Ako Si Matanong

Salamat Kuya Google sa background ^_^

Salamat Kuya Google sa background ^_^

Yebah! Tapos na ang tag-ulan dito sa bansa namin. Dalawang araw nang umiiral ang tag-araw at sa wakas ay makakatuyo na ulit ng maayos ng mga sinampay. Nung nakaraang linggo kasi ay nagkaabutan sa sampayan yung dalawang linggong labahin namin dahil sa walang humpay na pag-uulan. Pero sa kabilang bahagi ng mundo ay nakabuti naman para sa mga bukirin na natamnan na ng palay. At sa anihan ay may gugulangan nanaman ang mga negosyanteng mapagsamantala. Ayun lang.

Kahapon ay nagkaroon ako ng malayang oras para maggala at magbabad sa mundo ng kasaputan (world wide web). Oo mga Ate at Kuya, nag-internet ako to the max kahit na nasa work ako. Ahihi! Huwag niyo ako isusumbong ha. Maaga ko kasi natapos yung workload ko kaya kunwaring busy mode na lang ang peg hanggang sa matapos ang oras ng trabaho.

Sa kabilang side ng bangs ko ay nalungkot ako. Dahil yung mga nabisita kong blog site ay kapareho ko na parang alien lang na bumababa sa Earth na nangyayari lang once a year o kung kelan lang nila gusto. Marahil ay may mas inuuna pang mga bagay bagay sa tunay na mundo. Mas kinukunsumo ng reyalidad yung oras kaysa sa magpaskil ng mga opinyon, pananaw at mga kuro-kuro. Meron din naman mga masisipag magpaskil at sila yung mga mayayaman. Mayayaman sa bakanteng oras o kaya naman ay propesyon nila ang pagsusulat sa elektronikong mundo. Kainggit lang kasi dahil sa dalang ko na magsulat, tila napupurol na rin yung likot ng pag-uutak ko para makapagbahagi ng kung anu-anong meron ako.

May matutunan man yung nakabasa o wala. Nakapagbigay man ng ngiti at tuwa. Nakasira man ng araw yung pagbisita sa bahay ko o naging dahilan pa ng pag-aaway nyo ng kasintahan mo, hindi na siguro importante yun. Parang bonus na lang kapag makatanggap ka ng mga positibong komento. At kapulutan ng espasyo para pagbutihin pa kung sakali naman na may komentong negatibo. Dahil ang pinakamasarap na bahagi ay yung maipahayag mo ang sarili sa paraan ng pagtutugma ng mga salitang sa tingin mo ay naaakma sa emosyon at panahon. Malalim o mababaw man ang pakahulugan ng iba, Ohryt! Rock en roll to the world! Woah!

Meron din naman yung mga pagkakataon na ang yaman mo sa oras at gustong-gusto mo magsulat. Pero ayaw ka naman dalawin ng mga mabubuting espirito para bigyan ng malikot na kaisipan para maipahayag ang sarili. Kainis lang ano? Parang pananakop lang ng mga epal sa telebisyon na kahit na saang istasyon at anong oras ay nilalaman sila ng patalastas.

“Kami ang Pabebeng Epal at wala kayong pake kung pa-epal kami sa mga video namin. Kaya huwag kayo mangenge-alam dahil kahit sino man kayo, walang makakapigil sa amin.”

Pero hindi man tama ang mag-isip ng masama sa kapwa, hindi mo maalis yung ideyang baka galing na sa kaban ng bayan yung ginagastos ng mga Pabebeng Epal sa maagang pangangampanya nila. Haaay life, ano na ba itong nangyayari sa mundo?

Kaya sa lahat ng mga manunulat – baguhan man o hindi, propesyonal man o nakikigaya lang, nakahiligan, pinagkakakitaan, pampalipas-oras o kahit na ano pa man ang dahilan ng pagiging manunulat mo. Ipagpatuloy mo lang kahit na mas nauukupa na ng tunay na mundo ang oras mo. Ipagpatuloy mo lang kahit na wala ka ng pera. Ipagpatuloy mo lang kahit na hindi na kayo nag-uusap ng tatlong araw ng boyfriend/girlfriend mo. Ipagpatuloy mo lang kahit na may bagong shih-tzu yung kapitbahay mo. Ipagpatuloy mo lang kahit na ikaw na lang ang nakakaintindi sa mga isinusulat mo. Malay ba namin kung may malalim kang pinaghuhugutan. Dahil higit-kailan man, walang pwedeng maitumbas na saya sa layang maipahayag mo ang iyong sarili ng walang alinlangan at hindi ibinase sa pamantayan ng iba.

