Day-off

Sasapit nanaman ang weekend, nandyan na ulit ang araw na solong-solo ko. Siyempre isa ito sa paboritong part ng pagkakaroon ko ng trabaho – ang makapagday-off. Sa araw na yan ko nagagawa lahat ng mga bagay na gusto ko sa buhay. Dyan ko ulit nararanasan ang matulog sa hapon. Nung bata ako tinatakasan ko pa ang nanay ko kapag pinapatulog ako sa hapon pero kapag ganito na pala, masasabi mong sana bumalik ako sa pagkabata na napakarami kong oras para matulog sa lahat ng pagkakataon.

Nagkakaroon din ako ng panahon para sa aking mga mumunting halaman. Ewan ko ba? Ibang saya kasi ang pakiramdam kapag naaasikaso ko sila. Sa totoo lang tanggal ang stress ko sa work kapag nagdidilig ako ng halaman sa gabi. Ibang saya din ang binibigay kapag nakikita mong sagana silang sumisibol, namumulaklak at dumadami.

Kapag day-off ko rin nakakasabay maligo si Chuchay! Pagkatapos maglaba, maglalaro na kami ng tubig hanggang sa matapos kami maligo. Medyo malungkot lang kasi hanggang ngayon e wala pang karanasan si Chuchay. E ayaw ko naman na mga askal lang ang makadale sa kanya kaya siguro naging ganun, pihikan na din. Hayaan mo Chuchay kapag nagkabudget, hahanapan kita nung may breed.

Sa day-off ko rin nagagawang guluhin ang ayos ng kwarto ko. Napapakialaman ko rin guluhin ang sala at kusina. Kung pwede nga rin pagpalitpalitin yung mga pwesto ng kwarto e malamang naabutan ko na rin na balasahin ang pagkakaayos nila. Pero paano kaya kung hindi naimbento ang day-off? May mga ganitong kaartehan pa kaya ako sa buhay? Tulad na lang ng propesyon ng pagiging ina? Walang day-off yun diba? Di pwedeng magresign di pwedeng magleave. Habangbuhay na career.

Ang isang mukha ng walang day-off ay ang mabuhay para maghanapbuhay. Yun bang hindi na sila tumitigil sa pagbabanat ng buto para lang sa mga pangangailangan at pinahahalagahan nila sa mundo. Didiskarte ng pagkakakitaan para sa kaunting halaga na ipantatawid gutom. At pagkatapos kumain, ang susunod na pagkakakitaan naman na ulit ang aasikasuhin para may ipambili ulit ng mga pagkaing sa tiyan panandaliang iimbakin.

Subukan mong maligaw sa agora ng mga alanganing oras sa gabi o kaya naman sa isang malamig na madaling-araw na kasalukuyang nananaginip pa ang lahat sa atin. Ang dami nila diba? Sa tabi na ng kanilang mga paninda natutulog. Buhat dito buhay doon, kapalit ng konting baryang iipunin sa buong magdamag at maghapon. Maglalabada sa araw at maglalako naman ng kung anu-ano kapag nagsimula na ang dapit-hapon. Mapabata, matanda, may boyfriend o wala o kahit na bading na walang dating, iisa lang ang lahat ng kanilang ginagawa. Isasakripisyo ang oras para sa sarili para lang sa sinturong pangkabuhayan na nakabigkis sa kanila.

Kung tayo nga na may mga day-off ay talagang nananabik sa mga panahong atin ang haba ng oras sa pagtulog sa umaga, sila pa kaya na umaga’t-gabi ay puro pagal ang nararanasan na ang ang tanging pahinga na lang na naghihintay ay ang matiwasay at mapayapang paghimlay.

6 thoughts on “Day-off

  1. Sila na ginagawang araw ang gabi..sila na maski sarili nilang pangangailangan eh nakakalimutan, maisalba lang ang pangkain ng kanilang pamilya. Magpapahinga lang siguro sila kapag alam nilang may sasalba ng mga gastusin nila sa buhay, pero hangga’t walang kusang loob na magrelyibo sa trabaho nila, eh di na talaga sila makakapag day-off.

    May alaga ka din pala. Anu ang breed ni Chuchay?
    Sayang, babae din kasi yung sa ‘kin.🙂

  2. Nakakalungkot talagang isipin na sa reyalidad na ating ginagalawan, ang layo na ng agwat ng mga maralita at mayayaman.

    Ah si Chuchay ba? Askal ang ina at hindi purong Labrador ang ama. Nasa dalawang taon na nga siya pero wala parin karanasan. Tsk tsk tsk!

  3. tama ka diwangtanglaw….

    ang mga ina walang day off…. minsan hindi mo alam kung panu ba sila pasayahin, lalo na kung sa tulad natin na walang ama, sila ang tumaying ina at ama… Ako nag abroad ako para wag na mag trabaho ang mama ko, pambawi sa lahat ng nagawa nya. Pero minsan nakakalungkot din kasi madalas nya akong mamiss..Minsan di ko tuloy alam ang gagawin, kung magstay dito o uuwi nalang, pag uuwi naman kasi ako, kulang pa ang sahod sa pinas para sakin, panu ko pa ibibigay ang lahat ng gusto nya. Kaya yun kahit sobrang miss ko na sya kelangan mag tyaga…..ang ang drama ko naman na…. change topic….

    Buti ka my aso…. maganda yan, pang tanggal stress minsan…..

    ingat ka ha….

  4. Hindi yan drama, yan ay ang pagiging ikaw. Isa kang ulirang anak Krisjewel. Kung ako ang Nanay mo, sobrang proud ako sayo dahil sa iyong mga pagsisikap. Yaan mo, hindi man ngayon maibigay sayo ang iyong mga pinaghihirapan, sigurado akong balang araw masagana mong tatamasahin ang mga pinagpaguran.

    Ikaw din, ingat ka lagi dahil ang layo mo. Huwag na huwag pababayaan ang sarili lalu na ang health.

  5. Ah yun ba? Ang pagkakaalam ko kasi, ang agora ay isang pook o lugar na pinagsesentrohan ng mga palitan ng kalakal. Sa mga lumang bayan at munisipalidad, ang mga palengke nila ay nakapangalan pa sa agora. Pakitama na lang po kung mali ang pagkakasalaysay.

    From Cagayan De Oro ka Ani? Magandang araw!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s