Ako Pa Rin Si Ikaw

Hey there! Diwangtanglaw here musing!

It’s been a while since my last post here. Reality is consuming my precious time too much. After a few busy work projects, i’ve been occupied by series of celebration and occasions. Huh?!

Ay! Teka! Teka! Naligaw yata ako. Bahay ko na pala ito ^_^. Kagagaling ko kasi ulit kay Sis Ren kaya siguro ganito ang bungad ko. Totoong matagal-tagal na nga rin mula nung huling paskil ko. Ang dami ko na nga napalampas. Ang dami ko rin nakaligtaan. Ang daming mga akda na hindi na naituloy at hindi na naipaskil.

Lumipas na ang mga graduation na aking dinaluhan at ngayon ay pasukan nanaman. Nailigo ko na ang pakiramdam ng pagbabalik-tanaw sa nakaraan na parang ako lang yung dating kinder na umaakyat ng stage. Tapos heto naman ngayon na puro estudyante na ang mga nakakasakayan ko (na parang ako lang din dati) sa mga umagang patungo ako ng trabaho.

Natapos na ang tag-araw at simula nanaman na ulit ng panahon ng pagtatanim ng palay. Ang panahon dito sa amin sa buong maghapon at binubuo na ng dalawang klima – tag-araw sa umaga at tag-ulan naman sa hapon at gabi.  Tsk tsk tsk! Sira na nga talaga ang panahon. At patuloy pa itong nasira dahil din sa ating kapabayaan.

Nakita ko na rin yung nawawalang nailcutter sa bahay at nakapaggupit na ako ng kuko sa kamay at paa kahapon. Yun nga lang at wala ako sa mood na maglagay ng kulay at kolorete sa kuko kaya hanggang gupit lang ang pinakamahalagang accomplishment ko kahapon. Pero impernes, kahapon din ay nagawa ko ulit yung isang pinakapaborito kong gawin nung elementary ako.Ang magpapak at magpalaman ng condense milk sa tinapay. At marahan pang dumadaloy sa mga daliri ko yung gatas habang nilalantakan ang walang kalaban-laban na pandesal at loaf bread. “Finger lickin good” ika nga. Ahihi!

Sa susunod na magkaroon ulit ng malayang oras at ma-areglo namin ni Inang kalikasan ang schedule ng pagtangis ng ulap, alam na! kakarerin ko naman ang paliligo sa ulan. Gagawin ko rin sana yun kahapon kaya lang mas pinili ko ang yumakap sa unan at managinip habang kontodo emote ang kaulapan. At pagkagising, palong-palo ang merienda kong noodles na maanghang na niluto ng Nanay kong hindi pa rin mapakali hanggang ngayon dahil hindi nya napanuod ang ending ng The Legal Wife.

Pero sa dami na ng mga nangyari itong nakaraan, wala pa rin hihigit sa mga bagong bagay na natutunan. May mga pagkakataon talaga sa buhay na nakakasakit tayo at nasasaktan. Hindi man pisikal, mas iindahin mo yung “aray” kapag emosyon o damdamin na yung natatamaan. Pero sa kahit na anu pa man ang dahilan, hindi kailangan ng pride para manumbalik ang dating pakikitungo at pagsasamahan. Ganun lang kasi talaga. May kailangang magwakas para makapagsimula. Kailangan muna ng mali bago mo itama. Kailangan mo ang pagluha para mas maintindihan ang emosyong akala mo ay kabisado mo na. At kahit na ano pa man ang pagdaanan. Pagkatapos ng emosyong masalimuot at makalat, ang pagmamahal at pagpapahalaga pa rin ang nananatiling dahilan para hilumin ang lahat.

Magandang Umaga sa inyong lahat! ^_^

Unang Tampisaw

Marahang nararamdaman na talaga ang pagsapit ng tag-araw. Maalinsangan na nga dito sa amin kapag tanghali hanggang sa paglubog ni Haring Araw. Kabilaan na nga ulit ang nagtitinda ng halo-halo at kumikitang kabuhayan nanaman ang “ice for sale” na tigatlong-piso. At dahil nabanggit na rin ang halo-halo, gusto ko lang ipaalam sa sambayanan na yan ang paborito ko ngayong merienda sa hapon. Ganun? Kailangan ipangalandakan? Ahihi! Kalma, Maghalo-halo ka rin para makarelate ka. Ahaha!

