Bulsang Butas

Kaskas dito kaskas dun. Gasgas dito gasgas dun. Yan lang yata yung gasgas na alam ko na naeenjoy. Masarap lang gasgasin pero kapag oras na ng bayaran, masakit na. Haaay, bilay! Ang pinoy nga naman.

(Kay Kuya Google galing ang larawan)

(Salamat Kuya Google sa larawan)

Isa yan sa hindi magandang nakaugalian ng pinoy – Ang pangungutang. Yun bang ginagastos mo na e hindi mo pa kinikita. Kaya ang siste pagdating ng oras ng sweldo, bibilangin mo na lang at ibibigay sa iba. Ang sakit sa bangs di ba? Ganun lang kasimple. Paulit-ulit lang yung sistema.

Meron pa nga yung uutang pa para lang ipambayad din sa utang. Nakakalungkot lang. Nakasanayan na kasi eh. Mumos pa ako nun pero naaalala ko pa yung sabi ng Tatay ko tungkol sa utang. Na ang utang o pangungutang daw ay parang sakit na mahirap gumagaling. Na kapag napasok mo na sa iyong sistema, ang hirap na tanggalin. Sa tingin ko ay totoo naman. Marami din kasi akong kakilala na ganyan. Na kung minsan, kung sino pa yung mga mayayaman o mas may kaya sa buhay ay siya pa yung may malalaking utang.

Nasubok ko na ba mangutang? Aba, Ciempre naman! Collectors item ka kapag hindi mo pa nasusubok yan. Dapat kang ilagay sa selyadong salamin para hindi ka maalikabukan at madumihan. Dahil siguradong napakadalang ng katulad mo kapag hindi mo pa naranasan ang mangutang. Sa mga pagkakataong naiwanan ko yung wallet. Nakalimutan yung pera sa bag. Kulang ang dalang pera habang umoorder sa fastfood at kung anu-ano pang sitwasyon na kinapos sa pera. Hindi ako madalas nagdadala ng pera pero madalas kapag gagastos ako ng nasa plano ay lagi akong merong pasobra. Sobrang nahihiya kasi ako kapag nanghihiram ako ng pera. Mabuti na lang at hindi ko nakagawian ang gumastos ng higit pa sa kung anong meron lang ako.

Ang pinakamalaking halaga na nautang ko ay nung nangailangan ako ng budget para sa pagrerequirements ko sa first job ko. Malayo kasi ako nun sa magulang ko kaya nakahiram ako sa butihing barkada. Kung nasaan ka man Papa Bear, salamat ulit ha. Umabot din ng libo at inabot ako ng halos dalawang buwan bago nakabayad. Dun ko kasi kukunin sa unang sweldo ko yung pambayad. Mabuti na lang at walang interes. Pero kahit hindi na iba sa akin yung pinagkautangan ko, sobrang hiya ko pa rin lalu na sa sarili ko. Ewan ko ba, iba yung pakiramdam kapag may utang ka. Parang ang liit ng pagkatao mo.

Hindi ko rin alam kung bakit yung mga kasama ko sa trabaho ay kating-kati na magkaroon ng credit card. Kahit minsan at hindi ko inasam na magkaroon nun. Achivement yata sa kanila na kumpleto ang pangalan ng bangko sa mga credit card nila. Yun bang parang sobrang angat sila kapag nakapamili na credit card ang ginamit. At yung mga iba naman na may credit din ay hindi padadaig. Na kapag nagkaskas si Pabida ay magkakaskas din si Hambog. Susme, kaya hindi umaasenso ang Pilipinas. Tapos parang shunga lang na magrereklamo na wala na daw natira sa sweldo nila kasi ibinayad nya sa credit card. O di ba? Ginusto mo yan eh.

