, no strings attached. Ang sistema, Mag-ipon hangga’t makakaya. Magpabalikbalik pa at kapag natapos na ang kontrata, pag-uwi mo ng pinas e makakapagnegosyo ka. Hindi advisable ang magpundar ng gamit sa pinagtrabahuhan mo sa abroad, hindi naman sa ipinagbabawal pero mas masarap kung ang ipambibili mo ng mga bagay bagay na gusto mo e yung tubo mo na sa negosyong naitayo mo. Kung malaki naman ang naipon, bahay at lupa bakit hindi. Pero kung hindi naman ganun kalakihan, mainam na pag-isipan mabuti kung paano hahawakan angĀ naipon.

Pero ang kadalasan na dahilan ng pag-alis ay dahil sa pamilya. Mag-aabroad para makaangat at makaahon sa kahirapan. Makatulong sa mga magulang. Mabigyan ng magandang bukas ang mga anak at kung anu-ano pa. Sa ganitong punto sobrang dami mo na talagang isasakripisyo. Kung mag-aabroad ka para sa mga dahilang nabanggit sa itaas e parang hinati mo na ang pagkatao mo. Sa pag-alis, ang liliit pa ng mga bata, hindi mo na masusubaybayan ang kanilang paglaki. Kilala ka nga nila na nanay o tatay nila pero sa picture lang. At ang masakit, pag-uwi mo sa pamilya mo kilala ka nga nila bilang magulang nila pero ang layo ng loob ng mga anak mo sa’yo. Yan ang isang masaklap na kapalit ng pagtatrabaho mo para sa maayos na buhay ng iyong pamilya at para sa magandang kinabukasan ng mga bata.

Ang sarap na makita ang mga anak mo na nag-aaral sa mga kilalang eskwelahan. Walang problemang pinansyal. At nasusuportahan lahat ng mga pangangailangan. Pero dahil nga sa kulang sa gabay ng magulang, nabarkada, nag-asawa ng maaga, nalulong sa kung anu-anong bisyo at hindi na nakapagtapos ng pag-aaral. Ang mga pinaghirapan mo para sa kanila, nauwi lang sa wala. Sayang ang sakripisyo at paghihirap. Tapos kapag napagsabihan mo, hindi mo na maramdaman ang respeto nila sayo bilang magulang nila na nangangaral para sa anak. Isipin palang nakakaguho na ng damdamin ano? Paano pa kaya kung nasa aktwal na sitwasyon na?

Hindi na rin bago ang hindi ka nila makasama sa mga special na okasyon sa pamilya. Ang rason mo kasi imbes na ipamasahe mo pauwi e ipapadala mo na lang. Ang sakit sa kalooban ano? Para kang kahoy na inaanay sa loob. Mukhang matibay ang labas pero ramdam mo ang kawalan. Ang isa pang masakit, maoobliga ka na lang umuwi kapag may pumanaw sa mga naiwan mo. Ang laki na ngayon ng puwang at kakulangan para sa sarili mo. Kadalasan, ang kinikita sa ibang bayan e kaya naman kitain dito sa pinas. Sa layo mo e tagus-tagos sa buto ang magiging pangungulila, sandamakmak pa ang tukso. Pipili ka na lang kung ano lahi ang gusto pero kadalasan e mga pinoy sa pinoy din ang mga naglalaro ng apoy. Ang tukso nga naman sinasamantala ang kahinaan ng laman. Kahit na sabihin mo pang ang tino nyan dito sa pinas at hinding hindi mo naisip na gagawin yun. Aba, mag-untog ka ng ulo sa pader at ng matauhan ka. Hindi mo pwedeng dayain ang reyalidad. Hindi ko naman nilalahat pero sa kasalukuyang nangyayari, iisa lang ang tono ng awit nila.

Sa kabila ng mga negatibong storya ng pag-aabroad, hindi rin naman maitatanggi ang mga biglang pagkulay ng kapalaran ng ilan. Umangat sa katayuan, umasenso sa buhay at nagkaroon ng magandang kinabukasan hindi lang sa sarili kundi kasama pa ang pamilya. Wala naman masama sa pag-aasam na mapabuti ang lahat pero sa bigat ng mga kailangan timbangin at kailangan paghandaan kapalit ng pag-alis…

Kailangan ang isang masusi at matalinong pagpapasya.

Advertisements