Doon Po Sa Amin

Napapadalas nanaman ang pag-uulan dito sa bansa namin tuwing hapon at gabi. Napaka-alinsangan ng maghapon tapos bigla na lang mag-geget-together ang mga maiitim na clouds at didiligan ang sambayanan. Wish ko lang na sana ay may sapat na ulan din sa mga bukirin ng ating mga kababayang magsasaka na hindi naabot ng irigasyon. Siguradong apektado nanaman ang produksyon ng bigas na mararamdaman sa susunod na anihan.

Pero alam ko naman na hindi pa huli ang lahat. Kung magkakaisa lang tayong umawit hanggang magngit-ngit ang langit. E di instant ulan na para sa mga nangangailangan. Gawin natin yan ng sabay-sabay sa umaga bago at habang naliligo. Asahan ko ang suporta nyo ha.

Oo nga pala, alam nyo ba na ang pag-uulan ay gustong gusto daw ng mga kakaibang elemento na kasama nating naninirahan dito sa mundo. Ang weird naman at pareho pa sa aking nakahiligan – Ang tag-ulan. Hindi kaya isa ako sa kanila? Ahihi! Hindi naman siguro. Ahaha! Pero ayon sa mga paliwanag ng mga eksperto sa naturang larangan, Ang ulan (yung hindi malakas at hindi naman ambon lang) ay isang maaliwalas na panahon para sa mga elementong hindi nakikita. Sa ganitong pagkakataon daw ay isa ito sa napakagandang pagkakataon para mamasayal para sa kanila. Lalu na yung mga elementong nasa mga kakahuyan o kagubatan na malalapit sa mga anyong tubig. Mala-musika kasi para sa kanila ang lagaslas ng tubig sa malumanay na paraan.

At dahil nabanggit na rin ang mga kakaibang elemento na yan. Nais ko lang maibahagi yung mga kwentong kababalaghan mula sa aking probinsiyang kinalakihan. Sisimulan ko ito sa isang baul ng kayamanan na laging napapanaginipan ni Papu Enteng, ang lolo ko sa Ama (Papu – ang ang tawag namin para i-address ang mga matatanda mapalalaki man o babae.) Sa panaginip na iyon ay madalas siyang may kausap na isang malaking lalaki na naka-itim na hindi nakikita ang mukha at lagi sya kumbinsihin na tanggapin ang kayamanan. Sa paulit-ulit na panaginip ay idinetalye na rin kung nasaan ito nakabaon at kung ano mga gagawin para ito makuha pero hindi ito kailanman tinanggap ng Lolo ko dahil isa sa hinihinging kapalit ay buhay.

Ang isang malaking bakuran na aming tinitirhan kung saan hinati-hati sa mga anak ng Lolo ko ay naliligiran ng malalaking puno. Ilan dyan ay ang paborito naming magpipinsan na puno ng kaymito, duhat, santol, sampalok, balimbing at mabolo. Isama mo pa ang nagkalat na puno ng kinalabaw na mangga, indian mango at yung mangga na mapula ang balat na bilugan ang hugis at yung mangga na patulis naman na amoy gamot lalu na kapag nahihinog. Kapag panahon ng kanilang pamumunga at walang araw na lilipas na hindi namin ito aaakyat. Ang malalaking puno na yan ay may kanya-kanyang bantay na hindi nakikita. Kapag kukuha kami ng mga bunga ay kailangan namin magpasintabi at magpaalam sa bantay na hindi nakikita. Sino ba naman ang may hindi alam sa “tabi-tabi po! makikiraan lang po!” lalu na kapag bago ka sa isang lugar. Parang ganun din lang. At madalas kapag hapon na ay hindi na kami pinapayagan na lumapit sa mga puno na yan dahil kukunin daw kami ng mga bantay.

