Bulsang Butas

Kaskas dito kaskas dun. Gasgas dito gasgas dun. Yan lang yata yung gasgas na alam ko na naeenjoy. Masarap lang gasgasin pero kapag oras na ng bayaran, masakit na. Haaay, bilay! Ang pinoy nga naman.

(Kay Kuya Google galing ang larawan)

(Salamat Kuya Google sa larawan)

Isa yan sa hindi magandang nakaugalian ng pinoy – Ang pangungutang. Yun bang ginagastos mo na e hindi mo pa kinikita. Kaya ang siste pagdating ng oras ng sweldo, bibilangin mo na lang at ibibigay sa iba. Ang sakit sa bangs di ba? Ganun lang kasimple. Paulit-ulit lang yung sistema.

Meron pa nga yung uutang pa para lang ipambayad din sa utang. Nakakalungkot lang. Nakasanayan na kasi eh. Mumos pa ako nun pero naaalala ko pa yung sabi ng Tatay ko tungkol sa utang. Na ang utang o pangungutang daw ay parang sakit na mahirap gumagaling. Na kapag napasok mo na sa iyong sistema, ang hirap na tanggalin. Sa tingin ko ay totoo naman. Marami din kasi akong kakilala na ganyan. Na kung minsan, kung sino pa yung mga mayayaman o mas may kaya sa buhay ay siya pa yung may malalaking utang.

Nasubok ko na ba mangutang? Aba, Ciempre naman! Collectors item ka kapag hindi mo pa nasusubok yan. Dapat kang ilagay sa selyadong salamin para hindi ka maalikabukan at madumihan. Dahil siguradong napakadalang ng katulad mo kapag hindi mo pa naranasan ang mangutang. Sa mga pagkakataong naiwanan ko yung wallet. Nakalimutan yung pera sa bag. Kulang ang dalang pera habang umoorder sa fastfood at kung anu-ano pang sitwasyon na kinapos sa pera. Hindi ako madalas nagdadala ng pera pero madalas kapag gagastos ako ng nasa plano ay lagi akong merong pasobra. Sobrang nahihiya kasi ako kapag nanghihiram ako ng pera. Mabuti na lang at hindi ko nakagawian ang gumastos ng higit pa sa kung anong meron lang ako.

Ang pinakamalaking halaga na nautang ko ay nung nangailangan ako ng budget para sa pagrerequirements ko sa first job ko. Malayo kasi ako nun sa magulang ko kaya nakahiram ako sa butihing barkada. Kung nasaan ka man Papa Bear, salamat ulit ha. Umabot din ng libo at inabot ako ng halos dalawang buwan bago nakabayad. Dun ko kasi kukunin sa unang sweldo ko yung pambayad. Mabuti na lang at walang interes. Pero kahit hindi na iba sa akin yung pinagkautangan ko, sobrang hiya ko pa rin lalu na sa sarili ko. Ewan ko ba, iba yung pakiramdam kapag may utang ka. Parang ang liit ng pagkatao mo.

Hindi ko rin alam kung bakit yung mga kasama ko sa trabaho ay kating-kati na magkaroon ng credit card. Kahit minsan at hindi ko inasam na magkaroon nun. Achivement yata sa kanila na kumpleto ang pangalan ng bangko sa mga credit card nila. Yun bang parang sobrang angat sila kapag nakapamili na credit card ang ginamit. At yung mga iba naman na may credit din ay hindi padadaig. Na kapag nagkaskas si Pabida ay magkakaskas din si Hambog. Susme, kaya hindi umaasenso ang Pilipinas. Tapos parang shunga lang na magrereklamo na wala na daw natira sa sweldo nila kasi ibinayad nya sa credit card. O di ba? Ginusto mo yan eh.

Hindi naman masama ang mangutang. Sino ba naman ang hindi nagigipit at nangangailangan. Hindi rin masama ang magkaroon ng credit card. Hindi rin masama ang bigyang ng luho ang sarili paminsan-minsan (kung kaya naman) lalu na kung buong sikap ka naman para sa iyong pinagkakakitaan. Pero kung ginagawa mo na parang panunuod ng teleserye ang pangungutang, dun na may mali. Yung disiplina mo sa paghawak at paggamit ng pera ay hindi mo na alam kung saan mo nailagay. Huwag mo ipagsawalang-bahala yun. Kailangan mo yun hanapin at isabuhay muli. Hindi masaya ang nababagabag ka ng mga bayarin mo bago ka matulog sa gabi. Nakakakulot ng buhok ang magbudget ng pera na pambayad ng utang ang unang pinaglalaanan. Kaya kahit na payak lang at walang luho sa kung anuman, ang sarap lang sa pakiramdam na wala kang inaalalang bayarin at pinagkakautangan.

Maligayang Pasko sa inyo! ^_^

Mano Po at Opo

Mano Po at Opo
by: Diwangtanglaw

Ala-alang pinukaw
Lipas na mga araw
Tara’t magbalik-tanaw.

Asal na nararapat
Musmos ng naimulat
Kaugaliang sapat.

Pagmanong nananabik
Ay may yakap na balik
Samahan pa ng halik.

Dala-dala mo ba Po?
Dayalogong malago’
Tugon mula sa puso.

Opo ay tangan din ba?
Paggalang na napuna
Sagot na may halina.

