Ibalik

Ibalik mo ako sa mga araw na maaga akong gumigising na mag-isa.
Nakikialam sa mga gawain at pagluluto ng aking Ina.
Hinihintay ang bukang-liwayway para mapadaan si Kuya.
Bitbit ang gatas ng kalabaw para makapag-almusal na.

Ibalik mo ako sa mga araw na sa konting ulan ay labis na ang saya.
Malayang tumatakbo at naglalaro sa malawak na damuhang basa.
Titigil lang kapag nagsawa o kaya’y nilalamig na.
Inaasahan ang sermon ng Magulang kapag nakauwi na.

Ibalik mo ako sa mga araw na ang kalsada sa amin ay lupa at bato.
Alikabok ang malalanghap sa pagdaan ng sasakyang matulin ang takbo.
Namumuti ang lahat ng dahon ng mga puno, halaman at damo.
Makakapagsulat ka sa mga bintana ng salitang kahit na ano.

Ibalik mo ako sa mga araw na ang tubig na inumin ay iniigib pa.
Nung ang sinasalok sa may ilog para ipangluto ay malinaw pa.
Hindi kailangan isipin ang pangbanlaw sa mga nilalaba.
Dahil malayang umaagos ang tubig kahit bawat oras ay maligo ka.

Ibalik mo ako sa mga araw na hindi kailangan ng pera para mabuhay.
Dahil sapat ang mga tanim na makakain lalu na sa likod-bahay.
Ikaw ang mamimili ng magugustuhan na prutas at gulay.
Hindi kukulangin kahit ilang ulit pa humingi ang kapitbahay.

Ibalik mo ako sa mga araw na ang buhay ng tao ay simple lang.
Na lumilipas lang ang maghapon na parang naglilibang.
Nung panatag pa ang bawat damdamin at hindi naiilang.
Na kahit ang simpleng ngiti ay totoong kumikinang.

Advertisements

Bata Batuta, Paano Ka Ginawa?

Madalas kong naririnig, iba na nga daw ang mga kabataan ngayon. Mula sa pananalita, pananamit, ugali, pakikitungo at paraan ng pakikisalamuha. Malayong malayo na nga daw sa nakagawiang asal noon kapag mga matatanda ang hihingan mo ng opinyon. Ang simpleng pagmamano ay madalang na sa mga batang may makakahalubilong nakakatanda sa kanila. Kung hindi Pasko at Bagong Taon e sa mga Ninong at Ninang na lang nagagawa ang pagmamano kasi may kailangan o hinihintay na kapalit. Napakadalang na nga rin ang batang nagmamano sa sariling magulang.

Nabago na rin ang paraan ng pananalita. Hindi na rin ganun kapopular ang po at opo. At kung maririnig mo lamang ang paraan ng pangangatwiran. Hindi mo aakalaing maririnig mo yun sa batang ganun ang edad. Yung ibang magulang nga ay tuwang tuwa dahil ang dami na daw alam na salita ng anak nila. Pero ang namumutawi naman sa bibig ng mga bata ay mga salitang mahahalay at mga mura. Susme! Parang tree planting sa gitna ng kalsada.

Bakit? Ano na nga ba ang nangyari?

Pagsabay ba sa modernong pamumuhay? Na ang mga magulang ay kailangan na parehong naghahanapbuhay para maitaguyod at mabigyan ng magandang bukas ang mga anak. Alipin na sila ng kumpanya. Tsk! Kaya ang pagpapalaki sa mga bata ay hindi na napagtutuunan ng importansya kaya naipagkatiwala na lang sa mga kamag-anak o kaya naman ay sa yaya at kasambahay.

Na ang kahalubilo madalas ng mga bata ay tv, computer, internet, video games at mga kabataang lantad din sa nagugulumihanang sistema ng hindi patas na mundo. Ika nga e para mo na rin hinayaan ang bata na lumaboy sa lansangan kapag hinayaan mo manuod ng tv mag-isa.

O kaya naman ang nakagawiang pagdidisiplina ng magulang at labis labis na umaabot sa pisikal na pananakit kaya ang naturang bata ay nakapagtatanim ng negatibong pang-unawa sa paraan ng pagdidisiplina. May pagsunod nga pero may kaakibat na sama ng loob at pagrerebelde.

Alam ko marami pang iba pero isa lang ang sigurado ako. Nakakalungkot ‘to.

Nakamulatan at nakagisnan ko din kasi ang mga magagandang kaugalian noon,(Ahaha! para namang sobrang tanda ko na sa earth, ganun talaga kapag lumaki ka sa probinsya) na sa reyalidad ngayon ay talagang madalang na nga din masilayan. Naranasan ko din ang madisiplina sa palo. Sa pamalo na may isang pulgada ang lapad at tatlong piye na haba ng kawayan. O di ba special ang pamalo sa amin ng nanay ko. Pinaglaan ng panahon para kayasin. Yun yung tinatawag noon na chocolate kasi kapag napalo ka nun, parang chocolate ang marka, sukat at hugis ng latay sa balat mo. Pero ginagamit lang yun sa amin kapag above sea level na ang nagawa naming kasalanan. Kaya nandun ang takot namin na gumawa ng kalokohan at maging pasaway dahil alam namin na chocolate ang kapalit.

E di ba nga noong bata ka kapag may ipinakita kang hindi maganda, tingnan ka lang ng Nanay mo ng matalim e alam mo na agad ang ibig sabihin. Ngayon, parang magkakaedad na lang ang magulang at anak kapag nag-uusap. Na kapag sinaway ng magulang ang anak, ang anak pa ang magaling mangatwiran at mangangaral sa magulang.

Kung ninilayin, nakakabahala ang kahihinatnan ng mga sitwasyong nabanggit sa itaas kapag hindi magawan ng paraan para ituwid ang mga baluktot na asal na unti-unting nakakagawian. Maraming di magandang bagay ang kahahantungan. Nasa mga magulang ba ang sagot o nasa mga anak din? Dapat din ba sisihin ang mundong ginagalawan? O dapat na mas makita ang responsableng pamamaraan.

Kaya ako, kung darating na yung panahon na magkakaanak na ako, siguro gagawin ko rin yung pamamaraan ng mga magulang ko kagaya ng pagpapalaki nila sa amin. Ang kaibahan nga lang hindi na ako magkakayas ng kawayan (walis tambo na lang, ahihi!). Marami naman sigurong paraan. Hindi ko nga lang maidescribe kung gaano ba kadali o kahirap dahil nga sa hindi ko pa nararanasan. Pero kapag nandun na ako, sisiguraduhin kong makakapagpalaki din ako ng mga mabubuting indibidwal sa abot ng aking makakaya.

Pero ciempre bago ang anak, dapat kasal muna. 🙂