Pakurot ha?

Sweet morning!
Yan ang madalas kong bati sa’yo araw-araw. Okay lang naman sa akin kung bumati ka rin pabalik o hindi. Basta ako, naiisip kita palagi bago ko simulan ang umaga ko. Kagaya pa rin nuon. Nakasanayan ko ang kausapin ka muna sa umaga bago ko simulan ang kung anu-anong ritwal ko sa buhay. Kahit na minsan ay ako na ang nakukulitan sa sarili ko dahil halos paulit-ulit na lang din ang sinasabi ko, hindi ko pa rin pinagsasawaan dahil isa yan sa mga paraan ko para mapaglaanan ka ng oras at katunayang lagi kitang iniisip. O di ba, kahit hindi mo aminin sa akin, alam ko na nauumay ka sa pare-parehong takbo ng usapang pangungumusta sa umaga. Hindi pa kasama dyan ang mga walang saysay na pag-uusap hanggang sa umabot na ang gabi.

Pero hindi rin nagtagal ang ganun dahil ang nakagawian ko ay bigla na lang nag-iba. Bigla na lang kasi wala ka na. Pinaglalayo na tayo ngayon ng tubig at milya-milyang distansya. Ang dating malalambing na usap ay napalitan na ng mga elektronikong letra. Nakakapag-usap pa rin naman tayo pero hindi na kagaya ng dati na nasusubukan kong maubusan ng baterya sa telepono para lang matigil tayo. Bawat segundo at minuto na kasi ngayon ay binibilang na para sa katumbas na halaga. Hindi na ganun kadali ang maabot ka para makumusta. Pero sa kabila ng ganung sitwasyon, regular pa rin kitang inaabot sa pamamagitan ng elektronikong liham bawat umaga. Sweet morning nga di ba? At ganun pa rin naman sa pagtatapos ng araw ko. Ikaw at ikaw pa rin ang huling tao na nasa isip ko bago ko asikasuhin ang aso’t pusa at mga halaman ko. Sobra na tuloy kitang namimiss habang ang panahon ay marahang tumatakbo.

Ilang buwan pa lang ang lumilipas at patuloy pa rin ang pangungulila ko sa’yo. Sabi nga ng iba ay makakasanayan ko rin. Ang sabi ko naman ay ayaw ko makasanayan dahil hindi tini-take for granted ang mga bagay, paniniwala at ang taong pinahahalagahan. Kaya habang may pagkakataon ay patuloy kong ipapadama at ipapaalam ang aking pag-aalala, pagmamahal at pagpapahalaga. Maiksi lang kasi ang buhay kaya ayaw ko masayang ang pagkakataon. Dahil sa huli ay siguradong panghihinayangan mo ang mga bagay, panahon at pagkakataon na hinding-hindi na pwedeng maibalik pa.

Pero nakakalungkot lang kasi isipin na sa iksi ng panahon ay nakita ko na agad ang pagbabago mo. Dala ba yan ng lungkot mo? Dahil ba yan sa pangungulila mo? At ayoko rin naman isipin na dahil nasa malayo ka na ay ramdam mo na ang laya mo. Nakakapagod na rin kasi para sa akin ang magtanong ng magtanong. Kahit na pinanghahawakan ko ang mga sinabi at ipinangako mo na magiging bukas sa atin ang lahat ng mangyayari sa akin at sa’yo, hindi mo maalis sa akin ang makaramdam ng pangamba dahil sa mga nangyayari na ngayon at sa mga ipinapakita mo. Baka kasi effort lang ang kulang, hindi ang oras.

Sa puntong ito, napaka-aga pa siguro para sabihin ko kung ano ang wakas sa kwentong ito. Marami pa kasi ang pwedeng mangyari. Marami pang emosyon ang mararamdaman at marami pang pagkakataon ang magagawan ng paraan. Pero alam ko na darating ang araw, sasabihin ko sa’yo na naabot ko na ang limitasyon para sa mga kaya ko ibigay. Hindi naman mawawala at mababago kung naging ano ka sa akin dahil naging bahagi na kita. Patuloy pa rin ang pagmamahal at pagpapahalaga. Yun nga lang siguro ay nasa ibang anyo at paraan na. Mula simula naman ay hindi ko ipinagdamot sa’yo ang karapatan mong magdesisyon para sa sarili mong kaligayahan. Di ba nga, lagi ko sinasabi sa’yo na lahat tayo ay may karapatang sumaya.

Maaaring iyon siguro ang dahil kung bakit tayo pinagtagpo sa kumplikadong paraan. Ang maging gabay mo at kasabay sa panahong kailangan mo ng kaagapay. Sa nakikita ko ngayon, hindi na rin masama yung mga bagay na naibahagi ko sa’yo para magkaroon ka ng direksyon at pagpapahalaga. Maaaring sa ngayon ay kulang pa, pero kawangis lang yan ng mga halaman at puno na kailangan mo alagaan para yumabong, magkabulaklak at magkabunga. Yun nga lang, hindi lahat ay kaya ko ituro na parang nagsusubo ka ng bata para makakain. Alam ko, sa darating na panahon ay matututunan mo rin yun lahat. Hindi ko nga lang masabi kung sa madali o mahirap na paraan. Hindi naman kasi kailan man naging patas ang mundo kaya huwag ka umasa na magiging madali ang lahat ha. Alam ko naman na kakayanin mo ang lahat ng yan kahit wala na ako sa tabi mo. Isa lang naman ang lagi ko sinasabi sa’syo di ba? Kahit na ano pa man ang pinagdadaanan, dapat laging positibo para hindi mapag-iwanan. Sana lang, huwag ka magtatampo o magkakaroon ng sama ng loob sa akin. Dahil alam mo naman na mula simula, yung para sa’yo lagi ang inuuna ko. May mga bagay lang talaga minsan na kahit na ipilit natin ay hindi lang talaga pangyayarihin.