At ngayon ako naman
Paslit ay tuturuan
Maging isang huwaran.

Kahit tumanda na’ko
Taglay ko pa rin ito
Dahil nga Pinoy Ako.

♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥ ♥

Ang “Diona” sa itaas ay aking entry sa Saranggola Blog Awards 2015 para sa kategoryang Pagsulat ng Tula na tumatalakay sa pagka-Pilipino; buhay at gawi o maging pang araw-araw na buhay ng mga Pilipino.

sba_logo

At ciempre, ang Taos-pusong Pasasalamat sa mga Sponsors sa ibaba.

lionhearthv       dailypediataragisRCST

dmci_homes

Ako Si Matanong

Salamat Kuya Google sa background ^_^

Salamat Kuya Google sa background ^_^

Yebah! Tapos na ang tag-ulan dito sa bansa namin. Dalawang araw nang umiiral ang tag-araw at sa wakas ay makakatuyo na ulit ng maayos ng mga sinampay. Nung nakaraang linggo kasi ay nagkaabutan sa sampayan yung dalawang linggong labahin namin dahil sa walang humpay na pag-uulan. Pero sa kabilang bahagi ng mundo ay nakabuti naman para sa mga bukirin na natamnan na ng palay. At sa anihan ay may gugulangan nanaman ang mga negosyanteng mapagsamantala. Ayun lang.

Kahapon ay nagkaroon ako ng malayang oras para maggala at magbabad sa mundo ng kasaputan (world wide web). Oo mga Ate at Kuya, nag-internet ako to the max kahit na nasa work ako. Ahihi! Huwag niyo ako isusumbong ha. Maaga ko kasi natapos yung workload ko kaya kunwaring busy mode na lang ang peg hanggang sa matapos ang oras ng trabaho.

Sa kabilang side ng bangs ko ay nalungkot ako. Dahil yung mga nabisita kong blog site ay kapareho ko na parang alien lang na bumababa sa Earth na nangyayari lang once a year o kung kelan lang nila gusto. Marahil ay may mas inuuna pang mga bagay bagay sa tunay na mundo. Mas kinukunsumo ng reyalidad yung oras kaysa sa magpaskil ng mga opinyon, pananaw at mga kuro-kuro. Meron din naman mga masisipag magpaskil at sila yung mga mayayaman. Mayayaman sa bakanteng oras o kaya naman ay propesyon nila ang pagsusulat sa elektronikong mundo. Kainggit lang kasi dahil sa dalang ko na magsulat, tila napupurol na rin yung likot ng pag-uutak ko para makapagbahagi ng kung anu-anong meron ako.

May matutunan man yung nakabasa o wala. Nakapagbigay man ng ngiti at tuwa. Nakasira man ng araw yung pagbisita sa bahay ko o naging dahilan pa ng pag-aaway nyo ng kasintahan mo, hindi na siguro importante yun. Parang bonus na lang kapag makatanggap ka ng mga positibong komento. At kapulutan ng espasyo para pagbutihin pa kung sakali naman na may komentong negatibo. Dahil ang pinakamasarap na bahagi ay yung maipahayag mo ang sarili sa paraan ng pagtutugma ng mga salitang sa tingin mo ay naaakma sa emosyon at panahon. Malalim o mababaw man ang pakahulugan ng iba, Ohryt! Rock en roll to the world! Woah!

Meron din naman yung mga pagkakataon na ang yaman mo sa oras at gustong-gusto mo magsulat. Pero ayaw ka naman dalawin ng mga mabubuting espirito para bigyan ng malikot na kaisipan para maipahayag ang sarili. Kainis lang ano? Parang pananakop lang ng mga epal sa telebisyon na kahit na saang istasyon at anong oras ay nilalaman sila ng patalastas.

“Kami ang Pabebeng Epal at wala kayong pake kung pa-epal kami sa mga video namin. Kaya huwag kayo mangenge-alam dahil kahit sino man kayo, walang makakapigil sa amin.”

Pero hindi man tama ang mag-isip ng masama sa kapwa, hindi mo maalis yung ideyang baka galing na sa kaban ng bayan yung ginagastos ng mga Pabebeng Epal sa maagang pangangampanya nila. Haaay life, ano na ba itong nangyayari sa mundo?

Kaya sa lahat ng mga manunulat – baguhan man o hindi, propesyonal man o nakikigaya lang, nakahiligan, pinagkakakitaan, pampalipas-oras o kahit na ano pa man ang dahilan ng pagiging manunulat mo. Ipagpatuloy mo lang kahit na mas nauukupa na ng tunay na mundo ang oras mo. Ipagpatuloy mo lang kahit na wala ka ng pera. Ipagpatuloy mo lang kahit na hindi na kayo nag-uusap ng tatlong araw ng boyfriend/girlfriend mo. Ipagpatuloy mo lang kahit na may bagong shih-tzu yung kapitbahay mo. Ipagpatuloy mo lang kahit na ikaw na lang ang nakakaintindi sa mga isinusulat mo. Malay ba namin kung may malalim kang pinaghuhugutan. Dahil higit-kailan man, walang pwedeng maitumbas na saya sa layang maipahayag mo ang iyong sarili ng walang alinlangan at hindi ibinase sa pamantayan ng iba.