Paskong Paksiw

Uy! lapit na ilang araw na lang.

Ang buong sambayanan, kahit na anong antas e pilit pa rin pinaghahandaan ang pagsapit ng pasko sa ibat-ibang paraan sa kabila ng pahirap na pahirap na estado ng buhay dahil sa mga lintang walang humpay na sumisipsip at nagkakamal sa loob ng palasyo ng mga walang pakialam at walang konsensya. Kahit na sabihin mong simple o kahit na wala man masasarap na pagkain sa hapag kainan ang karamihan, ang importante naman e masaya at kasama mo ang mga importanteng tao sa buhay mo.

Tara, isa-isahin natin.

Xiempre una ang miyembro ng tropa, ay pamilya pala. Wish ko lang na kumpleto at makarating ang lahat. Minsan na nga lang sa isang taon ang family reunion hindi pa nakukumpleto. May kanya-kanyang pamilya na rin kasi. Yung mga relatives na matagal ng hindi nakasama, makikilala pa kaya kayo agad kapag nagkita-kita ulit? *sigh, nakakamiss*

Sa mga kaibigang nag-iba na ng landas. Hindi yung mga napariwara, nalulong sa drugs at nasira ang buhay ha. Sila yung mga nagdecide na mangibang-bayan, nag-asawa na, nagpalit ng career, nagpachange-sex, nagladlad at pumatol sa kaparehong kasarian. Kung ano man ang ginagawa nyo ngayon, malaking pasasalamat ko at wala na kayo sa buhay ko. Nyahahaha! baka seryosohin nyo ha! Isang pasasalamat sa inyo at nabigyan ako ng pagkakataon na makasalamuha kayo. Kahit na hindi na nga ganun kadalas ngayon, yung iba nga e talagang wala ng komunikasyon. Ayt! Dito parin kayong lahat sa storage ko ng mga importanteng tao sa buhay ko. Walang format walang erase. Maintain lang.

Sa mga bagong kakilala at mga kaibigan na hindi pa ganun kaclose, huwag kayong mag-alala magiging close din tayo. It takes time huwag madaliin. Be thankful at nabigyan kayo ng pagkakataon na makasalamuha ako. Hehehe! Ang yabang naman neto! Baka mamiss-interpret nyo ha! Goal ko lang kasi na magkaroon ng isang milyong kaibigan. Yung totoong kaibigan ha at karapatdapat na tawaging kaibigan. Hindi counted yung kunya-kunyarian ha.

Sa mga nagdecide na magsara na ng pintuan, hehehe! kita ko naman ang loob dahil sa laki ng bintana. Mahirap naman kasi dayain ang sarili at magpanggap na wala ng pakialam. Pinapahirapan nyo lang mga sarili nyo. Hindi natutuwa si God sa mga mapagpanggap. Pero labas naman na ako dun. Yan naman kasi yung desisyon na pinili nyo dahil sa ayaw nga ng kumplikasyon pero kayo din naman gumagawa ng sarili nyong multo para katakutan. Awoooo! See how much i miss you! (all)

Sa mga pakawaykaway lang dyan. Kung minsan nga e mas may kabuluhan pa kayong kakwentuhan kumpara sa mga nagpapanggap at manggagamit. Dami ko natututunan sa inyo. Hindi ko man kayo ganun kadalas makasama, wala na ako hahanapin sa mga pagkakataong nagtutugma ang mga bakanteng oras natin.

Sa mga insecure. Sorry ha! hindi naman kasi talaga kayang i-please ang lahat kaya ipagpepray ko na lang kayo para sa marami pang blessing at good health. Gayun din sa mga taong may ayaw sa akin (dahil ba sa hindi ko maharap ipacopy yung collection ko ng mp3, tsk, tsk tsk!) Gayundin sa mga taong hindi ko masyadong nagugustuhan na naninira ng mood ko, sa mga nayayabangan sa akin (dahil ba sa updated ako sa episode ng naruto shippuden), sa mga nagsusulat ng pentel pen sa upuan ng bus at nagvavandalism sa tiles ng cr. More prayer at blessing sa inyo.

Sumatotal, Yeebah! ang saya dahil sa mga taong katulad nyo, heto ako at positibo ang pananaw sa buhay. Heto ako at mapalad. (lam nyo na ba ang ibig sabihin ng mapalad?) Heto ako basang-basa sa ulan, nakalugmok sa lupa matapos pagsasaan ang gusto at iwanan na lang ng basta-basta. Tapos, tapos….

