Ika-labingwalong Umaga

Sinimulan ang umaga ng kakaibang pakiramdam. Wari’y iginapos ng tanikalang tinik sa pagkakalapat sa higaan. Ang hirap bumangon. Puno ng maitim na ulap ang kabuuan ng silid. Ngunit ilang sandali pa ang lumipas at nailayo na rin ang sarili sa pagkakalunod sa damdaming nababagabag. Pinilit manumbalik sa sarili. Lumakad palayo kaakibat ang baluktot na pananaw na nakagapos sa kaliwang binti. Tangan-tangan ang anim-na-raang kasalanan na nagsisilbing bolang bakal na pabigat. Nakakabagabag.

Pero sa kabila ng pananambitang balat-kayo, Ang lahat ay ikinubli sa mga matamis na ngiting walang laman. Pilit isinasabuhay ang pagkakaroon ng damdaming matingkad pa sa pagsikat ng bukang-liwayway. Araw-araw na ngiti sa kawalan. Araw-araw na pagkukunwari. Mga dahilang walang saysay na pilit pinanghahawakan. Paubos na ang damdaming isinangkalan sa bawat masasasayang sandali. Nauubusan na ng mapaghuhugutan ng dahilan para magpatuloy sa pikit-matang paglakad sa daanang hindi mo alam ang patutunguhan.

Pagkatapos pa ng ilang umaga, kinakaawaan na ang sarili. Dahil ang buong pagkatao ay tila usok na pumapaitaas hanggang sa maubos. Walang kinahinatnan, walang pakinabang. Masakit mang tanggapin pero yun ang tubig na malamig na ibinuhos para matauhan. Wari’y isang kasangkapan na kapag nasira ay napakadaling palitan. Nakakaawa, nakakababa ng moral.

Ilang umaga pa ang lumamon ng paulit-ulit sa buong pagkatao. Katulad ng unos na tila hindi na hihinto. Patuloy sa hagupit at patuloy sa pagbayo. Hindi ka lulubayan hanggang hindi ka nagugumo. Pero nang lumaon ay ipinaunawa ng sakit na nararamdaman ang mapagpanggap na dahilan. Hindi man maintindihan lahat ng lubos, pero kusang tinatanggap ng mortal na pagkatao ang lahat ng dapat maunawaan. Marahil ito na yung paraan ng pagpapalaya sa pagkakabilanggo sa awa. Hindi maisasantabi ang mga masasayang nakaraan pero pwedeng-pwede mo itapon ang mga dahilan pinanghawakan noon. Hindi pala yun dapat panghinayangan. Dahil ikaw at ikaw lang ang nagbibigay ng importansya sa mga bagay na wala naman talagang halaga.

Sadyang ganun siguro talaga. Lahat ng bagay ay may katapusan. Ang pagmamalasakit at pagpapahalaga ay natutuyo. Ang pag-ibig na wagas ay kumukupas. Kahit na ang pinakaimportanteng tao para sa’yo nagiging ordinaryo din. Ganyan magpanggap ang awa para maging kawangis ng pag-ibig. Hindi mo kailangan ng dahilan para patunayan ang sarili sa entabladong iilan lang ang ilaw para mapansin. Tulad ng mga mainit na luhang gumuhit sa pisngi ng hindi namamalayan. Kapag pumatak na sila sa kung saan, yun na ang kanilang hangganan. At kasabay ng mga luhang pumatak ang pagpanaw ng nakaraan para bigyang pagkakataon na mabuhay ang bagong pag-asa na ikinubli sa puwang na dulot ng kapalaluan. Panibagong yugto, panibagong daan.

Nang sumapit ang ika-labingwalong umaga, dun ko nasimulan ang una kong paghakbang.

20 thoughts on “Ika-labingwalong Umaga

  1. Buhos ba ang emosyon? Tsk! Simula pa lang ng taon masyado nang madamdamin. Pero di kailangan mangamba dahil nasimulan na ang paghakbang nung ikalabingwalong umaga.

