Ang buhol-buhol na tali ng storya, makakalag pa ba?

Hay sa wakas, nakasagap din. Busy kasi sa kanya-kanyang larangan kaya hirap maglaan ng oras kahit sa simpleng pangungumusta. Ano nga ba ang bago? Ano na ang balita? Sa layo na ng nagala at narating, pwede ba natin ulit balikan para pagkwentuhan at isa-isahin?

 

Ilan na nga ba ulit ang naibahagi mo? Isa, dalawa, hindi ko na maalala. Sa konti na nga lang na naibigay hindi pa maalala lahat. Tsk, tsk, tsk! Nakakawalang gana. O sige heto na meron na akong isa. Nakikiuso ba?

 

Haaaay! Nakanampucha! Uso nga! Ang parehong north ng dalawang magnet nagawang ipagdikit. Hindi na bago sa pandinig pero nakakabigla. Nakakabigla pero konti lang naman dahil sa likaw ng bitukang taglay e hindi nga malabong mangyari ang mga nangyayari sa ngayon.

 

Ano pa bang iba? Siempre naman likas na yung may nakasabit, may nanunungkit, may manik-luhod na nagsusumamo at may bigla na lang nangyari. Ang dami ano pero natural na lang yan kapag nakapiring kang lumalakad sa isang malawak na daan. Mabuti pa nga ang bulag ang lakas makiramdam hindi tulad ng ilan na nakakakita naman e para pang sinasadyang nagbubulag-bulagan.

 

Kung sabagay, nasubukan ko na isuot ang paa ko sa sapatos ng iba kaya kahit na hindi pa ako napupunta, alam ko na storya. Pero mas masaya siguro kung ako mismo ang nandun. Malamang nagdidiwang akong nananamantala ng sitwasyon. *Hooray!*

 

Pero kahit na ganun, likas na nga talaga ang mag-alala at maligalig para sa iba. Ganun naman talaga di ba kapag nagmamalasakit ka. Kahit na matigas ang ulo ng pinahahalagahan mo, tuloy pa rin ang paglawak ng pang-unawa kahit na hindi naman. Haaay! Sarap talaga ng nakikita mo lahat.

 

Ano ang aral? Ang lahat ng bagay ay lumilipas. Kahit na ang pag-ibig na wagas ay kumukupas. Kaya ang buhol-buhol na tali ng storya, hindi na kinakalag kundi pinuputol na. Maaaring tayo nga ang responsable sa bawat bagay na ginagawa natin pero sa huli, masama man ito o mabuti, ang lahat ng ito ay buong-buo natin aanihin.

Bagong Mukha

Sa nakalipas na panahon mukha yatang masyado akong naging emosyonal. Kita mo naman mga usapin sa mga nakaraang sinulat ko. Aba at sandamukal na puro emosyon ang punto. Ewan ko ba? baka nga sabihin e inlove ako. Masyado kasing malalalim na usapang emosyon ang tinalakay ko. Sa kahahanap ng samut’saring pakahulugan ng buhay, eto at naligaw sa pagtalakay ng emosyon.

Muntik na nga ako malunod sa mga usapin sa nagdaan. Nakakabulag pala talaga kapag tumitingin ka ng malapitan. Mabuti na lang ang bigla na lang merong nakaagaw ng pansin ko sa malayo. Kaya ang pagbaling ko, nakabuti pa ng husto. Madami palang dapat na mabigyan pansin habang tumatakbo ang byahe mo. Hindi na importante kung ilang beses ka huminto, ang higit na mahalaga ay sa bawat paghinto mo ay kung paano mo natutunan na pahalagahan ang mga maliliit bagay sa takbo ng buhay-buhay.

Kaya magmula ngayon, susubukan kung lumabas at maggala sa abot ng aking makakaya. Lumingon at tumingin ng mas malayo. Lumapit at bumusisi ng malapitan. Sa dami kasi ng magagandang bagay na nasa paligid, hindi man maiwasang may mapalampas, sisiguraduhin ko na ang bawat maliliit na bagay na makakasalamuha at makakadaupang palad ko sa takbo ng buhay na to, isasabay ko ang mga magagandang aral at ala-ala sa byahe ko.

Isang baytang pataas

Halu-halong emosyon para sa mga darating na araw. Mabibilang na lang kasi sa kamay at haharap na sa panibagong yugto ng buhay. Isang panibagong paglalakbay kaalinsabay ang mga bagong hamon na susubok sa mga bagay bagay at mga aral na natutunan sa mga nagdaang karanasan at pakikisalamuha sa mga indibidwal na nasa paligid.

Magiging maganda kaya ang kahihinatnan? Maayos ko bang magagampanan ang mga bago at karagdagang responsibilidad na kakaharapin? Isa munang buntong-hininga. Sa ngayon kasi e magkahalong saya at kaba ang meron sa akin. Pero kahit na ano pa man ang mga bagay na dumating, kahit na kabado, masaya ako at interesado sa bagong landas na tatahakin dahil dito masusubok kung anong klaseng indibidwal ang nalinang sa akin
mula sa mga nagdaang yugto ng buhay.

Hindi pa man nagsisimula, mababakas mo na sa akin ang mga ngiting puno ng saya. Mga matang kakikitaan ng pananabik at nangungusap na naninigurong magiging maayos at mabuti ang lahat. Isang pagtutuldok sa hamon na kahit na anong hirap at pasakit ang dumating, may ngiti pa rin itong kakaharapin.

Isang hakbang paharap para sa isang baytang pataas.