Ube Keso Flavored Ice Cream

Ang buhay ay punong-puno talaga ng pagbabago. Yung mga bagay na pinaniniwalaan mo ngayon, paglipas ng oras, araw, linggo o buwan ay iba na. May mga paniniwala ka na matibay mong pinanghahawakan ng matagal na panahon tapos pagdating ng araw ay kaya mo naman palang bitawan para maniwala at manindigan ng bago.

Sadya nga talagang may mga pagbabago para sa ikabubuti. Ito yung mga bagay na masusing pinag-isipan at tinimbang. At meron din naman mga pagbabagong para shunga lang nung dinisisyunan na dinaig pa ang gulo ng santambak na labahin ang kaisipan. Ang iba naman ay nabuyo lang ng iba o kaya naman ay sinamantala ng pagkakataon para sa pakinabang at intensiyon na pangsarili.

Huwag maguluhan ha. Ganyan lang naman kasi talaga ang batas kalikasan. Hindi naman mahirap intindihin. Lahat dapat ay balanse lang at nasa kanya-kanyang tamang kalagyan. May mga aral kasi ang buhay na kahit na sinasabi nating alam na natin pero ang totoo ay hindi naman natin lubusang naiintindihan. May mga pagkakataon talaga na kung minsan ay sa masakit at masaklap pa na pamamaraan natin mararanasan para matutunan. Tandaan na kahit na pareho kayo ng pagkakadapa, hindi kailanman magiging magkapareho ang sakit na inyong nararamdaman.

O baka naman kasi kailangan lang hanapin ang sarili para manumbalik sa dating katinuan. Pwede rin siguro na iuntog muna ng isang-libong ulit ang ulo sa pundasyon ng traffic light para naman makadaloy ng mabilis ang dugo at makapag-isip ng maayos. Kahit na isa o dalawang linggo ka pa lumanghap ng amoy ng pintura, sigurado ako na hindi yan dahilan para madiskaril sa pagtahak sa paahon at pababa na daan ng session road. Lahat naman kasi tayo ay may kanya-kanyang version ng katangahan. Yung iba pa nga e upgraded. Akalain mong below sea level ang kalidad. Pero kahit ganun pa man, basta huwag nga lang sosobrahan dahil hindi yan unlimited. May expiration din po.

Huwag din matakot magkamali ha dahil dyan mo matututunan yung importanteng aral na kailangan mo sa buhay. Basta huwag lang tumigil sa pagbangon at magpatuloy kapag nadapa. Panatilihing nakatapak ang mga paa sa lupa at huwag mabuhay sa ekspektasyon at pamantayan ng iba.

Alam natin lahat na madali ang magsabi ng “Sorry po!” (maliban na lang kung mapride ka), pero hindi naman ang sorry ang makakapagtama ng kamalian. Minsan nga kahit na mali na ay ipinipilit pa natin na paniwalaang tama dahil sa ating mga dahilan at pananaw. At kahit na nga nagsorry na e inuulit-ulit lang din naman. Paulit-ulit din yung sorry. Minsan parang tanga lang talaga kahit alam na kung ano ang tamang gawin.

Hindi lahat ng mga bagay na kaya mo ipaliwag ay masasabing tama. At hindi rin lahat ng bagay na hindi mo kayang ipaliwanag ay mali na. May mga bagay lang talaga na mas mainam na hayaan na lang dahil sa kalaunan at kusa din naman nanunumbalik sa kaayusan. Katulad nga di ba ng tubig sa sapa, kahit na ilang beses mo itong bulabugin at ginambala, kusa at kusa din itong huhupa at magiging payapa.

Ganun lang talaga. Sa huli ay nasa atin pa rin ang kapangyarihang pagpapasya. Tayo lang naman kasi ang may karapatang magmaniobra sa tatahakin natin byahe at sa mga gusto nating pangyarihin sa ating buhay. Hindi kasi ako naniniwala sa “walang choice” dahil tayo lang ang may karapatan na magdesisyon para sa ating sarili. Hindi siya, hindi sila, hindi yung kapitbahay mong mahilig manghingi ng dahon ng malunggay at higit sa lahat, hindi ang kung sino-sino lang. Huwag kalilimutan na lahat tayo ay may karapatang sumaya.

Habang patuloy na umiikot ang mundo at nagkakaroon ng araw at gabi, hindi natin maiiwasan na merong mga makakasabay at may mga bagong makikilala. Ang importante lang naman ay gawin nating makulay at makabuluhan ang pakikisalamuha. Maging maganda o hindi man ang kahantungan, wala tayong sisisihin at pagsisisihan dahil hindi natin kinaligtaan ang pagbibigay halaga sa mga simple at maliliit na detalye.

Kaya kahit na ano pa man ang maging batayan ng iyong mga paniniwala sa buhay. Kahit na ano pa man ang iyong mga pinanghahawakang dahilan para magpatuloy, kayang kaya kong sabihin na nakakapuyat ang pagkain ng ube keso flavored ice cream. Kahit na nakakapuyat, aaminin ko masaya ako kahit na sinipon ako dahil sa lamig ^_^ Pramis!

(♪♫ hawakan mo ang akin kamay… ♫ at tayong dalawa’y ♫ la la la… hmmmm… ♪♪)

Maligayang Pasko po sa inyong lahat! Paskong pasko e emosyonal. Ahihi!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s