Hindi naman masama ang mangutang. Sino ba naman ang hindi nagigipit at nangangailangan. Hindi rin masama ang magkaroon ng credit card. Hindi rin masama ang bigyang ng luho ang sarili paminsan-minsan (kung kaya naman) lalu na kung buong sikap ka naman para sa iyong pinagkakakitaan. Pero kung ginagawa mo na parang panunuod ng teleserye ang pangungutang, dun na may mali. Yung disiplina mo sa paghawak at paggamit ng pera ay hindi mo na alam kung saan mo nailagay. Huwag mo ipagsawalang-bahala yun. Kailangan mo yun hanapin at isabuhay muli. Hindi masaya ang nababagabag ka ng mga bayarin mo bago ka matulog sa gabi. Nakakakulot ng buhok ang magbudget ng pera na pambayad ng utang ang unang pinaglalaanan. Kaya kahit na payak lang at walang luho sa kung anuman, ang sarap lang sa pakiramdam na wala kang inaalalang bayarin at pinagkakautangan.

Maligayang Pasko sa inyo! ^_^

Babae Ka

Ur_A_Gurl

Hindi biro ang pagpasok sa pag-aasawa. Lalu na at nagka-anak kayo ng wala pang kasal. Ikaw na rin ang nagsabi na magmula ng dumating sa inyo yung bata, nagbago na sya at hindi man lang sinubukang hawakan ang mga magiging responsibilidad nya bilang Ama sa magiging anak nyo at bilang asawa na magiging katuwang mo sana sa pinapangarap mong pamilyang buo.

Nahuli mo na rin na meron syang iba habang nagdadalan-tao ka. Hindi pa nakuntento at inulit pa. Sorry na lang ba ang katapat nung tapos balik na ulit sa dati? Nilunok mo lahat ng mga dahilan para hindi mauwi sa wala ang sinimulan nyo. Pero magmula sa puntong iyon ay ikaw na lang ang nagdadala ng pamilyang buo na pinapangarap mo.

Lumipas pa ang apat na taon at nanatili ang ganung sitwasyon nyo. Actually bilib ako sa tibay ng pagbubulag-bulagan mo para abutin ng ganyang katagal na uri ng relasyong meron kayo. Pupuntahan ka lang kapag kailangan nya maglabas ng init ng katawan. Pupuntahan ka lang kapag meron siyang kailangan. At pupuntahan ka lang kapag meron siyang tira-tirang oras o kapag naisipan lang.

Mas importante pa nga sa kanya ang pagdodota kaysa maglaan ng oras para makasama ka. Mas importante pa sa kanya ang pag-uwi agad sa kanila kaysa maglaan ng oras para makalaro ang Anak nya. At higit sa lahat, mas importante pa sa kanya ang sasabihin ng Nanay nya kaysa tumayo sa sarili nyang mga paa at panindigan ang mga desisyong makakabuti para sa’yo at sa bata.

Sa kabila ng lahat ng yan may lakas pa sya ng loob na sabihing “Mabuti nga ako at hindi ko kayo iniwan, hindi tulad ng iba diyan”. Anak ng pitumput-pitong puting tupa! Utang na loob mo pa pala ang hindi nya pinanagutan ang responsibilidad nya habang nandyan lang sya na parang walang nangyari at ganun lang kadali ang lahat. Mas torture nga yung pagpapamukhang tanga nya sa’yo dahil hindi nya nga kayo iniwan, harap-harapan naman nya ipakita kung gaano kababaw ang halaga Mo at ng Anak nyo sa kanya.

Parang laruan lang ba na aasikasuhin lang kapag naisipan? Parausan lang ba bilang pantugon sa tawag ng laman? Hindi ka nabubuhay para maging ganyan lang ang papel mo sa mundo. At ang masakit pa sa lahat, ang dali nyang magtext sa’yo na ayaw na nya kayo makitang mag-ina at maghiwalay na kayo ng ganun ganun lang. Tapos sabay kuha ng lahat ng gamit nya sa inyo at hindi na nagparamdam pa.

