Pag-iisang Dibdib

At dahil nga summer na sa puso at kaluluwa ko kahit na hindi pa idinedeclaire ng pagasa, sobra kong naeenjoy ang mga prutas sa panahong ganito. Kaya heto, tinitiis ko ang kati ng mga bungang-araw ko sa likod na sabi nila e naging aktibo dahil sa hindi ako maawat sa pagkain ng manggang hinog. Parang droga lang kasi na nakakaadik. Ahihi!

Maliban sa manggang hinog na kinaaadikan ko ngayon, sinimulan ko na rin ang makipag-isang dibdib sa kalikasan pagpasok pa lang ng Marso. Ang destinasyon, Nagsasa Cove sa Zambales. Ito na ang pangatlong pagbalik ko sa Pundaquit. Yung dalawang nauna ay sa Anawangin. Pakiramdam ko sa muli kong pagbalik at parang isang dalagang nakikipagtagpo ng patago sa iniirog na katipan na nasa kategoryang “long distane relationship”. Kakaibang saya. Nandun yung kasabikan sa muli nyong pagkikita pagkatapos ng mahabang panahon.

At bago ka makarating ng San Antonio Zambales, kailangan mo ng maraming clover chips, nova, pretzel, chips ahoy at tropicana sa bag dahil sa layo ng byahe. Magmula sa mismong bayan ay nasa mahigit labinlimang minuto na byahe pa para marating ang Pundaquit. At mula sa dalampasigan ay kailangan mo ng lakas ng loob para sa humigit kumulang isang oras na byahe sa bangka bago marating ang Nagsasa. Hindi naman sa takot ako magbangka dahil marunong naman ako lumangoy. May mga kasama kasi ako na hindi sanay kaya kailangan mo sila pasahan ng lakas ng loob para hindi sila magpaiwan dahil hindi aalis yung bangka kung kulang ang sakay o kaya naman ay babayaran yung kulang na sakay ng tumataginting na 400 bawat isang tao.

3

4

2

1

Ciempre kagaya ng lahat ay takot sa una pero nang unti-unti na namin nasisilayan ang ganda ng kalikasan, naibsan na rin ang mga pangamba nila at tuluyan nang napalitan ng pagkamangha at saya. Nang makarating kami ng Nagsasa ay mistulang mga paslit kami na napawalan sa malawak na palaruan. Ang sarap sa pakiramdam ang malaya. Walang mga reports na iniisip, walang deadline, walang pressure, walang oras na hinihintay, walang polusyon, walang maingay na tunog ng mga sasakyan at higit sa lahat walang mga boss at mga katrabahong maeepal.

13

At alam mo ba ang isa sa pinakadabest sa lugar na ito? Walang signal ang kahit na anong network.

Sinimulan namin ang araw sa Nagsasa sa pagtatayo ng mga tent at paghahanda ng pagkain. At pagkatapos magsipag-ayos ng mga gamit at kumain, maaawat mo pa ba ang isang tulad ko na adik din sa paliligo sa dagat? Wala nang ahunan to. Ahaha! Kulubot na kung kulubot ang mga balat sa kamay at paa. Pero kahit na ganun e hindi ko naman natiis ang gutom ko at napaahon din ako (at bumalik din ulit).

Kinagabihan ay nagsunog kami ng kubo at tent ay kahoy pala na pinagpupulot namin sa paligid para magsilbing liwanag habang nagkukwentuhan at nag-iinuman. Nakadagdag pa ng saya yung mga kantahan namin sa tugtog ng gitara. At ang most requested song, “Hinahanap-hanap Kita” by Daniel Padilla na orihinal ng Rivermaya. Di ko lang alam kung magkano sa ating mga suking tindahan yung Empi lights pero sabi ng mga kasama ko e ginto daw ang presyo sa halagang 120 pesos sa Nagsasa. Napilitan sila bumili dun kasi konti lang yung dala na SanMig at Tanduay Ice. Ayun, naubos naman lahat ng laman ng mga bote pero wala naman kami napailaw kahit isa kahit na may Lights pa sa label.

5

Madaling araw na nang matapos ang kasiyahan namin. Kahit naman papaano e nakatulog din ako ng konti. Kailangan ko kasi mag-ipon ng lakas para sa akyatan sa kabundukan at magdamagang pagbababad ulit sa tubig. Mas maganda kasi ang kabuuan ng dalampasigan ng Nagsasa sa Anawangin kaya mas magandang pagliguan. Hindi man maputi ang buhangin, hindi naman mabato at kahit na malayo ka na ay mababaw pa rin. At sino ba naman ang makakalimot sa ilog na nakadugtong sa karagatan. Hindi ko rin yun pinalampas para pagliguan. Ahihi! Ako na!

6

Eto lang talaga ang pumagod sa akin. Ang pumanhik sa bulubundukin ng Nagsasa. Natuyuan ang lalamunan ko sa akyatang ito kaya next time ay magdadala na ako ng tubig. Pero kapag nasa itaas ka na, tanggal naman ang pagod mo dahil kitang-kita ang kagandahan ng kabuuan ng paligid. Ang sarap sarap damhin ang dampi ng sariwa at malamig na hangin. Hmmmmmn…

12

9

10

11

Hindi ko na masyadong ikukwento yung sa pagkain namin ha kasi nawalan na rin kami ng disiplina parang sa larawan sa ibaba. Basta sagana ang dala namin pagkain at yung mga hindi namin nagalaw ay ipinamigay namin sa mga tao na nandun at sa mga bangkero.

7

8

Natapos ang halos dalawang araw na pakikipag-isang dibdib ko sa kalikasan na hindi alintana ang pagod (at gastos). Madalang ang ganitong mga pagkakataon kaya naman kapag nagkaroon ng tiyansa ay hinding-hindi dapat pinapalampas. Ang susunod na paglilihian ko ay kasoy at duhat naman. Matagal-tagal ko na rin hindi natikman ang mga prutas na yan. Alam kong meron na nyan ngayon dahil panahon na ng bakasyon.

15

(salamat kay mr. google para sa larawan)

At ang susunod na destinasyon, ang isla ng Putipot sa Candelaria Zambales.

1

(salamat kay mr. google para sa larawan)

15 thoughts on “Pag-iisang Dibdib

  1. Huli ko yan naranasan nung high school pa. Sa training ng ROTC officer. Nakakamiss talaga! Yun bang kahit yung ulam ng katabi o katapat mo e kukunin mo pa kapag ubos na yung sa’yo. Ahaha!

  2. Sure sis. Arrange na lang natin kung kelan ang muling pakikipag-isang-dibdid sa kalikasan.

    Happy morning sa’yo!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s