Lakbay Alalay

Dapat bang umabot pa sa ganito? Dapat ba na may buhay pa na maglaho?

Mula simula palang, nabuhay naman na ako sa madilim na bahagi ng daigdig. Hindi na rin siguro nakapagtataka kung ganito ang kahahantungan. Ni hindi ko nga alam kung sino ang tunay na Ama ko. Ni minsan hindi ko naranasan ang sinasabi nilang pagmamahal ng magulang.

Hindi ko na alam kung ilang taon ako nun pero nababakas ko pa sa ala-ala ko kung paano ako una akong makatikim ng palo mula sa Nanay ko. Lagi na lang mainit ang ulo nya sa lahat ng mga bagay na may kinalaman sa akin. Ipinaglihi nga daw kasi ako sa sama ng loob at kamalasan. Pabigat lang ako sa buhay at dagdag pa akong palalamunin. Hindi ko naman siguro kasalanan ang isilang sa mundo ng hindi inaasahan dahil sa kanyang kapusukan.

Nang lumaon, hindi mo na ako maririnig umiyak kapag pinapalo ako dahil kagat-labi kong pinipigil ang luha at sakit sa bawat latay na ilalapat sa kahit na anong bahagi ng aking katawan. Kung hindi man galos at sugat ay iika-ika na akong lalakad pagkatapos ng mga pangyayari. Sino ba naman kasi ang nagsabi na ang mga ganung pananakit ay parang kagat lang ng langgam. Kahit na maliit lang ang katawan ng isang apat na taon ay alam ko na ang ibig sabihin ng manhid para lang magmukhang matatag.

Pitong taon ako nang lumayas ako sa amin. Sa tingin ko kasi ay alam ko na ilarawan ang galit at hinagpis. Marunong na rin akong manisi sa mga pangyayaring pinanghihinayangan ko. Tila ba karamay ko na sa buhay ang sama ng loob na hinding-hindi ko matakasan. Hindi ko alam kung saan ako tutungo, hindi ko alam kung saan ako hihinto. Natutunan ko na rin ang umiyak ng walang luha. Ganun nga talaga yata kapag galit ka sa mundong ginagalawan mo.

Namuhay na ako sa lansangan na kasama ang mga palaboy. Madalas mataas na si Haring Araw kapag bumabangon ako sa umaga. Manlilimos sa mga mababango at bagong ligo na nagsisidaang papasok sa eskwela at opisina. Pansit, lugaw, sopas at tinapay lang naman ang pwedeng kapalit ng konting barya. Sabay lagok ng maraming tubig sa mga karinderia, handa na ako para sa isang araw na bubunuin ko sa kalsada.

At kapag nalamnan na ang kumakalam na sikmura, pangangalakal naman ang aatupagin para sa pinag-isang tanghalian at hapunan. Lansangan na rin ang itinuturing ko na isang malawak na palaruan sa tuwing mananaig sa akin ang kamusmusan. Na paminsan-minsan kahit na papaano ay nagagawa ko pa rin na makipaglaro at maglibang. Nakikipagtaguan, nakikipaghabulan, nakikipagharutan. At ang paborito ko, ang maglaro ng chinese garter, saksak-puso at langit-lupa.

Madalas ay palubog na ang araw kapag naibebenta ko ang mga plastic na napulot. Tuwing gabi ko nararanasan ang kumain ng may kanin. Masarap na ang tanghap (tanghalian at hapunan) lalu na kapag nakahingi ng libreng sabaw sa karinderyang binilhan ng ulam. Kasalo ang iba pang mga batang katulad ko na pinipilit ang mabuhay sa hindi patas na mundo. Ganun lang kasimple ang paglipas sa akin ng maghapon, hindi ko na iniisip ang bukas dahil wala naman na talaga akong bukas na maaasahan. Mas mainan na rin siguro ang mabuhay paisa-isang araw lang. Walang masyadong inaalala dahil nga bahala na ang bukas.

Nasubukan ko rin ang magnakaw para may makain. Ginawa ko yun sa isang panaderya sa palengke pero nakita ako ng may-ari. Sinubukan ko takasan pero inabot nila ako at nahuli. Pero bago pa lang ako madala sa barangay, ibat-ibang pananakit na ang inabot ko. May isa pa ngang nagsabi na ihulog na lang daw ako sa creek para hindi na umulit. Nakulong ako ng ilang araw pagkatapos ay pinalaya na din. Dagdag lang din daw ako ulit na gagastusan at aasikasuhin nila sa presinto. Matapos pagsabihan ng kung anu-ano at nangako ako na hindi na uulit, pinaalis na rin ako kaagad. Mabuti na nga lang at hindi ako ibinigay sa Dswd.

Nakailang ulit di ako nagpalipat-lipat ng lansangan. Marami na rin nakasalamuha at marami na rin nakadaupa. Lahat pansamantala. Wala rin naman kasi nagmamalasakit sa amin kundi kami-kami rin lang. Ni minsan nga ay hindi ko naisip kung ano na ang magiging buhay ko pagkatapos ng dalawa, tatlo, lima o sa susunod pang sampung taon. E ano ngayon kung lakas ng loob lang ang meron ako? Hindi ko naman kasi alam kung saan ako dadalhin nito pero ang sigurado ako ay ito ang dahilan kung bakit ako nagpapatuloy.

Lumipas pa ang ilang taon at natutunan ko ang tinatawag na malasakit. Nasa edad kinse na yata ako nun. Ang kaibahan lang ay lansangan ang naging hulmahan ko. Medyo hindi madali ang naging proseso dahil sa matigas at poot ang pundasyon ng damdamin ko. Pero nang lumaon, natutunan ko rin. Dito na ako nagsimula magpahalaga para sa ibang tao. Dito ko rin nasubukan ang pahalagahan. Parang palitan ba ng regalo. Na kapag nagbigay ka, meron din magbibigay sa’yo.

