Pahabol Feb-ibig

Hindi pa tapos ang Feb-ibig kaya pwede pa humabol ang Valentine post. Haay naku! (sa tono ni Onyok), ako na naman ang huli. Kasi naman, sa tuwing magsisimula akong magsulat ay palaging naaantala ng mga bagay-bagay na nasa reyalidad. Kung makakapagsalita lang itong blog ko, siguradong magsasabi ito ng hinanakit at hinaing sa magulong bangayan ng mga pangpanguluhang kandidato ng Pinas. Puro pabida, puro pangako, puro batuhan ng putik at labasan ng baho. Anong bago? Meron! Kapag nahalal si… Ah, Feb-ibig paskil nga pala ito. Paumanhin, nadala lang.

Pero kahit hindi naman Feb-ibig ay hindi nawawala sa sirkulasyon yung mga emosyonal at pumapag-ibig na paskil. Madalas ngang sumbungan at hingahan ng sama ng loob ang blog. Tulad nung mga nananatiling single na parang nauupos na kandila na ang pananaw sa pagdating ng makakapareha. Yung mga nagtampisaw sa mga panandaliang saya na hindi naman pwedeng ipilit. Sa mga umasa sa makulay na hinaharap at inakalang patuloy lang silang magkahawak pero binitiwan na pala. Sa huli, kakaawaan na lang ang sarili at magpapakalunod sa pag-iyak dahil sa sakit na dinanas. Sabay paskil ng #GoodbyeKatangahan.

Kuya Google gaya dati, salamat sa imahe.

Kuya Google gaya dati, salamat sa imahe.

Oo nga noh, puro kasawian yung madalas na nababasa ko. Pero meron din naman mangilan-ngilan na masasayang kuwento ng pag-iibigan pero mas marami yung sumugat, yumurak, dumurog at nagpapisak-pisak sa pusong magmamahal. Hindi patas kasi lagi yung babae na lang ang umiiyak sa huli. Kaya sa lahat ng lalaking manloloko, mabugok sana mga itlog nyo. Har har har!

“Where do broken hearts go?”

Yan ang sabi sa isang kanta. Sa repair shop ba, service center ba? Sana nga merong ganun noh para pagkatapos kumpunihin or palitan yung piyesang nasira ay okay na ulit. Oo nga ano, saan nga ba nagpupunta? Pero sa tingin ko hindi naman yun umaalis. Kapag umalis kasi ang pusong sugatan, madededs na yung may-ari nun. Ahihi! Ang mais ko nanaman!

Natural lang na kapag nasaktan ay umaaray. At ciempre hahanap ka ng paraan para ito mapawi o maibsan. Nandiyan yung magsisimula kang ipunin yung mga pirasong nasira para buuin muli. At pagkatapos masisira lang ulit. Tapos iipunin ulit yung mga nasirang piraso at uulit pa. Bah, ang tibay! Magpabaril ka na sa Luneta para naman may saysay ang kamartiran mo.

Kailangan mo lang ng sapat na panahon para masabing okay ka na ulit. Pero sa totoo lang, yung ganyang sakit ay hindi naman talaga nawawala. Sa paglipas ng panahon ay natututunan mo lang patibayin ang sarili mo para hindi na maramdaman yung sakit.

Maaaring sabihin mo na matagal nang tapos na yun at nakalipas na. Kapag napag-uusapan ay kwento na lang na kapupulutan ng aral. Pero sa kasuluk-sulukan ng emosyon mo ay nandun pa rin yung nakaraan. Nababalot na nga lang ng determinasyon, dignidad at aral kaya kawangis na din ng literal na sugat na naghilom na.

Kaya nga tayo tumitibay di ba dahil sa dami ng mga karanasang hindi kagandahan ay mas nagiging determinado tayong magpursige para tumbasan o mas magandang sabihin ay para higitan yung mga negatibong pangyayari ng nakaraan. At tandaan na kahit na gaano pa kahirap yan, kahit na gaano pa kasakit yan, kahit na sa tingin mo ay wala ng natitirang solusyon o pagpipilian ang naging sitwasyon mo, at akala mo ay yan na ang katapusan ng lahat para sa’yo. Akala mo lang yun.

Maaaring unlimited ang katangahan pero huwag mo naman isabuhay. Maaaring hindi nga ganun kadali yung prosesong pagdaraanan ng kahit na anong kasawian. Pero sa tulong ng mga taong nakapaligid sa’yo at sa tulong na ibibigay mo sa sarili mo, sa paglipas ng panahon ay buong pitagan mong sasambitin habang nakangiti na “Ah yun ba? Masakit at mahirap pero kinaya ko.” ^_^

2 thoughts on “Pahabol Feb-ibig

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s