Ang Nawawalang Bahagi

Kakaibang saya talaga ang naidudulot ng pagpapatawad. Sa kabila ng masalimuot na sitwasyon na ibinigay ng pagkakataon. Sa kabila ng mga kasalanang nagpabigat ng kalooban. Sa kabila ng mga sugat na humiwa ng malalim sa puso at pagkatao. Sino ba naman tayo para ipagkait yun?

Kainaman.

Para lang isang taong bagong bihis at gayak na gayak kahit na walang okasyon.

Eksayted!

Ang gaan sa pakiramdam!

Hindi ako pwedeng magsalita ng tapos para sa mga mangyayari pa. Ang pagkakatong muling ipinagkaloob ay huwag na sanang masayang. Sana maging maayos ang kahinatnan. Sana hindi na muli pang bumitaw at balewalain ng ganun ganun na lang. Sana hindi ko na ulit makita ang sarili ko na nauubos na at pagod na pagod na sa sitwasyong ako na lang ang naniniwala.

Sana ito na yun at hindi na tatawaging katangahan.

Totoong nakagaan pero hindi maalis sa akin ang takot. Pero kung sakali man na hindi maging maganda ang kahinatnan, masaya akong tatanggapin yun. Kahit na buong-loob na may galak kong ginampanan ang parte ko at hindi naging maayos ang resulta, hindi ko na yun magiging kawalan.

Ang kailangan ko na lang gawin ay magpatuloy para sa mga dahilan at paniniwalang meron ako. Magpapatawad ulit ako kahit na paulit-ulit, hindi naman kasi ako yung tipo na nagtatanim ng galit o sama ng loob. Hindi kailanman dapat ninanamnam yung mga emosyong negatibo. Nakaka-dry ng bangs, pramis.

Sa ngayon ay ienjoy ko muna yung pagkakataong ibinigay at pagyamanin yung mga bagay na dapat payabungin. Parang halaman lang di ba? Kailangan ng atensyon, pang-unawa, pagmamahal at pasensya.

Dahil sigurado ako na sa paglipas ng panahon, tiyak ang pagbubulaklak at pagbubunga.

O sya, simula na!

Advertisements

Munting Kariktan

Kaluskos ng dahon kasabay ang mga huni ng ibon. Malayo sa maingay na siyudad na naliligiran ng polusyon. Patuloy ang hampas ng mga alon habang ang mga bata ay masayang naglalaro lang maghapon. Sariwang simoy ng hangin sa sari-saring tanawin na tinatahak. Pipitas lang ng bulaklak sa daanang mahalimuyak. Sari-saring kasiyahan sa bawat baranggay na madadaanan. Kakaning matagal ng hindi natikman, hindi na alam kung ano ang uunahing lalantakan. Pagmamano sa bawat matandang makakasalubong walang kasing tamis na mga ngiti ang tugon. Mga alaala nung kabataan, masayang sasariwain at babalikan ang kahapon.

Sa bawat pag-uwi ko sa amin, yan at yan pa rin ang mga bagay bagay na nagpapasabik sa akin. Maraming panahon na ang lumipas hindi pa rin kumukupas. Kung bakit ang bawat byahe ko patungong probinsya, punung-puno palagi ng masasayang ala-ala. Nang lumaon ay marahan nang dumalang. Ang oras ng kasabikan napalitan na ng mga responsibilidad at mga obligasyon. Mga mundong umaalipin sa mga bagay na dapat ay para na sa sarili mo. Mundong masikip, mainit at mapolusyon. Mundong tinatawag na siyudad. Mundong walang puwang ang makupad.

Dahil sa kinain na ng obligasyon at responsibilidad sa siyudad ang ibang oras ko, ang dami ko na tuloy namimiss. Paliligo sa beach ng maghapon, nonaman kung maitim na ako pagbalik ko sa trabaho. Dalawang linggo lang e balik na ulit ang kulay ko. Ang mamasyal sa bukirin at burol ng nakasakay sa bisikleta. Pag-ani ng mga gulay sakay ang kariton na hila ng kalabaw. Iinom ng sabaw ng buko na kapipitas lang. Ipambabato yung tsinelas para mapitas yung hinog na bayabas. Haaaay sarap! Pero nakakamiss!

Sa kabila ng pagkamiss na yan, nakapagremedyo ako ng pagbabalingan. Taaaahdan!

Munting Gulod

Hindi man kagandahan, Pramis napapawi nyan ang stress ko sa siyudad na ginagalawan. Kaya kapag nagkaroon pa ako ng sapat na oras, uulit pa ako. Para kahit na malayo man ako sa probinsyang hinahanaphanap ko, meron naman akong munting gulod at hardin na pwedeng-pwede sa kuwarto ko.