SBA 2014

Saranggola 336x280

“Paliparin ang isip, abutin ang langit; bigkisin ang mga salita’t pakawalan sa hangin gaya ng Saranggola!”

Haay! Life! Ako nanaman itong si huli at hindi nakapagsumite ng aking entry. Nakakatambling lang ng damdamin kasi hindi na nga ako nakasali nung nakaraang taon, heto at naulit nanaman ngayon.

Hinasa ko pa naman mabuti ng pagkatha ko ng mga balarila. Ahihi!

Pero magkaganun pa man. Happy pa rin ako at muli nanaman nating matutunghayan ang likot at taba ng mga kaisipan ng ating mga kapwa manunulat. Ciempre ang lahat ng ito ay hindi magiging posible kung wala si Kuya Blue at ang mga sumusunod na sponsors sa ibaba. Kaya sa mga kalahok ng SBA 2014, goodluck sa inyong lahat at congratz na rin in advance!

~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~o~O~o~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~


~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~o~O~o~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~

Happy!

Manny thanks kuya Google sa image :)

Manny thanks kuya Google sa image 🙂

Maraming lobo, maraming bisita, maraming pagkain at maraming regalo.

Ganyang mailalarawan yung mga nakaraang kaarawan ko nung kabataan ko pa. Ang sarap balik-balikan yung mga palarong pabitin, basagan ng palayok, pabilisan uminom ng softdrinks at pabilisan kumain ng bubog at blade. Palung-palo din yung larong “bring me”. Sawaan din ang handa mula sa spagheti, pancit, lumpia at sari-saring anyo ng mga kakanin. Hindi rin nawawala ang ice cream. Ang uso pa nuon ay yung ice cream na inoorder sa mga sorbetero na nasa lagayan na malalim na naliligiran ng yelo na may asin. At ang masaya pa dun, ang mga bisitang bata na kahit hindi mo naman kamag-anak o kakilala ay masayang nag-eenjoy sa okasyon mo.

Aba! Bongga! Anyaman pala namin noon! Ahaha!

At habang lumalaki na ako, (Weh? Baka tumataba, Ahaha!) Nag-iiba na rin ang nakagisnang selebrasyon ng kaarawan. Hindi na masyadong pinaglalaanan ng panahon at oras ang handa. Basta merong iilang kaibigan, kapamilya, kakilala, espesyal na panauhin at konting salu-salo, makahulugang selebrasyon na yun. Mas natutuon na kasi ng pansin sa pagbibilang ng edad kapag sumasapit ang kaarawan. Ito yung oras na magmumuni-muni ka at magbabalik-tanaw sa mga nangyari sa iyo sa loob ng mga nakaraan taon. Kinukumusta ang lahat ng bagay-bagay na may kinalaman sa sarili at inuusisa ang mga nagawa na sa buhay. Sa isang banda ay pagninilay din para magawan pa ng paraan at mapag-ukulan pa ng panahon yung mga bagay na gustong marating at pangyarihin sa buhay. O di ba, masyado na nagiging personal.

Hmmm… Indikasyon na ba ito na nagmamatured na ako? Ahaha!

Happy Birthday sa mga nagdiriwang ng kanilang mga kaarawan ngayon!

Masabi ko na rin ha. Hindi ko po birthday ngayon. ^_^

Bukas Na Lang Kita Babatiin

Many thanks kuya Google sa background ^_^

Many thanks kuya Google sa background ^_^

Maraming beses na natin narinig ang mga linyang yan. Mapamusika, pelikula at kahit na saan saan pang mga dialogo o paskil. Sobrang mapusok ano? Parang mga kabataan lang ngayon na padalos-dalos ng desisyon at emosyon pagdating sa pag-ibig. Heep! Sino nga ba naman ang normal na nilalang ang hindi dumaan sa ganyan. Ahihi! Oo nga pala, huwag din natin kaligtaan yung mga nasa hustong gulang na at pag-iisip. Oo, yung mga matatanda. Ahaha! Aminin, kapag tinamaan ka ng pag-ibig ay nakakagawa ka ng kung anu-anong kababalaghan, milagro at mga bagay na imposible na kahit na minsan ay hindi naman nasagi sa isipan mo na gagawin mo pala pagdating ng araw. Ang dahilan, in-love lang. Ahaha!

