Ang Tugon Sa Huling Tula Na Isinulat Mo Para Sa Akin

Ramdam ko ang emosyon na iyong pinakawala
Hindi man mawari kung ilang pahina ang haba
Hindi mo man agad makabisado ang mga binitiwang talata
Sigurado akong hindi na babaha pa ng luha

Hindi mo na kailangan mangako baka maulit lang muli
Kahit na umagahin pa ang iyong pagbabakasakali
Maubos man ang mga salitang tutugma at tutunggali
Na nagmumula sa naguguluhang damdaming masidhi

Balikan natin ang umpisa na nagsimula sa mga tanong
Tila bukang-liwayway sa liwanag ang mga tagpong nagdugtong-dugtong
Kahit isigaw ng buong lakas ay nananatiling pabulong
Na hindi pwedeng palayain ang kapusukang nakakulong

Balikan natin nung sabihin mo sa akin na “Mahal Kita”
Hinalikan kita sa noo bilang tugon at sinabi ko “Mahalaga Ka”
Marahil ay napagtanto mo na kung bakit tila putol na eksena
Dahil kapag ipinilit pa natin sa huli ay pareho lang tayong luluha

Itigil mo na ang pagkukumpara mo ng sarili sa kung anu-anong bagay
Dahil ang halaga mo sa akin ay walang katumbas at kapantay
Hindi ka materyal lang na sa paglipas ay mawawalan din ng saysay
Dahil pinahalagahan kita katulad ng pagpapahalaga ko sa aking buhay

Ang gusto mo ay mahalin kita at hindi naman kita binigo
Pero may dignidad at pagitan kung hanggang saan ang kaya kong isuko
Hindi ipinagpipilitan ang pagmamahal kahit na idikta ng libong ulit sa puso
Dahil masakit magpatuloy kapag ang awa ay hindi na humihinto

Hindi na kailangan ng kasunduan para kapatawaran ay maigawad
Kahit na masakit at sa kalungkutan ay nakababad
Kailangan lang ng malawak na pang-unawa at bukas na palad
Hindi rin maglalaon ang lahat ay magiging payapa at banayad

Pinapatawad na kita sa hindi mo pagtahan pero hindi ako lumuha
Dahil ayaw kong mauwi ang pagmamahal sa pagbibigay ng awa
Pinapatawad na kita sa hindi mo pagtahimik pero hindi ako nagsalita
Dahil ayaw kong sabay nating nanamnamin ang pangungulila

Pinapatawad na kita sa hindi mo pag-alis pero hindi ako nanatili
Dahil ang hirap, hapdi at sakit ay mas lalu pang sisidhi
Pinapatawad na kita sa hindi mo paglimot pero hindi kita pinili
Dahil alam kong may mas higit pa sa akin na nakalaan sa’yong pag-ngiti

Pinapatawad na kita sa hindi mo pagbitiw pero hindi ako kumapit
Dahil ayokong umasa ka sa kapirasong emosyong ipinagpipilit
Pinapatawad na kita sa hindi mo paglayo pero hindi ako lumapit
Dahil mas mahirap ang mawalay kapag nasanay na akong sa’yo nakadikit

Pinapatawad na kita sa hindi mo pagsuko pero hindi ako sumugal
Dahil takot ako sa relasyong alam nating hindi magtatagal
Pinapatawad na kita sa hindi mo pagkamuhi sa akin pero hindi kita minahal
Hindi kita minahal sa paraang alam kong pareho lang tayong magpapagal

Hindi na kailangan ng kasunduan para matapos na ang lahat ng ito
Humihingi din ako ng kapatawaran kung sakaling nagkulang man ako
Hindi ko kailangang mambuladas para sa simpatiya ng kahit na sino
Dahil hindi binibiro ang magmahal lalu na kung wagas at totoo

Balikan natin ulit kung saan lahat nag-umpisa
Nung nginitian kita at tinanong kung saan ka nakatira
Nung hindi pa tayo naiilang sa pakikitungo sa isat-isa
Mas magiliw mas masaya hanggang ang ihip ng hangin ay unti-unting nag-iba

Balikan natin ulit kung saan lahat nag-umpisa
Sa mga panahong nakakakulitan at nakakaasaran pa kita
Salamat sa panahon, pagkakataon at pagmamahal na iyong ipinakita
Pero mas marapat na sa sarili mo ikaw ay nagtira

Hindi ang kabiguan sa pag-ibig ang magtatakda ng wakas
Dahil katulad ng pag-asa ay hinding-hindi mauubos ang bukas
Wala man ako sa tabi mo habang patuloy kang bumabagtas
Alam kong makakatagpo ka rin makakasama at sasabay sa iyong landas

♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥

Ang tulang nakapaskil sa itaas ay napagkatuwaan

lamang bilang tugon sa tulang ito. ^_^

♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥

9 thoughts on “Ang Tugon Sa Huling Tula Na Isinulat Mo Para Sa Akin

  1. Good morning Sis Ren.
    Yap too deep and too emotional. I got carried away after watching the video and after that, i started answering the poem. ^_^
    Namiss kita. Im fine and always in good health. It’s raining season na sa Pinas, kumusta ka na dyan? What makes you busy?

  2. WOW. Just WOW. I was not aware of this poem at all… I have read a number of JMS poems and never expected a reply from someone this good and with the same level of emotions… Does this poem have a live version too??? Cheers to you mate.🙂

  3. Many thanks PBong for appreciation. Hmmm… A live version? I’ll try to give it a shot after a hundred practice session. Have a blessed day ahead!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s