Maraming beses mo na nasubok. Sa mga maliliit na bagay ay hindi mo na maasahan, paano pa kaya sa mga seryosong pagdedesisyon at malalaking responsibilidad?

Sa mga naging sitwasyon at pagkakataon na binigay sa inyo ng panahon, masasabing hindi nga ganun kadali ang lahat pero hindi din naman ganun kahirap para manatili kang nakatayo at may iniingatang dignidad.

Para sa pinanghahawakan mong idelohiyang buo ang pamilya. Hindi yun nalilimit sa pagiging kumpleto ng magulang at mga anak. May asawa ka nga at may ama na matuturing ang anak nyo, masaya ka ba sa magiging pagsasama nyo? Di ba nga ilang beses mo na isinantabi ang kasiyahan mo para bigyang daan ang pagiging buo nyo? Pero ilang beses na rin nya sinayang ang pagkakataong ibinigay mo kahit na ibinaba mo na ang sarili mo para lang masabing buo kayo.

Sa ngayon ay napaka-aga pa para maintindihan ng anak mo ang sitwasyong pinagdadaanan nyo. Sa tuwing tinatanong ka ng bata tungkol sa tatay nya, hindi ko pa man nararanasan ang maging Ina ay sigurado naman ako na dumudurog yun ng puso mo. Sa sitwasyon na yan ay magpakatatag ka at ikaw ang dapat na magdala ng sitwasyon at hindi ka dapat padadala sa emosyon. Hindi mo na kailangan pang ibaba pa ulit ang sarili mo para lang sa takot mong walang kalalakihang ama yung bata.

Sa tingin ko at hindi rin matutuwa yung Anak mo kapag nalaman nya pagdating ng panahon kung ano ang hirap ang pasakit na dinanas mo alang-alang sa kanya para lang masabing meron syang Ama. Nakakatakot lang isipin na kung kamumulatan nya na ganun lang pala kababaw ang pagpapahalaga sa pamilya para masabing buo, baka yun na rin ang maging pamantayan nya kapag sya na ang papasok sa pag-aasawa. Siyempre sino ba namang magulang na gugustuhin din madanas ng anak nya yung hirap na pinagdaanan nya noon.

Kailangan mo na rin sigurong basagin ang katahimikan mo sa mga magulang mo. Sa kabila ng pag-iingat mo na hindi magbago ang magandang pagtingin nila sa Ama ng anak mo, ikaw na itong lumalabas na nagkukulang at dahilan ng lahat ng pagkakauwi nyo sa hiwalayan. Hindi naman siguro kalabisan kung ipapaliwanag mo ang sarili mo sa kanila para mas maintindihan ka nila at hindi ka maging masama sa paningin nila.

Para sa akin mas magiging masaya kayong Mag-ina na kayo lang dalawa kaysa sa sinasabi mong buo kasama ang tatay nya. Ang pagiging Ama kasi ay hindi lang dapat sa pangalan. Pundasyon nga ng tahanan ika nga kaya dapat ay responsable at alam pangalagaan, pahalagahan, protektahan at mahalin ang pamilyang kanyang pamumunuan. At ang alam ko sa pagiging asawa ay isang katuwang at hindi para palamuti o pandagdag miyembro lang.

Hindi dahil sa walang pundasyon ay hindi na matatawag na pamilya. At hindi rin yun dahilan para gumuho ka at masira. Paliwanagin mo ang pagiging ilaw mo para hindi kayo mawala ng anak mo sa tamang daan. Maraming nagmamahal at naniniwala sa’yo kaya hindi mo yan dapat sukuan.

Sa ngayon na kasing gulo ng BBL agreement ang pag-uutak mo, kailangan mo munang kumalma para makapag-isip ng maayos. Hindi mo kailangan madaliin ang pagdedesisyon dahil alam kong hindi ganun kadali sa’yo ang sitwasyon. Dalawang bagay lang naman ang pinagpipilian. Ang magka-ayos kayo ng Ama ng bata para sa pinapangarap mong buong pamilya at may kakalakihan siyang Tatay. O ang magpatuloy kayong dalawa ng anak mo ng walang kailangan pagtiisan at mga kakulangang kailangang iintindihin.