Erase, erase! iba na story yan!

Simple lang naman gusto ko iparating. Gusto ko lang magpasalamat sa lahat mula sa mga simpleng maliliit na bagay hanggang sa mga simpleng maliliit na bagay ulit hanggang sa mga kumplikadong malalaki bagay at sa lahat ng mga naganap positibo man o hindi. Ang lahat ng yan, biyaya sa akin!

Ito ang aking pasko ng pasasalamat! Ito ang bagong taon ko ng pasasalamat! Hanggang sa kaliit-liitang bagay, maraming maraming salamat.

Isang Maligayang pasko at masaganang bagong taon sa inyo at sa inyong pamilya at sa pamilya ng inyong kapamilya hanggang sa ikalawa at ikatlo pang pamilya. (May ikaapat pa ba? Astig! Idol kita!)

Putukan na! (Pareho lang po ang New Year at Valentines Day)

Kaibigan

Nakakatuwa na ang simpleng pagkakaibigan ay kayrami palang storya ng simula. Di ba, hindi mo sukat akalain na ang isang mayabong at malagong samahan ay sa isang maliit na binhi lang pala ang sinimulan. Sa dami ko nang nasaksihan, masayang makita na kahit paulit ulit lang e sadya naman epektibo para magkaroon ang isang kaibigan.

Bisyo! tama bisyo. Dahil sa mga bisyo na yan e madaming pagkakaibigan ang nasimulan. Ang tropa ni ganito at tropa ni ganito nagkainuman. Astig! Ang laki na agad ng populasyon ng magkakaibigan. Paano pa kaya kung halos araw-araw ang inuman. Maririnig mo pa dyan ang “Walang Iwanan” kaya kahit na mapaaway man sila hanggang sa makulong e magkakasama pa rin.

Sa drugs kasi pailan-ilan lang ang nagiging magkaibigan kasi madalas ang tablahan kaya mas popular pa rin ang alak.

Common na siguro yung magkabanggaan at sabay na magsosorry. Tapos konting usap kuha ng number, ayun! Constant na ang communication hanggang sa maging sila. Take note parehong lalake ‘to ha! Nagwowork sa bank yung nakabangga at estudyante naman yung isa. Pero hanggang ngayon e magkaibigan lang daw talaga sila. No more, no less! Naniniwala ka ba? (1st week na ng buwan, yung allowance sa school at pangload naibigay na)

Eto ang masaya, yung naging magkaibigan dahil sa may common interest o nagkataong nagkasabay sila ng ginagawa. Ang dami na nyan kahit na yung iba e hindi pa nagkakakilala ng personal. Sa lakas ba naman ng character mo sa ragnarok e siguradong madami ang makikiparty sayo. Sa puntong yun friends na kayo dahil sa pag-uusap ng character nyo e nakilala nyo ng ang isat-isa ng husto. May nakikikuya at nakikiate na. O di ba close na agad kahit minsan palang nagkita. Pakaaabangan na ang mga gathering at kung anu-anong events para mameet pa ang iba. (Heal, Ressurect!)

Eto ang paborito ko, Friendship dahil sa lock ng hikaw. Dahil sa lock ng hikaw na nawala at nahanap, yun ang naging dahilan ng simpleng komunikasyon na patuloy hanggang sa ngayon. Hindi man ganun kadalas, makulay at sulit naman.

Ilan lang yan sa masasayang kwento sa pagkakaibigan. Simula pa lang yan at kung saan man mauwi ang pagkakaibigan, ibang storya naman. Pwedeng maganda ang kalabasan pwede rin mauwi sa siraan. Madami pa, na yung iba e talaga naman makalaglag panga ang storya. Mga tipong akala mo hiphop yun pala metal, akala mo batis yun pala kanal. Akala mo toothpaste yun pala glue, akala mo berde yun pala blue.

Kaya kung sapat oras mo, share mo naman yung sayo.

Gising Na!

Habang lumilipas ang panahon, hindi natin namamalayan na tumatanda ka na. Hindi man pagbasehan ang pisikal na hitsura, maraming bagay bagay na hindi mo na napansin na unti-unti na rin nagbago. Katulad na lang ng mga paborito mong kanta, tuwing linggo mo na ulit naririnig sa radyo. May mga saysay na rin at nakakarelate ka na sa mga Classic na MTV. Alas-sais na ang oras ng paggising mo at kadalasan e hinahabol mo pa ang makanood ng mga balita lalu na sa kalagayan ng panahon.