Siguradong handang-handa na rin ang mga mahihilig magtampisaw sa tubig. Naplano na ng mainam ang mga destinasyon at ang mga gamit, pagkain, sasakyan, inumin, barkada, sarili, at kung anu-ano pa na kailangang dalhin. Pero magpapahuli ba ako? Ciempre naman hindi kasi nauna na kami nung February pa. Ahaha! Ang destinasyon… Poracay sa Porac, Pampanga.

SAM_0440 [640x480]

SAM_0441 [640x480]

SAM_0449 [640x480]

SAM_0442 [640x480]

Halos ganyan sa larawan sa itaas ang kabuuan ng byahe papunta sa lugar. Naisip ko tuloy na mangungubat kami o kaya naman ay magquaquarry at hindi magsiswimming.

SAM_0443 [640x480]

Isa sa nakaagaw pansin sa amin ay ang taniman ng Dragon Fruit. Totoo kaya na kapag nahinog ang bunga nyan ay magiging dragon?

SAM_0444 [640x480]

SAM_0454 [640x480]

Hindi pa rin talaga ako nakukumbinsi. Mukhang mali yata ang grupong nasamahan ko.

SAM_0455 [640x480]

Pero nung natanaw na namin ito, nagkaroon na ng liwanag ang buhay. ^_^

SAM_0456 [640x480]

SAM_0457 [640x480]

SAM_0458 [640x480]

SAM_0459 [640x480]

SAM_0460 [640x480]

SAM_0461 [640x480]

SAM_0467 [640x480]

SAM_0481 [640x480]

SAM_0487 [640x480]

SAM_0509 [640x480]

SAM_0516 [640x480]

SAM_0529 [640x480]

SAM_0538 [640x480]

SAM_0535 [640x480]

Eto ang wagas na salarin. Bakit ba kasi may hugis-puso na damo dito? Kasura na maging emosyonal ang alindog ko. Ahaha! Nga pala baka may maghanap. Minarapat kong hindi ipaskil ang mga larawang may pagkakakilanlan. Gusto ko kasi manatiling pribado ang aking kagandahan. Ahaha!

Sa dami ng pwedeng gawin para ma-enjoy ang lugar ay hindi ko na yun masyadong napagtuunan ng pansin. Hindi ko nga namalayan na natapos ang dalawang araw ko ng ganun-ganun na lang. At sa tingin ko at hindi ko na rin ibibida yung lugar para puntahan ng iba dahil hindi ko nakikita ang sarili ko na babalik ako sa ikalawang pagkakataon. Kasi naman, meron akong emosyonal na pinagdadaanan habang nandun ako. Ahaha! Bitter lang! Ang puso nga naman kapag nag-inarte.

Pero ang pinapangarap ko na bakasyon sa tag-araw ay marating ang Bora. Oo, kahit na nilalamon na ito ng komersyalismo, ninanais ko pa rin itong marating balang araw. Hmmmm… basta libre. Ahaha! Tapos dun ako tutuloy sa bagong vacation house ni sis Ren. At libre din. Abuso na! Ahahah! Cencia na Sis Ren ha, napagkatuwaan lang. ^_^ O di ba? Hindi naman masama ang mangarap dahil isa din yan na magpahanggang sa ngayon ay libre pa rin pero sa ngayon ay hanggang dito na lang muna ako sa abot ng kayamanan ko. Basta ang importante e hindi ako nakakalimot makipagbonding kay Inang kalikasan. Maging malayo man yan o malapit, basta na-eenjoy ay hinding-hindi ko yan ipagpapalit kahit na sa ube keso flavored ice cream. Ah teka? Ice cream ba? Mmmmm… Ah sa bagong android phone na lang. Hinding-hindi ko yan ipagpapalit sa bagong android phone. ^_^ Ehehe! Nahirapan ako magdesisyon.

Hindi man natuloy ang Putipot Island adventure na binalak namin nuong mga nakalipas na siglo, sigurado naman ako na marami pa ang pagkakataon. Ganyan naman kasi talaga kapag pinagpaplanuhan ng maaga. Madalas ay hindi natutuloy. Mas nagiging masaya pa nga yung bigla na lang nagkayayaan tapos hayun na! Nakikita mo na lang ang sarili na nag-eenjoy kasama ang mga kabarkada. Para lang yan na nagkayayaan na magfoodtrip after office hours tapos sa hindi malamang dahilan at nasa bar na. O di ba, paminsan-minsan ay masubok din umuwi ng umaga. Kahit na masakit ang ulo at kulang ng pahinga, hindi naman mapapalitan yung naidulot na saya. Pero ciempre huwag kakalimutan na ingatan ang sarili para walang maging problema at walang mag-aalala.