Pero sa kabila ng mga bagay na natutunan, gustong-gusto ko pa rin sisihin ang nasa itaas. Marami akong tanong na gusto kong mabigyan nya ng sagot. Kaya ba ako ganito dahil sa natutunan ko na kung gaano kasarap ang mabuhay? Kaya ba ako ganito dahil marunong na ako magmahal? Kaya ba ako ganito dahil alam ko na panghinayangan ang mga panahong lumipas? At pagkatapos ng lahat na namulat ako kung gaano kasarap ang mabuhay sa mundo, na nasa simula pa lang ako sa masayang paglalakbay ay bigla na lang babawiin ang lahat.

Isang maulang gabi pagkatapos maghapunan, pauwi na ako kasama ang iba pang mga batang lansangan patungo sa isang waiting shed na aming sisilungan. May isang kumpulan ng tao sa kalsada ang aming nadaanan at inusisa. Isa palang gulo at nandun ang itinuring kong Kuya at nakikipagsuntukan. Pinagtutulungan sya ng dalawang barangay tanod at isa pang di kilalang kalbong lalaki.

Si Kuya na ang nagsilbing magulang para sa akin at sa mga ilan ko pang kasama na mga batang lansangan. Si Kuya ang nagturo sa akin ng lahat ng mayroon ako ngayon. Si Kuya ang nagturo sa akin magpahalaga at magmahal. At kahit na nasa walong taon ang tanda nya sa akin, hindi ko naiwasan ang bigyan sya ng espesyal na pakikitungo dahil sa mga kabutihan na ginagawa sa amin. Hindi siya kaylanman nagsamantala sa kahinaan ng iba. Kahit na laking lansangan din sya, hindi nya kami pinabayaan kahit minsan magmula ng kami ay magkakilakilala.

Napagbintangan ang Kuya ko na kasama sa isang nakawan sa kalapit na pawnshop. Ang kalbong lalaki na kasamang bumubugbog sa Kuya ko ay isa din suspek at itinuro ang Kuya ko para makaligtas sa pagkakakulong. At dahil nga sa walang ginagawang masama ang Kuya ko ay nanlaban sya ng pilit sya isama ng mga tanod sa barangay. At dun na nagsimula ang gulo sa pagitan nilang apat.

At kahit puno na ng tensyon ang gulo, hindi ko naiwasan ang makialam dahil pinagtutulungan na ang taong isa sa mga pinahahalagahan ko. Nasa akma nang sasaksakin ang Kuya ko nung kalbong lalaki mula sa likuran, siya namang takbo ko at biglang yakap sa kuya ko para sya maprotektahan. Kasabay ng pagyakap ko ay isang putok ng baril mula sa pulis na kararating lang.

Pinaputukan ang lalaking may hawak na patalim. Ang bala na tumama sa balikat ng lalaki ay sya namang tumagos at tumama sa kanang bahagi ng leeg ko malapit sa ilalim ng tenga. Sapat na para masalag ang bala para hindi tamaan ang Kuya ko. Kasunod nun ay bigla ko na lang naramdaman na unti-unti nang lumalamig ang paligid. Habang buong higpit ang pagkakakapit ko sa Kuya ko ay sya naman lakas ng mga sigaw nya para sa akin. Ramdam ko pa ang mainit na dugo na dumadaloy mula sa aking leeg habang sinasabi ko ng paiyak na ayoko pang mamatay. Ilang beses ko na inulit ang mga salitang ‘yon hanggang sa humugot ako ng isang malalim na paghinga na sya na palang huling paggagamitan ko ng aking natitirang lakas.

Dapat bang umabot pa sa ganito? Dapat ba na may buhay pa na maglaho?

Yan ang mga tanong na nasambit ko sa pagwawakas ng byaheng tinahak ko. Hindi man naging maganda ang kinahantungan, sasabihin ko pa rin ng nakangiti na sa huling bahagi ng paglalakbay ko ay nakakita rin ako ng liwanag at nakaranas kahit papaano kung gaano kasarap ang magmahal at mabuhay sa mundo.

~ ~ ~ ~ ~ ~ ~ ~ ~ ~ ~ ~ ~ ~ ~ ~ ~ ~ ~ ~ ~ ~ ~ ~ ~ ~ ~ ~ ~ ~ ~ ~ ~ ~ ~ ~ ~ ~ ~ ~ ~

Ang inyong nabasa sa itaas ay ilalahok ko sana sa SBA 2012 na may temang “Lakbay” subalit ay hindi ko natapos sa takdang panahon. Masyado kasi akong abala sa pagpapahaba ng buhok kaya para sa ikapapanatag ng aking kalooban ay minabuti ko na rin ipaskil ang orihinal na naisulat ko ng walang edit edit.

Isang maaliwalas na umaga at salamat sa pagbabasa!

4 thoughts on “Lakbay Alalay

  1. mahusay na paglalahad!

    but really a great piece! tragic ending but with a positive note,🙂

    nb: at akala ko ay ako lang nag busy magpahaba ng buhok hehe,

    Advance Merry Christmas po!🙂

  2. Salamat Sis. Oo, pinagkakaabalahan na talaga ngayon ang pagpapahaba ng buhok ^_^

    Advance Merry christmas din!

  3. Isang napakagandang istorya….

    Clap, Clap, Clap….

    Miss you sis!@

    Ate Lea, pansin ko lang, lahat yata ng tao nagong abala ng mga nakaraang bwan…

    At panisn ko din, isa na ako sa mga taong naging abala sa pag papahaba ng buhok… hehehe….

    Kumusta na po kau?

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s