Sana lang kapag nandun na tayo sa puntong iyon, hindi mo pa rin makakalimutan yung mga lagi kong ibinibilin ko sa’yo. Lagi mag-iingat at huwag papabayaan ang sarili lalu na ang health. Huwag mag-i-skip ng meal ha. Lagi isipin ang safety at huwag na huwag na gagawa ng mga bagay na pwede kang malagay sa alanganin. At higit sa lahat, huwag na huwag mo kakalimutan yung sumbungan at kakampi mo na nandyan lang nakatanaw palagi mula sa itaas.

Haaay… life. Pero malay natin isang araw, dito lang naman lagi si Diwangtanglaw.

Ganyan talaga ang buhay. Kailangan mo ba ng kasabay?

Hacuna Matata!

Pitumpu’t-pitong Puting Tupa

Minsan talaga hindi maiwasan ang magising sa maling umaga. Yun bang makulimlim ang langit at mistulang kulay abo ang lahat ng nasa paligid. Matabang ang emosyon at wari’y nakagapos ang buong katawan sa higaan dahil sa hirap bumangon. Sa maikling sabi, wala ka sa mood. Ang hirap kaya simulan ang araw kapag ganyan. Na kahit kaunting bagay lang na hindi mo magustuhan ay ang mapapalabas na ang pagkamaldita mo.

Ayaw mo ng may kausap, ayaw mo ng maingay, ayaw mo ng maraming tao at ayaw mo ng mga bagay-bagay na maaaring makairita. Baka naman buntis lang. Ang daming ayaw. Ahaha! Pero sino ba naman ang may gusto na buong maghapon ka ganyan. Nakakatanda kaya ang ganyan at nakakadagdag pa ang guhit sa noo. Ewan ko lang kung totoo din na nakaka-dry ng buhok. Buhok saan? Sa ilong! Ahaha! Kaya para hindi ka tuluyang masapian ng masamang espirito, eto ang ilan sa mga bagay-bagay na pwede mong subukan base sa aking mga nakagawian para mabalik ang magandang simula ng umaga.

> Magpatugtog ng mga alternative rock na musika. Hindi naman kailangan na masyadong malakas pero yung sapat lang na mapapasabay ka sa bagsakan. Pakiwari ko kasi kapag ganyan ang tugtog na pinakikinggan ko ay nagsisialisan ang mga masasamang elemento sa paligid. Maliban sa pag-aalaga at pagdidilig ng halaman, isa din yan sa paraan ko ng pantanggal ng stress. Pagkatapos lang ng kinse hanggang tatlumpong minutong pakikinig, maayos na ulit ang katawang-lupa ko.

> Kumain ng cake. Lalu na kapag ice cream cake at chocolate cake. Parang dumaan sa 16 stages na purification ang kaluluwa ko. Pramis nakakagaan. Pwede rin na alternatibo ang tsokolate pero mas gusto ko kasi ang cake.

> Makipagkulitan sa mga alagang aso at pusa. Ewan ko ba pero totoong may kakaibang epekto ang alagang aso sa pagganda ng pakiramdam. Meron pa nga akong napanuod na pelikula na may ganyang tema habang nasa byahe ako. Na dahil sa alagang aso ay gumaling yung isang matanda na nasa malubhang karamdaman. Matagal na kasi kaya hindi ko na rin matandaan yung titulo. Baka maalala nyo, pakisabi ha. Nasubukan mo na ba yung nasa kalagitnaan ka ng pag-iinarte mo sa buhay at naka-upo lang sa isang tabi tapos biglang lalapit at tatabi sa’yo yung alaga mong aso tapos maya-maya lang e nakangiti ka na? Ako madalas, ehehe! Ibig ba sabihin madalas ako mag-inarte? Ahaha! Hindi naman, madalas ako pinapangiti ng mga alaga ko. ^_^

> Magbabad sa paliligo. Isa itong teknik na maaksaya sa tubig pero panalo. Ang maligo ng sampu hanggang bente minutos ay sapat na pero kapag halos isang oras na o higit pa, luho na ito mga ate at kuya!

Yan ang ilan sa mga ritwal ko sa buhay para mapanumbalik ang magandang aura at mood. May hangganan din naman kasi ang kaemohan kaya huwag na huwag umasta na parang habangbuhay ka nang walang pag-asa at malungkot. Bawat isa sa atin ay may nakalaan na problema, depende na nga lang kung gaano kabigat. Pero tandaan na ibinibigay tayo ng mga pagsubok ng nasa Itaas para magmuni at magsuri ng sarili. Hindi yung puro candycrush na lang at inaasikaso. Hindi yung puro lablayp na lang na kasing-gulo ng bangs ang lagi inaayos. At hindi ang mga himutok sa buhay ang pinaprayoridad.

Napakaraming dahilan para mabuhay ng nakangiti at puno ng pag-asa. Hindi ka tatatag kapag walang pagsubok na daraanan. Tibayan lang ang loob at panghawakan ang mga bagay na pinaniniwalaan. Gamitin ang puso para protektahan ang sarili at ang mga taong pinapahalagahan. Hindi naman nauubos ang bukas kaya huwag bibitaw. Hindi lahat ng pagkakataon ay masukal ang daan at higit sa lahat, lagi mo tatandaan may kakampi ka palagi sa itaas.