Kawalan

Ang dungis, masalimuot, mapait.

Mga antigong pangarap na pilit makamit.

Naghihingalong pag-asa, naghihikahos at nakapiit.

Kahit na anong lapit ay hindi pa rin mapagdikit.

 

Walong-libong letra na hinayaang matapon.

Sa bawat bigkas ay pinipilit na malikom.

Kailanman ay hindi matututong tumahol ang ibon.

Kahit na magdugo ulit ang mga sugat na naghilom.

 

Bukas, sa makalawa, kahit na ang asul ay maging pula.

Mananatiling nakatapak ang sugatang mga paa.

Hindi tatangis sa emosyong lipas na.

Para sa paniniwalang wala naman pinagkaiba.

 

Niluma, nagsimula, pumunit.

Pagal na pang-unawa ay hindi na pipihit.

Kung sa wari mo na ako ay lalapit.

Hindi ko kawalan kahit ilang libo pang ulit.

 

 

 

Advertisements