Sa kanang bahagi ng aming bakuran ay dating madaming puno ng saging. Bagamat malapit sa kalsada, ang isang bahagi nito at puro puno ng kawayan na hindi naman masyadong kataasan. Madalas ay maagang nagigising ang Nanay ko para magluto sa madaling araw. Na kung saan, magmula sa aming bahay ay tanaw nya ang sagingan at dito nakikita ng aking Ina ang isang bola ng apoy na kasinlaki ng bola ng softball na palipat-lipat na mistulang naglalaro sa mga dahon ng saging na hindi naman nasusunog. Ang bolang apoy daw na ito ay isa din daw simbolo na may nakabaon na kayamanan sa paligid at ito ang nagbabantay. Kapag nahalina ka sa panunuod ng pagsasayaw ng bolang apoy sa mga dahon, kukunin ka nito at ikaw ang magiging kapalit na tagabantay na sya namang paglaya ng nauna.

Sa kabilang kalsada ng aming bakuran at may mga kabahayan din at may malalaking puno din sa paligid. Marami na rin ang nagkwento na may nakikita silang malalaking tao na nasa taas ng puno pero hindi maaninag ang mukha. Uso din kasi sa amin yung mga nag-iilaw sa kapag mababaw ang tubig sa dagat. Dala ang maniningas na coleman at gagayak sila pagdating ng hating-gabi. Duon ay malaya silang mamumulot ng mga isda, pugita at kung anu-ano pa na lamang-dagat na naabutan ng pagbabaw ng tubig. At sila ang madalas na nakakakita ng mga kakaibang pangyayari.

Nakasalamuha na rin daw nila yung kalabaw na tumatawid ng kalsada pero walang ulo. Pati yung pusang itim na parang aso ang laki. Na kapag nasinagan ng ilaw ng dumadaan na sasakyan at gagawi sa direksyon ng malalaking puno at bigla na lang maglalaho. Meron pang anim na tao na naka-itim at hindi maaninag ang mga mukha. Meron silang buhat na kabaong na nakapasan sa kanilang mga balikat. Madalas din daw yun tumatawid ng kalsada mula sa puno ng mga kawayan papunta sa malaking puno ng kaymito at santol. Kaya madalas ay hitik ang mga bunga ng santol at kaymito na yun dahil hindi napipitas dahil sa mga nasabing bantay.

Meron pa nga na nakaranas na makitang yumuyuko kusa yung mga puno ng kawayan para harangan ang daan. At pagkatapos ay muling tatayo ng matikas yung mga kawayan na parang walang nangyari. Kaya ang mga traysikel at jeep na nadadaan doon kapag alanganing oras na ng gabi ay bumubusina ng tuloy-tuloy bilang pasintabi.

Ilan lang ang mga iyan sa mga kwentong hindi maipaliwanag na nangyari sa amin. Actually, nakailang salin na ang mga istorya na ito at ilang tao na rin ang nagkwento na puro kamag-anak ko pa, pero hanggang ngayon ay wala pa rin matibay na pruweba para sa akin kung ang mga iyon ba ay may katotohanan o wala. Tanging ang mga nakasaksi at nakaranas na lang siguro ang mga magpapatotoo dahil kahit ako ay hati ang opinyon ko at paniniwala sa mga ganyan dahil hindi ko pa nasubukan.

Pero sa totoo lang, magmula ng simulan ko itong itipa ay maya-maya ako kinikilabutan. Sa hindi maipaliwanan na dahilan ay kanina pa nagsisitayuan ang mga balahibo ko sa braso at binti. Pero magkaganun pa man, ganyan lang talaga kapag probinsiya ang kinalakihan, mayaman ka sa mga karanasan na hanggang sa iyong pagtanda ay hinding-hindi mo makakalimutan.

4 thoughts on “Doon Po Sa Amin

  1. Are you talking about ghost stories? Right up my alley, but I wish you could translate that into English ! !

    Cheers, Diwang Tanglaw. I’m supposed to be following you, but I’m not getting your new post on my email folder.

    You don’t have a feature here where I can actually subscribe. I think you’re on My Reader, but I seldom go there.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s