Salamat 2010

Narating na natin ang dulo ng taon. Hudyat ng pagsisimula ng bagong kabanata. Bagong kapalaran at bagong tadhana. Nakaka-excite! Dahil oras na lang ang bibilangin haharapin na natin ang bagong simula. Pero bago tayo magpatuloy, isang lingon muna sa ating iiwanang nakaraan.

~ Salamat 2010 dahil inilayo mo ako, ang aking pamilya at ang mga taong malapit sa akin sa anumang malubhang karamdaman.

~ Salamat 2010 sa pagpapanatiling kumpleto ang miyembro ng aming pamilya.

~ Salamat 2010 sa maayos na buhay na ibinigay mo sa amin. Hindi mo kami pinabayaan sa panahon ng mga kalamidad.

~ Salamat 2010 sa maayos naming kabuhayan.

~ Salamat 2010 sa maraming bagong kaibigan na ibinigay mo sa akin.

~ Salamat 2010 sa lahat ng magagandang pangyayari sa aking buhay.

At sa mga kaakibat na problema at pagsubok sa buhay, salamat dahil nilinang mo lang kami ng husto at pinatatag pa lalu. Kaya kung anuman ang nasulat sa notebook ng tadhana para sa 2011, nadagdagan mo nanaman ang sandata at kalasag ko para harapin ang bagong taon ng buong saya, puno ng positibong pananaw at bago ang kulay ng kuko sa kamay at paa. 🙂

Ilabas na ang malamig na beer sa ref. Ilakas na ang sounds at magputukan na!

Isang Masaganang Bagong Taon sa inyong Lahat!

Ay! BER months na pala!

Ang bilis ng panahon ano? Parang kabibirthday ko lang eto at magtatapos nanaman ang taon at magbibirthday nanaman ulit ako. Ano na nga ba ang inaasahan natin sa huling tatlong buwan ng taon na ito? Ciempre una na dyan ang selebrasyon ng Pasko at Bagong taon. Pero di ba dadaanan pa ang Undas, birthday ni crush, araw ni Bonifacio at araw paggunita sa pagkakatatag ng barkada namin na hanggang ngayon e kumpleto pa rin. Astig! ang hirap buwagin kaya sana sa muling pagkikita e makarating lahat.

Sa undas, prayers para sa lahat ng mga mahal sa buhay na sumakabilang-buhay na. Yung iba kasi ang layo nila. Kaya hindi ko masisiguro na mabibisita ko silang lahat. Maliban sa kulang ang oras ng bakasyon, for sure e kukulangin din ang budget sa dami ng dapat puntahan kaya sa mga hindi ko mabibisita, kayo na lang ang bumisita sa akin. Pero dapat isa-isa lang ha para naman hindi ako mabigla. *Change of mind* Mas mainam siguro kung minsanan na lang, para isang malakas na “haaaaaaa!” lang ang sigaw ko tapos kumustahan na.

Birthday ni crush? Ahhm, di ko pa alam kung ano ireregalo ko. Sarili ko na lang yata, Hahaha! Maglaway sya! Kahit na crush ko pa sya e hindi naman ganun kadali ang lahat ano. Physical attraction lang naman, hindi ko naman sya kasi nakakasama ng madalas kaya hindi ko pa alam kung ano talaga ang ugali na meron sya. Ipapauri ko pa sya kay kuya para malaman natin kung ano ang kartada nya. Kuya huwag mo tatakutin ha!

Kahit na hindi na masyadong pinagdiriwang ay huwag naman sana natin makalimutan na may mga natatanging nilalang sa mundong ito na nanindigan at nakipaglaban para sa ating kasarinlan at kalayaan. Isang saludo sa kanang kamay habang nakataas ang kaliwang bisig na may hawak na gulok. Sisigaw ng “Mangangahoy na ako!”.

Rock and roll Gat Andres!

Barkada trip maglilimang taon na! Makakarating ang lahat ha! Update update na lang.

Eto ang highlight, ang Pasko. Sabi nga nila lalabas nanaman ang pera ng mga pinoy. Nandyan kasi ang Christmas bonus, mga regalo at samu’t-saring paraffle na gift certificate, groceries, home appliances (gaya ng radyo, tv, washing machine at rice cooker) at kung anu-ano pa na pwedeng maging papremyo. Gayun pa man, kahit na hindi ka nga nakakaluwag sa pera e maghahanda at maghahanda ka para sa noche buena. Nakakaexcite na ano? Pero kumusta kaya ang pasko ng batang naglalako ng sampaguita sa kalsada? Kumusta ang pasko ng batang nagpupulot lang ng basura? Kumusta ang pasko ng sa kariton lang nakatira? Tuwing pasko lang ba nakakakain ng mansanas? Kung marami lang sana akong pera lahat sila bibigyan ko ng sapat na pagkain para pagsaluhan ng kanilang mga pamilya. Hindi na importante kung gaano pa kasarap yung handa dahil wala ng mas sasarap pa sa kumpletong miyembo ng pamilya na masayang nagsasalusalo at nagkakasamasama.

Bagong taon, bagong simula. Panibagong kwento at kabanata. Bagong pag-asa para sa mga hindi pinalad sa nakaraang taon. Na sana ang pag-asa ay hindi na lang mauwi sa wala. Na sana hindi umabot sa susunod na taon na umaasa pa rin. Panibagong paghakbang paharap. Sa mga hindi magandang nagyari, kapulutan ng mga aral. Ang mga magagandang karanasan, baunin at gawing inspirasyon. Dagdag kalasag sa pagharap sa bagong taon.

Sisimulan natin ang Enero uno ng malakas ang tugtog sa bahay, kumpleto ang mga daliri at masayang nakangiti. Kahit na naubos na ang pera, ayos lang dahil hindi naman matutumbasan ang kasiyahan na nakasama mo ng kumpleto ang pamilya sa pagsisimula ng bagong taon.

Sa susunod, kapiling pa kaya natin ulit sila?