Kamusta 2016?

Heto at magpapalit nanaman ng taon at napapanahon nanaman ang pagbabalik-tanaw. Kumusta naman ang blog ko na ilang dekada ko nang hindi napapaskilan? O sya, Ako na ang laging abala at laging naghahabol sa panahon. Ako na ang laging nagpaparaya at umiintindi. Ako na ang laging handang magtiis dahil mahal na mahal kita. Halah? Ahahaha!

Ano nga ba ang naging 2016 ko?

Sa pagkakatanda ko, naging byahera ako ng mga unang bahagi ng 2016. Masaya ako at kumpleto ang aking pamilya na lumanghap ng sariwang hamog sa Baguio. Buong sandatahang-lakas kaming nag-ukay-ukay at nagpakasawa sa mga pagkaing kalye. Nakakamiss lang na sana ay maulit muli.

Maliban sa pamamasyal sa bulubunduking siyudad, nagbuhay probinsyana din ako sa Malolos, Bulacan. Pagkasarap ng pritong itik at sinaing sa dahon ng saging. Kapag nabigyan ulit ng pagkakataon, babalikan kitang itik ka. Yummm…

Nasa listahan din ng galaan ang Vigan at Zambales kaya lang hindi na naisakatuparan dahil hindi na sapat ang yaman ko para sa mga nabanggit na destinasyon. Hindi bale, may mga kasunod pa naman. Matitikman ko pa rin ulit ang orihinal na empanada at handang-handa na rin ang mga damit panligo ko sa Anawangin at Nagsasa.

Sa kalagitnaan ng taon, sinubok ako ng pagkakataon. Ipinagpapasalamat ko ang bahaging ito dahil tinuruan ako na manatiling nakatapak sa lupa ang mga paa. Tinuruan ako ng mga bagay-bagay na hindi kayang ipaliwanag ni kuya Google. Hindi man naging madali ang proseso, lahat naman ay positibo kong nakita. Isang patunay ay ang mga taong nakapalibot sa akin ay patuloy pa rin na naniniwala, sumusuporta at nagmamahal. Sulit Papa Lord yung aral ng buhay.

At ngayong patapos na ang 2016, heto ako ngayon na katulad ng karamihang tao sa lupa na tinanggal na muna ang disiplina sa pagkain. Nuungka, huwag na kayo kumontra dahil alam naman nating lahat na masarap kumain ng kumain kapag ganitong pahanon.  Kabi-kabilaan kasi ang mga okasyon at handaan. Hmmmm… At hindi ako na-zero, nakapagninang din ako ngayong Disyembre sa binyag. Ang saya lang kasi na kapag napili ka sa mga ganyang okasyon, ramdam mo yung taas ng level ng tiwala sa’yo dahil sa laki ng responsibilidad ng pagiging ikalawang magulang para dun sa bata. Kaya salamat ng marami at wala kayong dapat ipag-alala dahil hindi ako kuripot na Ninang. Pramis! 😀

Sa mga may plano at pananaw sa buhat na sa Enero na lang magsisimulang magpapayat. Pasensya na at hindi ninyo ako kaisa. Ehehe. Kahit naman malakas ako kumain ngayon, regular pa rin naman ang ehersisyo ko. Nga pala, may bago akong pinagkaka-abalahan at kinagigiliwan. Niregaluhan ko kasi ang sarili ko ng mountain bike. Kahit na kasisimula ko lang ngayong Disyembre, naeenjoy ko naman na. Lima hanggang sampung kilometrong pamamasyal gamit ang bisikleta, ramdam na yung epekto sa binti at hita. Pero sabi nila mas maeenjoy ko daw kapag marami na akong nakakasama at nakakasabay sa pagpadyak. Hmmm… sana balang-araw may grupo akong masalihan.

O sya, dalawang tambling na lang at 2017 na. Magsisimula nanaman tayong lahat na sumulat ng istorya sa mga blankong pahina ng ating buhay. Simula nanaman ng bagong kabanata at simula naman ng bagong byahe ng ating buhay. Nawa ay maging masagana, masaya, makulay at maalab ang 2017 ng bawat isa. Salamat 2016 sa paglinang mo sa akin! Salamat sa sambayanan, sariwang hangin at masaganang pagkain. Salamat sa mga huni ng ibon na naririnig ko pagkagising. Salamat sa mga trapikong sinasagupa ko sa pagpasok sa trabaho gayun din sa pag-uwi. Salamat sa mga taong nakasalamuha at mga makakasalamuha. Salamat sa mga tunay na kaibigan at paumanhin sa mga taong nabigyan ko ng negatibong emosyon sa mga hindi sinasadyang pagkakataon. Mukha lang akong maldita pero hindi ko kayo itinuring na kaaway. Pramis 😛

At sa pamilyang meron ako, kayo ang isa sa dahilan ng bawat pagbangon ko.

At higit sa kanino pa man, salamat sa Dakilang Lumikha ng lahat.

Hanggang sa muli. Manunuod pa ako ng The Legend of The Blue Sea, may Episode 13 na. Ahihi!

Hacuna Matata!