Sa huli, ikaw at ikaw pa rin ang may kalayaan at karapatang magpasya. Kahit na makailang ulit pa magtambling ang mga taong nagmamahal at nagmamalasakit, ikaw pa rin ang magdedesisyon sa huli. Pero sana huwag na huwag mong kakalimutang iprayoridad ang kasiyahan at seguridad ninyong mag-ina.

Alam naman natin na gagawin ng isang mabuting Ina ang lahat para sa kanyang Anak pero hindi ka dapat nabubuhay sa pagtitiis at pagpaparaya para lang sa iisang dahilan. Kailangan mo din magtira ng para sa sarili mo. Baka kasi kapag ubos ka na, hindi mo na maipagpapatuloy pa ang pagsasakripisyo para sa dahilang ayaw mong lumaki ang Anak mo ng walang Ama. Kapag nagkaganun, ang lahat ay mauuwi din sa wala.

Walang kahit na anong dahilan sa mundo ang pwedeng magdikta para itigil mo ang pagpapahalaga sa sarili dahil Babae ka.

~ ~ ~ ~ ~ ~ ~ ~ ~ ~ ♥ ♥ ♥ ♥ ~ ~ ~ ~ ~ ~ ~ ~ ~ ~

Ang inyong nabasa sa itaas ay inilahok sa Ispesyal na Patimpalak ng Saranggola Blog Awards na may temang Pagbibigay Payo sa Pag-ibig.

Sana po ay pasok sa pamantayan kasi pers taym ko gumawa ng ganito. Nakakadala pala ng emosyon. ^_^

 

Ang Kasal

Masayang araw! Ang hirap na talaga gumising ngayon ng maaga. Mas ramdam ko kasi ang lamig ng panahon ngayon kumpara sa mga nakaraang dekada at siglo. Ang bilis ko nga naligo kanina pero nakahulog nanaman ako ng sabon sa toilet bowl. Paalam kojic. Mabuti na lang at hinahati ko 🙂

At sana ay holiday din ngayon dito sa Bansa namin. Kasi naman ang idineklara lang ay sa Manila at Tacloban dahil sa pagbisita ng ating Mahal na Santo Papa. Bakasyong engrande nanaman sana sa haba ng weekend. Eniwey, makikiisa na lang ako sa pamamagitan ng pagdarasal. Alam ko naman na kahit na gaano pa kalayo ay magiging malapit din kapag ginamitan na ng panalangin.

O siya, alam ko naman hinihintay nyo yung kumpirmasyon kung sino ang ikakasal kagaya ng nabanggit sa pamagat. Hindi po ako yun ^_^.

Nitong mga nakaraan kasi ay mas napapadalas kong inoobserbahan yung mga pamilyang nakikita ko sa mall, sa byahe, sa parke, sa bituin, sa himpapawid at sa kung saan-saan pa. Ano naman napagtanto ko? Hmmm… wala pa rin talagang hihigit sa pagkakataon na makatulog ka sa hapon. Namimiss ko na kasi gawin yan. Ahaha!

(Many thanks Kuya Google sa imahe)

(Many thanks Kuya Google sa imahe)

Maliban sa mga kakilala, sa mga pamilyang napagkatuwaan kong usisain sa pamamagitan ng paningin, tama nga naman na walang pinipiling edad ang pag-aasawa. May mga Bagito at Angelito akong nasilayan. Mga nangyari ng biglaan at hindi pinagplanuhan, bunga ng kapusukan o kaya naman ay dahil sa libog lang ng katawan na nauwi sa responsibilidad na hindi inaasahan. Ang hirap ng ganun lalu na kapag hirap ka makakuha ng suporta at tulong mula sa inyong mga pamilya at sa mga taong nakapaligid sa inyo.