At huwag din kakaligtaang samantalahin ang mga paboritong prutas ngayong tag-araw ha. Nangangamba nanaman ako sa mga bungang-araw ko na idudulot ng walang humpay na pagkain ko ng mangga. Okay lang yan! Minsan lang naman sa isang taon. ^_^ Oo nga pala, nitong mga nakaraang-araw ay gustong gusto ko din kainin ang chico at mabolo. At dapat ba ulit ipangalandakan? Ahaha! Subukan mo din para ulit makarelate dahil ngayong tag-araw lang masarap ang mga prutas na yan.

Many thanks kuya Google sa larawan ^_^

Many thanks kuya Google sa larawan ^_^

Maligayang tag-araw sa inyo!

Bukas Na Lang Kita Babatiin

Many thanks kuya Google sa background ^_^

Many thanks kuya Google sa background ^_^

Maraming beses na natin narinig ang mga linyang yan. Mapamusika, pelikula at kahit na saan saan pang mga dialogo o paskil. Sobrang mapusok ano? Parang mga kabataan lang ngayon na padalos-dalos ng desisyon at emosyon pagdating sa pag-ibig. Heep! Sino nga ba naman ang normal na nilalang ang hindi dumaan sa ganyan. Ahihi! Oo nga pala, huwag din natin kaligtaan yung mga nasa hustong gulang na at pag-iisip. Oo, yung mga matatanda. Ahaha! Aminin, kapag tinamaan ka ng pag-ibig ay nakakagawa ka ng kung anu-anong kababalaghan, milagro at mga bagay na imposible na kahit na minsan ay hindi naman nasagi sa isipan mo na gagawin mo pala pagdating ng araw. Ang dahilan, in-love lang. Ahaha!

Sa kabila ng nakakalunod na kasiyahang dulot ng pag-ibig ay huwag na huwag din natin kalimutan ang sakit na pwedeng idulot nito kapag hindi ito umakma sa tamang panahon, tamang tao, tamang pagkakataon at ilegal na paraan. (Ilegal na paraan? Pork barrel ba yan?) Opo mga Kuya at Ate, meron pong ilegal na paraan kaya huwag kang mangangako sa mga panahong sobra kang masaya. At huwag ka rin gagawa ng desisyon kapag galit ka. Ang sugat kasi na pwedeng idulot ay sugat na hindi mawawala kahit na lumain pa tayo ng panahon. Maaaring maghilom pero hindi mawawala ang pilat. Ang pilat na permanenteng nakamarka hindi lang sa puso kundi sa buong pagkatao. Hindi kasi yan parang puto espesyal na basta basta na lang ibinabahagi. Masarap ang may ka-share pero pandalawahan lang ha. Maliban na lang kung isa kang kandidato na nagpapahayag ng pagmamahal sa buong barangay, bayan o siyudad. O di ba? Mahal na mahal mo ang bawat isang mamamayang Pilipino dahil may kailangan ka sa kanila. Boom!

Para sa mga wala pang pag-ibig, huwag magmadali. Hindi masarap ang hinog sa pilit. Darating at darating din ang tamang tao para sa’yo. Kaya kahit na abutin ka na ng siyam-siyam sa kahihintay ng nakanga-nga, nga-nga ka lang kasi “patience is a virtue”. Ahaha! Kung ganun naman na katagal, siguro naman ay dapat gumawa ka na rin ng paraan. Hindi kabawasan sa pagkatao ang magpakita ng motibo at hindi rin nakakababa ng moral na ipangalandakan sa buong mundo na single ka. Tandaan na ang pagiging single ay isang oportunidad para matikman ka ng iba. Ahihi!