Madalas ka na rin umiidlip. Ang pagtulog mo sa sofa e nakakasakit na sa likod mo. Ang pagkain mo ng almusal e nasa oras talaga ng pagkain ng almusal at mas marami na ngayon ang pagkain kaysa beer sa ref. Isang botika na rin ang cabinet at drawer mo. Samu’t-saring food supplement, liver aid, taheebo, multivitamins, vitamin c, vitamin e, ginseng at ginko biloba. Ang pagpunta mo sa Mercury e para na sa ibuprofen at paracetamol hindi sa test pack at condom.

Dati, madalas sa barkada ang inuman. Sari-sari ang pulutan. May sisig, pusit, lechon manok, inihaw at kung anu-ano pa. Ngayon e nakikipagkumpulan ka na lang sa mga kasama mo para humihigop ng mainit na kape o tsaa. Hindi na katulad ng samahan ng mga dati mong barkada at mga kaibigan. Wala na sila ngayon.

Ang mga masasayang kalokohan at gimikan ay napalitan na ng mga pagrereklamo sa kumpanyang pinapasukan mo. Wala ka ng bestfriend na mapuntahan para mapagsabihan ng mga problema mo. Ang madalas mo ng kausap ay ang mga kaopisinang hindi mo alam kung binebenta ka na pala kapag nakatalikod ka. Ang hirap na magtiwala.

Mahirap na makahanap ng totoong kaibigan. Hindi mo kayang mapagkatiwalaan ang mga kasama mo sa opisina. Oo nga ano, nagkakila-kilala lang naman kayo dahil gusto nyong kumita ng pera, mapaangat ang estado sa buhay at magkaroon ng career. Ang pagkakaibigang nagmula sa pera at ambisyon e hindi naman totoong pagkakaibigan. Pagdating ng araw e yan din ang sisira sa inyo.

Pera na ang nagpapatakbo ng buhay mo.

Alipin ka ng Meralco, Nawasa, Skycable, PLDT, SmartBro at Globe. Alipin ka ng samut-saring pinagkakagastusan na hindi mo alam kung kailangan mo nga ba talaga o isa lamang luho. Alipin ka ng credit card at ATM. Alipin ka rin ng BIR.

Kung noon solve ka na sa isang platong pancit canton at isang itlog, ngayon kailangang may chicken ang spaghetti mo. Masaya ka na noon sa ober-da-bakod para makapagswimming, ngayon e ayaw mo na lumangoy kung hindi Boracay, Puerto Galera at Palawan ang lugar. Dati, sulit na sulit ka na sa GinPomelo. Ngayon hindi ka na umiinom kapag hindi Tequila, XO, Black Label at Johny Walker ang nakaharap sayo at pagkatapos ay maghahanap ka pa ng Vodka Cruiser at San Miguel Light.

Hindi ka ba nagtataka kung bakit hindi ka pa rin makaipon kahit na tumaas na ang sweldo mo. Wala ka ng magawa dahil sumasabay ang lifestyle mo sa income mo. Yung mga bagay dati na gusto mong bilhin ay abot-kamay mo na. Kahit hindi mo nga kailangan ay nasayo na. Pero bakit kahit na nasayo na ang mga gusto mo e hindi ka pa rin makuntento.

Saan ka ba papunta? Ano nga ba talaga ang gusto mo?

Hoy! gumising ka! Hindi ka nilikha sa muntong ito para maging isang baterya na nagpapagana sa isang malaking makina. Alamin mo ang dahilan kung bakit ka nandirito. Kung ang takbo ng buhay mo ay paulit-ulit lang hanggang sa magsenior citizen ka, pagsisisihan mo lang yan sa huli. Hindi ka pa naman nakakalayo, pwede ka pa lumingon at balikan ang simula. Isipin ang mga tao at mga bagay-bagay na nagpapasaya sa yo. Kahit na mahaba na at malayo na ang ang nabyahe mo, hindi mo maaaring isantabi na bahagi sila ng pundasyong magpapatibay at magpapatatag sayo. Lumain man yan ng panahon, ang nakalipas, kasalukuyan at hinaharap at magkakarugtong sa paghubog kung ano ka ngayon at sa mga darating pa.

Ikaw ang nagbago, Hindi ang mundo.

Credits: Alteredbeast/Tabachoi