(Salamat ulit Kuya Google)

(Salamat ulit Kuya Google)

Malamang sa alamang ay mababahiran ka rin ng panghihinayang kapag nasa sobrang hustong edad ka na nakapag-asawa. Yun bang naranas mo na ang maghanap-buhay at magpundar. Nagbibigay ka na ng mga legal na payo sa mga nakababata sa’yo. Naranas mo na ang mag-alaga at magpalaki ng mga anak ng kapatid mo, pinsan at kung sinu-sino pang nakababatang kapag-anak. Yun bang alam na alam mo na ang tunay na kahulugay ng buhay at pagpapahalaga at ramdam mo na ang epekto ng pagtaas ng bilihin at pagbabago sa ekonomiya. Tapos ayan na at ikakasal ka pa lang at magkakapamilya sa unang pagkakataon.

Kapag nag-aaral na ang anak mo sa elementarya at may PTA meeting, baka mapagkamalan kang Lolo o Lola nung bata. Baka daanin mo na lang sa ngiti kapag may kakilala kang nakasalubong sa mall tapos sabay magsasabi na “Apo mo?”. Pero ako, kukulutin ko yung lalamunan nung nagtanong.  At ang isa pa na masakit na bahagi, kapag binawi na tayo ni Papa Lord ay mga bata pa natin silang maiiwan. Hindi na masisilayan kung paano sila magsisilaki. Kung magiging mabuting indibidwal din ba sila katulad ng pinapangarap natin. Kung magiging kamukha ba natin yung magiging anak nila. At higit sa lahat ay wala na tayo para pag-alayan ay ipagmalaki nila yung mga magagandang narating nila sa buhay.

Ano nga ba ang tamang edad ng pag-aasawa? Sabi ng iba ay bente-singko o bente-siyete sa babae at trenta naman sa lalake. Meron naman nagsasabi na edad trenta sa babae at edad trenta’y-singko naman sa lalake. Sabi naman ng luko-luko kong katrabaho ay kapag dinatnan na daw ang babae ay pwede na. At kapag marunong na daw magpaligaya ng sarili ang lalake ay pwede na rin daw yun. Inuntog ko nga yung ulo nya sa pader. Ayun at natauhan ng nakita nya yung dugo nya na nagmarka sa pinag-untugan sa kanya.

Naisip ko lang na paano na kaya kapag ako na ang papasok sa mundo ng pag-aasawa? Magiging maayos kaya kagaya sa nakagisnan kong pamilya? Magtatagal ba? Masakit ba? At higit sa lahat ay sya ba yung tamang tao pa sa akin? Ang daming tanong na sana at kaya na lang sagutin ni Kuya Google pero hindi nga kasi ganun kadali ang reyalidad.

Para sa akin ay hindi basehan ang edad bagkus ay ang kalawakan ng pang-unawa at kaisipan at kahandaan ng emosyon ang kailangan para sa kakaharaping responsibilidad. Hindi na isip-bata ika nga. Para hindi maging padalus-dalos sa pagdedesisyon. Mag-asal bata man ay sa paraan ng paglalambing at pagkukulitan lang. Hindi naman na siguro masaya kung puro seryoso na sa lahat ng bagay. Ako pa naman itong sutil. Ahihi!

Mag-aasawa ako kung ako ay nasa edad bente-uno hanggang bente-tres. Masyado pa bang maaga? Sabihing handa na ako sa lahat ng aspeto, Oo yun ang gusto ko kasi sa panahon ngayon ay maiksi na lang ang buhay ng tao. Gusto ko kapag lumalaki na ang mga anak ko ay parang magbabarkada lang kami. Masubaybayan ko sila sa kanilang pagdadalaga at pagbibinata at kapag magkapamilya na rin sila ay makikita ko pa ang mga apo ko sa kanila.