Sa mga may pag-ibig na. Panatilihin na maalab ang pagsasama sa pamamagitan ng pagsusunog ng mga gamit ng isa’t-isa. Sigurado akong maalab na maalab yan. Ahaha! Simple lang po. Gawin ang bawat araw na parang kasisimula nyo lang magpalitan ng “i love you”. Di ba nga hindi na importante kung mababaw ang dahilan kung bakit ka nagmahal. Basta ang malalim ay yung mga dahilan para kayo ay magtagal. Hindi naman yan katulad ng mga kumplikadong recipe na kailangan ng mabusising preparasyon. Maliban sa dalisay na pagmamahal, samahan mo pa ng isang buo at malaking tiwala, isang buong respeto, palagiang pag-uusap at bukas na saloobin sa kahit na anong bagay, matibay na pananalig sa Itaas at 32″ na LED TV. At bakit may tv? Kasi gusto ko lang. Isa kasi sa paborito kong ginagawa ay ang panunuod ng tv ^_^.

“Masarap ang magmahal, ang magmahal ng malaya. Kaya huwag itatanikala ang sarili sa pagmamahal na hindi marunong magparaya.”

Happy valentines sa inyong lahat!

Ube Keso Flavored Ice Cream

Ang buhay ay punong-puno talaga ng pagbabago. Yung mga bagay na pinaniniwalaan mo ngayon, paglipas ng oras, araw, linggo o buwan ay iba na. May mga paniniwala ka na matibay mong pinanghahawakan ng matagal na panahon tapos pagdating ng araw ay kaya mo naman palang bitawan para maniwala at manindigan ng bago.

Sadya nga talagang may mga pagbabago para sa ikabubuti. Ito yung mga bagay na masusing pinag-isipan at tinimbang. At meron din naman mga pagbabagong para shunga lang nung dinisisyunan na dinaig pa ang gulo ng santambak na labahin ang kaisipan. Ang iba naman ay nabuyo lang ng iba o kaya naman ay sinamantala ng pagkakataon para sa pakinabang at intensiyon na pangsarili.

Huwag maguluhan ha. Ganyan lang naman kasi talaga ang batas kalikasan. Hindi naman mahirap intindihin. Lahat dapat ay balanse lang at nasa kanya-kanyang tamang kalagyan. May mga aral kasi ang buhay na kahit na sinasabi nating alam na natin pero ang totoo ay hindi naman natin lubusang naiintindihan. May mga pagkakataon talaga na kung minsan ay sa masakit at masaklap pa na pamamaraan natin mararanasan para matutunan. Tandaan na kahit na pareho kayo ng pagkakadapa, hindi kailanman magiging magkapareho ang sakit na inyong nararamdaman.

O baka naman kasi kailangan lang hanapin ang sarili para manumbalik sa dating katinuan. Pwede rin siguro na iuntog muna ng isang-libong ulit ang ulo sa pundasyon ng traffic light para naman makadaloy ng mabilis ang dugo at makapag-isip ng maayos. Kahit na isa o dalawang linggo ka pa lumanghap ng amoy ng pintura, sigurado ako na hindi yan dahilan para madiskaril sa pagtahak sa paahon at pababa na daan ng session road. Lahat naman kasi tayo ay may kanya-kanyang version ng katangahan. Yung iba pa nga e upgraded. Akalain mong below sea level ang kalidad. Pero kahit ganun pa man, basta huwag nga lang sosobrahan dahil hindi yan unlimited. May expiration din po.

Huwag din matakot magkamali ha dahil dyan mo matututunan yung importanteng aral na kailangan mo sa buhay. Basta huwag lang tumigil sa pagbangon at magpatuloy kapag nadapa. Panatilihing nakatapak ang mga paa sa lupa at huwag mabuhay sa ekspektasyon at pamantayan ng iba.

Alam natin lahat na madali ang magsabi ng “Sorry po!” (maliban na lang kung mapride ka), pero hindi naman ang sorry ang makakapagtama ng kamalian. Minsan nga kahit na mali na ay ipinipilit pa natin na paniwalaang tama dahil sa ating mga dahilan at pananaw. At kahit na nga nagsorry na e inuulit-ulit lang din naman. Paulit-ulit din yung sorry. Minsan parang tanga lang talaga kahit alam na kung ano ang tamang gawin.

Hindi lahat ng mga bagay na kaya mo ipaliwag ay masasabing tama. At hindi rin lahat ng bagay na hindi mo kayang ipaliwanag ay mali na. May mga bagay lang talaga na mas mainam na hayaan na lang dahil sa kalaunan at kusa din naman nanunumbalik sa kaayusan. Katulad nga di ba ng tubig sa sapa, kahit na ilang beses mo itong bulabugin at ginambala, kusa at kusa din itong huhupa at magiging payapa.