    Magandang araw! ^_^

  2. ang lalim.. pero mababaw din
    hindi maunawaan.. ngunit sa isip ay natatanim..

    isang salita lang.. ang ‘galing’

    isang mapagpalayang araw..

  3. Nagpupumilit lang maging malamim pero ang babaw din naman. Ahihi!

    Salamat Cocoy sa pagdaan!

    Naalala ko ang isang malayong kaibigan sa paraan ng iyong pagbati. Mapagpalayang araw din sa’yo!

  4. Madalang ang ganyang buhos ng emosyon kaya nung nagkaroon ako ng pagkakataon, ipinaskil ko na.

    Musta na Anini? Happy 2012!

  5. Ate, I had to use Google translate, starting from the title. ~.~

    Ang hirap ! Google translate is useless with deep Tagalog ! I was reading your post last night, trying to translate it, then fell asleep… when I woke up at 5 AM, I was still on your site, ha ha ha.

    Cheers !

  6. Sigh, huwag mo na uulitin yan ha, nag-aaksaya ka ng oras at kuryente. Ahaha! Many thanks Renx for sparing some time on my site. Kahit na nahihirapan ka magbasa, hindi mo pa rin tinitigilan.

    Thank you so much and have a blessed day ahead! Hmmmuah!

  7. hello, diwang-tanglaw, salamat sa pagdaan sa bandang amin.🙂

    ” Dahil ikaw at ikaw lang ang nagbibigay ng importansya sa mga bagay na wala naman talagang halaga.” – It’s over ba ire sa Ingles? Ahaha.

    “Ganyan magpanggap ang awa para maging kawangis ng pag-ibig.” – Ang saklap ng ganito, susmaryosep, lalo na pag ikaw ang nasa receiving end, kainaman na.^^

    Ipagpaumanhin, ako’y mangangahas ng munting palagay – Ang kasunod ng pagtanggap ay ang pagpapalaya ng damdamin, sarili at maging sa pinag-uukulan. Yes, hope, as you said, is just around the corner, waiting for the last fallen drop to dry.🙂

    Magandang gabi sa iyo…

  8. Wala anuman SSA. Maraming salamat sa iyong mumunting palapalagay. At sang-ayon ako dyan, hindi magagawa ang paglaya ng walang pagtanggap. Kaya kahit na ano pa ang himig ng mapakinggan, basta nakakagaan, hindi ako mag-aatubiling sasabay…

    sa saliw ng awit.

    Magandang umaga sa’yo!

  9. hello, uli, diwangtanglaw,

    salamat sa pagsinsay sa amin. at sa pagsabay, ahaha. ^^

    unfortunately, ang daming kailangang pagdaanan bago dumating ang pagtanggap na iyan, kainaman. maigi kamo sa iyo, nakuha sa 18 days, ahaha. mabilis ‘yon.🙂

    ang mga sulatin mo ay parang pang-panitikan. ^^

  10. cnabi ko n nga ba .. ikaw ang nawawalang apo sa talampakan ni Francisco Balagtas.. nakakantig ang iyong mga tinuran sa iyong talaarawan.. nababanaag ko ang kalungkutan at hinagpis sa katapusan ng isang pagibig na hindi nagtagal..

    ngunit sa iyong paghakbang sa bagong umga ay isang mgandang simula para sa isang mgandang bukas na sa iyo’y naghihintay..

    galing mo.. diwatanglaw.. bibihira na lang ang nagbloblog ng ganitong kalalim na tagalog ngunit madaling intindihin..

    Mapagpalayang araw sa iyo!

  11. Kasiyahan sa akin ang malaman na naabot ko ang damdamin mo sa pamamagitan nito. Ahaha! Sana nga kahit apo sa kalingkingan ay madawit ako.

    Salamat Repah sa pagdaan. Ingat lagi!

  12. Hi PP,
    Okay na okay ako lalu na at umagang-umaga pa lang ay nalasahan ko na yung mahigit isang linggong ipinagwawala ng lalamunan ko.

    Caramel cake! Ay sarap!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s