Pero sa kabilang ibayo, nasa anong edad na nga ba ako ngayon? Magboyfriend na muna kasi bago yang pag-aasawa. (Buntong-hininga..)

Teka, gusto ko ng siomai. Kakain na lang muna ako ^_^

Ang Tipikal na Umaga

Many thanks kuya Google sa imahe :)

(Many thanks kuya Google sa larawan…)

“Habang masayang naaarawan ang mga puno at halaman sa pagbubukang-liwayway, heto ako ang balisang lumalanghap ng polusyon na galing sa mga sasakyan”

~4 hours ago, sa loob ng jeep

Kasisimula pa lang ng magandang araw ni Papa Lord e siksikan na ang mga sasakyan sa kalsada. Marahil ay dala ng mga pinagkakaabalahan ngayong Kapaskuhan. O malala lang talaga ang problema ng Pilipinas sa traffic.

Ang dami-dami nilang remedyo na kung anu-anong batas at polisiya para maibsan ang traffic e hindi naman nasusulosyunan ang ugat ng problema. Ang maraming sasakyan na nasa kalsada. Sa dami e nagmimistulang isang malaking parking lot ang mga national road at highway. Ibig ba sabihin nyan e yumayaman na ang mga Pilipino at afford na ang pagbili-bili ng sasakyan?

Kung ako lang ang masusunod, mahigpit ko ipapatupad yung kapag nasa 10 years na ang sasakyan ay hindi na pwede sa kalsada. Pero sa Pinoy kasi basta gumagana at umaandar pa, pwede pa yan.

Ipagbabawal ko rin ang pagpasok ng surplus na sasakyan at mga piyesa nito. Marami nga lang matatamaan na negosyo at maraming aangal na kumakabig sa Custom. Yung mga chop-chop na lang ang pwede mula sa mga carnap. Ahihi, joke lang.

Hindi na rin papayagan ang pagbebenta ng secondhand na sasakyan ng hindi natatransfer pati yung pangalan. At isang beses lang maaaring gawin ang pagbebenta. Wala ng 3rd, 4th, 5th ownership.

Lilimitahan ang prangkisa ng mga pampasaherong sasakyan ng naaayon sa pangangailangan ng lugar. Hindi rin papayagan makabyahe yung mga “Registered, No Plate Available” ha.

Ang resulta, bawas ang sasakyan sa kalsada at siguradong mababawasan ang traffic. At sigurado din akong matutuwa si Inang Kalikasan dahil bawas ang polusyon sa hangin na nagmumula sa mga usok ng sasakyan.

Hindi na ako magmumukhang holdaper sa katatakip ng mukha para hindi makalanghap ng sariwang carbon dioxide at carbon monoxide. Ganun lang kasimple yung naisip kong sistema pero hindi madali. Dati, lagi ko sinasabi na balang-araw magkakasasakyan din ako. Pero kung makakadagdag naman ito sa magiging pasakit sa mundo, magdadalawang-isip na muna ako.

Masayang araw sa inyo!

Marunong ka ba?

Hindi kailanman naging basehan ang estado sa buhay, taas ng pinag-aralan, ganda ng karera sa napiling larangan at kahit na ang impluwensya ng love story ng paborito mong tele-nobela para sukatin ang kakayahan at karapatan mong magmahal. Totoo kasing mas higit na mahalaga ang karakter ng tao kumpara sa mga pisikal at panlabas na katangian.

Tandaan mo na kahit na super model ka pa o kinoronahang nagwagi sa langangan ng pagandahan, pagdating sa pag-ibig ay sigurado akong meron at meron tayong lahat ng kanya-kanyang version ng kashungahan. Kaya sana ay huwag magmamarunong at huwag bigyan ang sarili ng karapatan na kapag may nagkamali ay agad na huhusgahan. Dahil ang lahat ng naging katangahan natin sa buhay ay isa sa pinakaimportante naging guro para ang sarili ay lalu pang mapabuti at malinang.

#bagonggisinglang^_^