Ganun lang talaga. Sa huli ay nasa atin pa rin ang kapangyarihang pagpapasya. Tayo lang naman kasi ang may karapatang magmaniobra sa tatahakin natin byahe at sa mga gusto nating pangyarihin sa ating buhay. Hindi kasi ako naniniwala sa “walang choice” dahil tayo lang ang may karapatan na magdesisyon para sa ating sarili. Hindi siya, hindi sila, hindi yung kapitbahay mong mahilig manghingi ng dahon ng malunggay at higit sa lahat, hindi ang kung sino-sino lang. Huwag kalilimutan na lahat tayo ay may karapatang sumaya.

Habang patuloy na umiikot ang mundo at nagkakaroon ng araw at gabi, hindi natin maiiwasan na merong mga makakasabay at may mga bagong makikilala. Ang importante lang naman ay gawin nating makulay at makabuluhan ang pakikisalamuha. Maging maganda o hindi man ang kahantungan, wala tayong sisisihin at pagsisisihan dahil hindi natin kinaligtaan ang pagbibigay halaga sa mga simple at maliliit na detalye.

Kaya kahit na ano pa man ang maging batayan ng iyong mga paniniwala sa buhay. Kahit na ano pa man ang iyong mga pinanghahawakang dahilan para magpatuloy, kayang kaya kong sabihin na nakakapuyat ang pagkain ng ube keso flavored ice cream. Kahit na nakakapuyat, aaminin ko masaya ako kahit na sinipon ako dahil sa lamig ^_^ Pramis!

(♪♫ hawakan mo ang akin kamay… ♫ at tayong dalawa’y ♫ la la la… hmmmm… ♪♪)

Maligayang Pasko po sa inyong lahat! Paskong pasko e emosyonal. Ahihi!

Ikalawang Tahanan

Ay, teka teka! Bago ko umpisahan yan, gusto ko muna samantalahin ang pagkakataon na ito para hikayatin muli ang mga maabot ng paskil na ito na lagi ninyong isali sa inyong mga panalangin na panatilihing matatag at nagpapatuloy ang mga kababayan nating sinalanta ni Yolanda. Hindi naman kasi talaga biro ang pinagdaanan nila kaya sana kahit na sa simpleng pagtawag natin sa Itaas ay maisali natin sila para patuloy silang gabayan at alalayan hanggang sa kanilang muling pagtayo sa sariling paa. (brrr… ako na ang super late)


Source: HelpYolandaVictims

Isang pasasalamat din pala dahil ang mangilan-ngilan na kakilala ko sa Kabisayaan ay ligtas at nasa maayos na kalagayan na ngayon gayundin ang kanilang mga pamilya. Amen.

Marami pa sana akong gustong sabihin patungkol sa bagyong Yolanda at ng kanyang mga nasalanta kaya lang hindi kagandahan na namnamin pa yung mga hindi magagandang nangyari. Kaya tara! move on!

Bago ang lahat ay gusto ko din batiin si hanging amihan na umiihip mula sa hilagang-silangan ng Pilipinas. Nang dahil sa’yo ay ang hirap na ako ulit bumangon sa umaga. Mas masarap na ang maglimlim. Ahihi! Pero kahit na may ganyang effect ka sa akin ay mas lalu mo pinapasarap ang paghigop ko ng mainit-init na choco drink sa almusal. Mas mabilis na rin ako ngayon matapos maligo dahil ayoko sipunin. Hindi na po ako nakakapaghilod ng maayos. At higit sa lahat ay nagalugad ko na ulit ang aking walk-in bodega para mailabas ang mga mahahaba at makakapal na damit panlamig.

Sa madaling sabi ay ramdam na ang simoy ng kapaskuhan. Kaya kung may gift na kayo sa akin, ipadala nyo na ng maaga ha. Lam nyo na ang gagawin. ^_^ Ihuhulog ko rin kasi sa donation box sa Mall dahil alam kong mas magiging masaya yung makakatanggap nun kasya sa akin.

O sya eto na ang sinasabing ikalawang tahanan – ang workplace o office. Agree ba kayo na ito ang ikalawang tahanan? Sa isang aspeto siguro ay oo at sa ilang mapag-usisang opinyon ay hindi naman. Sa mga agree dyan ay isa na si kuya na nangingisi habang nagbabasa dahil nungka na halos ang kusina at working area nya ay magkasama na sa iisang office table. Sandamakmak ang pagkain sa drawer at kung anu-anong powdered drinks ang makakalkal mo. May tasa o baso palagi sa tabi ng computer monitor? Tsek!