Sa kabila ng nakakalunod na kasiyahang dulot ng pag-ibig ay huwag na huwag din natin kalimutan ang sakit na pwedeng idulot nito kapag hindi ito umakma sa tamang panahon, tamang tao, tamang pagkakataon at ilegal na paraan. (Ilegal na paraan? Pork barrel ba yan?) Opo mga Kuya at Ate, meron pong ilegal na paraan kaya huwag kang mangangako sa mga panahong sobra kang masaya. At huwag ka rin gagawa ng desisyon kapag galit ka. Ang sugat kasi na pwedeng idulot ay sugat na hindi mawawala kahit na lumain pa tayo ng panahon. Maaaring maghilom pero hindi mawawala ang pilat. Ang pilat na permanenteng nakamarka hindi lang sa puso kundi sa buong pagkatao. Hindi kasi yan parang puto espesyal na basta basta na lang ibinabahagi. Masarap ang may ka-share pero pandalawahan lang ha. Maliban na lang kung isa kang kandidato na nagpapahayag ng pagmamahal sa buong barangay, bayan o siyudad. O di ba? Mahal na mahal mo ang bawat isang mamamayang Pilipino dahil may kailangan ka sa kanila. Boom!

Para sa mga wala pang pag-ibig, huwag magmadali. Hindi masarap ang hinog sa pilit. Darating at darating din ang tamang tao para sa’yo. Kaya kahit na abutin ka na ng siyam-siyam sa kahihintay ng nakanga-nga, nga-nga ka lang kasi “patience is a virtue”. Ahaha! Kung ganun naman na katagal, siguro naman ay dapat gumawa ka na rin ng paraan. Hindi kabawasan sa pagkatao ang magpakita ng motibo at hindi rin nakakababa ng moral na ipangalandakan sa buong mundo na single ka. Tandaan na ang pagiging single ay isang oportunidad para matikman ka ng iba. Ahihi!

Sa mga may pag-ibig na. Panatilihin na maalab ang pagsasama sa pamamagitan ng pagsusunog ng mga gamit ng isa’t-isa. Sigurado akong maalab na maalab yan. Ahaha! Simple lang po. Gawin ang bawat araw na parang kasisimula nyo lang magpalitan ng “i love you”. Di ba nga hindi na importante kung mababaw ang dahilan kung bakit ka nagmahal. Basta ang malalim ay yung mga dahilan para kayo ay magtagal. Hindi naman yan katulad ng mga kumplikadong recipe na kailangan ng mabusising preparasyon. Maliban sa dalisay na pagmamahal, samahan mo pa ng isang buo at malaking tiwala, isang buong respeto, palagiang pag-uusap at bukas na saloobin sa kahit na anong bagay, matibay na pananalig sa Itaas at 32″ na LED TV. At bakit may tv? Kasi gusto ko lang. Isa kasi sa paborito kong ginagawa ay ang panunuod ng tv ^_^.

“Masarap ang magmahal, ang magmahal ng malaya. Kaya huwag itatanikala ang sarili sa pagmamahal na hindi marunong magparaya.”

Happy valentines sa inyong lahat!

Tamis

Noong unang panahon, may isang bahay na matagal nang hindi natatambayan. Kapag nadaraan ay puro silip-silip at konting pasyal-pasyal lang. Ang resulta, inagiw! Kaya heto at katatapos ko lang magtanggal ng makapal na sapot ng gagamba at magpabulldozer ng makapal na alikabok. Heniwey, namiss ko talaga ang mundong ito. Kaya sa mga dismayadong nagagawi dito, sorry naman. Kahit alam natin na hindi nyo naman kawalan kung walang bagong paskil na aaksaya sa mga mahahalagang oras ninyo. Basta ang alam ko, kahit na pilit, nasa puso ko talaga ang pagsusulat (pramis ^_^) at wala nang tatalo sa sarap ng matamis na manggang hinog na galing ng Zambales.
mango1