Ika-labingwalong Umaga

Sinimulan ang umaga ng kakaibang pakiramdam. Wari’y iginapos ng tanikalang tinik sa pagkakalapat sa higaan. Ang hirap bumangon. Puno ng maitim na ulap ang kabuuan ng silid. Ngunit ilang sandali pa ang lumipas at nailayo na rin ang sarili sa pagkakalunod sa damdaming nababagabag. Pinilit manumbalik sa sarili. Lumakad palayo kaakibat ang baluktot na pananaw na nakagapos sa kaliwang binti. Tangan-tangan ang anim-na-raang kasalanan na nagsisilbing bolang bakal na pabigat. Nakakabagabag.

Pero sa kabila ng pananambitang balat-kayo, Ang lahat ay ikinubli sa mga matamis na ngiting walang laman. Pilit isinasabuhay ang pagkakaroon ng damdaming matingkad pa sa pagsikat ng bukang-liwayway. Araw-araw na ngiti sa kawalan. Araw-araw na pagkukunwari. Mga dahilang walang saysay na pilit pinanghahawakan. Paubos na ang damdaming isinangkalan sa bawat masasasayang sandali. Nauubusan na ng mapaghuhugutan ng dahilan para magpatuloy sa pikit-matang paglakad sa daanang hindi mo alam ang patutunguhan.

Pagkatapos pa ng ilang umaga, kinakaawaan na ang sarili. Dahil ang buong pagkatao ay tila usok na pumapaitaas hanggang sa maubos. Walang kinahinatnan, walang pakinabang. Masakit mang tanggapin pero yun ang tubig na malamig na ibinuhos para matauhan. Wari’y isang kasangkapan na kapag nasira ay napakadaling palitan. Nakakaawa, nakakababa ng moral.

Ilang umaga pa ang lumamon ng paulit-ulit sa buong pagkatao. Katulad ng unos na tila hindi na hihinto. Patuloy sa hagupit at patuloy sa pagbayo. Hindi ka lulubayan hanggang hindi ka nagugumo. Pero nang lumaon ay ipinaunawa ng sakit na nararamdaman ang mapagpanggap na dahilan. Hindi man maintindihan lahat ng lubos, pero kusang tinatanggap ng mortal na pagkatao ang lahat ng dapat maunawaan. Marahil ito na yung paraan ng pagpapalaya sa pagkakabilanggo sa awa. Hindi maisasantabi ang mga masasayang nakaraan pero pwedeng-pwede mo itapon ang mga dahilan pinanghawakan noon. Hindi pala yun dapat panghinayangan. Dahil ikaw at ikaw lang ang nagbibigay ng importansya sa mga bagay na wala naman talagang halaga.

Sadyang ganun siguro talaga. Lahat ng bagay ay may katapusan. Ang pagmamalasakit at pagpapahalaga ay natutuyo. Ang pag-ibig na wagas ay kumukupas. Kahit na ang pinakaimportanteng tao para sa’yo nagiging ordinaryo din. Ganyan magpanggap ang awa para maging kawangis ng pag-ibig. Hindi mo kailangan ng dahilan para patunayan ang sarili sa entabladong iilan lang ang ilaw para mapansin. Tulad ng mga mainit na luhang gumuhit sa pisngi ng hindi namamalayan. Kapag pumatak na sila sa kung saan, yun na ang kanilang hangganan. At kasabay ng mga luhang pumatak ang pagpanaw ng nakaraan para bigyang pagkakataon na mabuhay ang bagong pag-asa na ikinubli sa puwang na dulot ng kapalaluan. Panibagong yugto, panibagong daan.

Nang sumapit ang ika-labingwalong umaga, dun ko nasimulan ang una kong paghakbang.