Ate sa kabilang table, nag-uugat na yung egg pie mo sa drawer. Ahihi!

Agree din siguro yung mga hindi na alam ang kaibahan ng kanyang sariling kuwarto at ng opisina. Yun bang may mga ilang set na ng damit sa locker at may spare talaga na underware. May maliit pa na unan ha? Susme, hindi po tayo mabubuhay para magtrabaho. Nagtatrabaho po tayo para mabuhay.

Sa madaling salita ay kulang na lang ay sa office na tumira para lang magampanan ang responsibilidad na iniatang. Tsk tsk tsk, ganyan na po katindi ang pangangailangan. Hindi masama kung paminsan minsan lang dahil sa hinihingi ng pagkakataon pero kung halos araw-araw na, utang na loob mga kuya at ate. Mortal kang nilalang na may puso at balun-balunan din.

At dahil ito nga ay itinuturing ng iba na ikalawang tahanan, kung makapagtsinelas naman ang iba ay wagas kahit na office hours na. At kapag naglakad ha, kuntodo gasgas sa sahig ang havaianas na nabili sa bangketa. ^_^ Ahihi!

Dito rin sa itinuturing na ikalawang tahanan nangyayari ang maraming pag-iibigan. May bawal, may legal, may complicated kase pareho silang lalake. Ahahaha! At kung anu-ano pa. Di ba mas nagiging close tayo sa ating mga katrabaho kapag nakakasabay natin sila sa pagkain? Kahit na rin sa merienda break. Tapos ayun! Dun na ang simula ng maraming istorya. Pagpapahalaga, disiplina at respeto na lang ang siyang magiging kaibahan.

Ikalawang tahanan nga sigurong maituturing dahil mas maraming oras ang nagugugol natin dito sa maghapon at magdamag. Kalaunan ay di natin namamalayan na halos dito na rin pala halos umiikot ang mundo natin. Isama mo pa dyan yung mga nagiging ikalawang Tatay at Nanay, Tito at Tita, Kuya at Ate at maging mga kapatid natin na maituturing. Sigurado ako na karamihan sa atin ay maraming ala-ala ang naimbak sa panahon ng paghahanap-buhay. Yung iba dyan na nagkaroon ng boyfriend/girlfriend. Dyan na nagkaasawa
at nagkaroon ng mga anak. Dyan din nagkaroon ng kabit na sumira sa pamilyang binuo. At ang iba ay dyan na rin binawian ng buhay.

Di ba, maliban sa iskwelahan habang tayo ay nag-aaral, kung susumahin lang ay ang trabaho at ang mga nakapaligid dito ang nangungunang umuukupa at pinaglaanan natin ng panahon habang tayo ay mabubuhay. Sa kabuuan nga ay konti lang ang oras para sa sarili kaya madalas na naririnig ang dahilan na “bee see”. Dahil sa trabaho ay napapalampas na ang mga okasyon ng pamilya. Dahil sa trabaho ay mas madalang na rin magkita-kita. Lalu na sa mga demanding ang trabaho na kapag panahon ng bakasyon at holidays sila mas kailangan, sura!. E ano pa kaya yung nasa kabilang bahagi ng mundo ang lugar ng hanapbuhay. Milya-milyang distansya at pinaglalayo ng mga karagatan ang pagitan. Mas mahirap di ba?

Kaya sana kahit na mahirap magbalanse, pilitin natin na magkaroon ng mas marami pang oras para sa sarili, sa pamilya at sa mga taong importante sa atin. Hindi naman kasi yan parang cross stitch na kapag mali ang bilang na nasimulan ay tatastasin lang at mag-uumpisa lang ulit. Kaya huwag sayangin ang panahon habang meron at marami pa tayong pagkakataon para gawin itong mas kapaki-pakinabang at mahalaga. Totoong kailangan natin maghanapbuhay para mabuhay pero huwag din natin kakalimutan na kahit na merong tayong itinuturing na ikalawa at pansamantalang kanlungan, mas higit at dapat natin bigyan halaga at pagtuunan ang totoo at una nating tahanan.

Maligayang Pasko sa inyong lahat! O ha! Isa na siguro ako sa mga nauna o maagang bumati sa inyo. ^_^

malapitna